[Epilogo]
PAIKOT ang silya sa azotea habang nagbuburda sina Doña Marcela, Manang Tonya, Remedios, Segunda, Socorro, Leonora, at Amor. Sampung taong gulang pa lamang si Socorro, at ang dalawa niyang mas nakababatang kapatid ay pinapaguhit lang sa mga tela dahil hindi pa ito maaaring humawak ng karayom.
Hindi makapagtimpi si Socorro habang tinutusok ang hawak na tela. Nagmamadali siyang matapos upang makapaglaro na sa labas. "Inyong ayusin ang pagbuburda dahil gagamitin niyo iyan sa inyong traje de boda," wika ni Doña Marcela sabay tingin kay Remedios na malapit nang ikasal.
Ngumiti sina Segunda, Leonora, at Amor sa kanilang nakatatandang kapatid. Kasama rin sila nang sukatan ito ng damit pangkasal. "Hindi ko naman ito magagamit," saad ni Socorro habang nanggigigil sa sariling gawa. Hindi niya maunawaan kung anong disenyo ang kaniyang ibinuburda.
"Kung hindi mo iyan aayusin Socorro, hindi ka maaaring lumabas," saad ni Doña Marcela dahilan upang gulat na mapatingin sa kaniya si Socorro. Magsasalita pa sana ito ngunit pinandilatan na siya nina Remedios at Segunda.
Ibinalik ni Socorro ang paningin sa ibinuburdang bulaklak na Marabilya. Mas mahalaga sa kaniya ang makapaglaro sa labas kung kaya't kailangan niyang sumunod. "Iisang traje de boda lang ang susuotin niyong lahat, ito ang magiging disenyo ng inyong belo," saad ni Doña Marcela. Napakunot ang noo ni Socorro sa ibinuburda, kailanman ay hindi sumagi sa kaniyang isipan ang magsuot ng traje de boda.
Napahagikhik si Amor dahilan upang suwayin siya ni Doña Marcela. Muling ibinaling ng lahat ang atensyon sa pagbuburda. "Inyo bang nababatid kung bakit mapalad maging babae?" Tanoong ni Manang Tonya. Nagkatinginan ang magkakapatid na De Avila. Maging si Doña Marela ay nag-isip ng isasagot.
"Dahil tayo po ay nagdadalang-tao," tugon ni Remedios. Tumango si Manang Tonya.
"Maalam din po tayo sa mga gawaing bahay," sagot ni Segunda. Tumango ng dalawang ulit ang mayor doma bilang pagsang-ayon.
"Marami rin po tayong nalalaman sa pagluto," tugon ni Leonora. Itinaas ni Amor ang kaniyang kamay upang sumagot.
"Dahil tayo ang hinaharana," hagikhik ni Amor. Napakurap pa ito sa takot na makurot ng ina na nasa kaniyang tabi ngunit napahalakhak ang lahat. Maging si Doña Marcela ay hindi na napigilan ang matawa sa mga hirit ng bunsong babae.
Tumikhim si Socorro. Napatingin ang lahat sa kaniya nang maalala na siya na lang ang hindi pa nagbibigay ng sagot. Isa sa mga libangan nila ay magbigay ng kani-kaniyang sagot mula sa isang tanong. "Ako po'y naniniwala na mapalad maging babae dahil walang mali sa ating kasarian. Ang lipunan lamang ang nagtatakda ng hindi pagkakapantay-pantay. Ang lahat naman ng sanggol sa sinapupunan ay pinaglilihi at isinisilang sa parehong paraan. Maging sina Malakas at Maganda ay sabay na lumabas sa isang kawayan."
Napakurap ang lahat sa sagot ni Socorro. Animo'y nakikipagtalastasan ito sa isang mainit na debate. Sa murang edad ay nababatid nila na si Socorro ay matalino at sumunod sa yapak ni Feliciano. Minsan nang nabanggit ni Don Epifanio kay Doña Marcela na nanghihinayang ito sapagkat kung maaari lang ay mapag-aaral nila si Socorro sa kolehiyo.
Tumikhim si Doña Marcela na nagpatuloy sa pagbuburda, "Sumasang-ayon ako sa inyong lahat. Ang pagyakap sa sariling kasarian at kakayahan ay kaakibat ng pagmamahal sa sarili. Anuman ang mangyari, higit nating mahalin ang ating sarili." Napangiti ang lahat sa sinabi ni Doña Marcela, maging si Manang Tonya ay bilib sa paninindigan nito.
Tumingin si Doña Marcela kay Socorro na nakangiti rin. "Ikinuwento ba sa 'yo ni Feliciano ang alamat ni Malakas at Maganda?" Tumango si Socorro ng ilang ulit habang nakangiti sa ina. "Kung gayon, ikuwento mo nga sa amin muli ang alamat na iyon." Mas lalong lumaki ang ngiti ni Socorro, tumikhim siya saka ibinaba ang hawak na tela. Nagsimulang magkuwento si Socorro, higit nilang nalalaman na ito ang pinakamagaling pagdating sa pagkukuwento.

BINABASA MO ANG
Socorro
Fiksi SejarahDe Avila Series #1 "Wattys 2022 Grand Prize Winner" Known as the most stubborn and troublemaker daughter of the De Avila family, nothing stops Socorro from pursuing her dreams and passion for writing. Despite living in the 19th century, she believes...