Kabanata 10: Ang Mga Liham

49.8K 2.8K 8.2K
                                    

[Kabanata 10]

NATATAKPAN ng libro ang liham na binabasa ni Cristobal. Hindi na niya mabilang kung ilang ulit na niya itong nabasa ngunit mula nang malaman niya kung kanino ito nanggaling ay hindi na niya ito mabitawan.

Tahimik ang buong klase habang nagsasalita ang kanilang propesor sa Heometriya na si Maestro Suarez. May iginuguhit at isinusulat ito sa pisara. Karamihan sa mga estudyante ay tulala sa bintana, nilalabanan ang antok, at lumilipad ang isipan sa kung anu-anong bagay.

Naalala ni Cristobal ang tagpo kagabi kung saan nakita niya ang sulat-kamay ni Socorro na kapareho ng nagpadala sa kaniya ng liham pag-ibig.

"Salamat sa paghatid kay Paloma... Cristobal." Ngiti ni Socorro, sandaling hindi nakagalaw si Cristobal sa kaniyang kinatatayuan. Nang matauhan siya ay agad siyang humarap kay Socorro at pa-simpleng inilapag ang liham nito kay Doña Marcela pabalik sa mesa.

"Nagdala ka rin ng kumot. Salamat! Aking hinihintay kanina pa ang ipinangako ni Aling Maria na kumot na siyang ipapahiram niya muna sa akin." Tawa ni Socorro saka dahan-dahang ibinaba sa sahig si Paloma.

Nanatiling nakatitig si Cristobal kay Socorro habang masaya nitong kinakausap ang dalawang kuneho. Ang mga ngiti ng dalaga at ang paghabol nito kina Felipe at Paloma ay naghahatid sa kaniya ng kakaibang pakiramdam na hindi niya maipaliwanag. Kumakabog ang kaniyang puso at tila nanghihina ang kaniyang kalamnan.

"Siya nga pala, nababatid na ba ni kuya kung nasaan ako?" Tanong ni Socorro dahilan upang matauhan siyang muli. Agad siyang umiwas ng tingin at nasagi niya ang paso. Muntik pa itong mahulog sa mesa, mabuti na lamang dahil nahawakan niya ito agad.

"Ano iyan?" Tanong ni Socorro na payukong naglakad papalapit sa mesa. Agad humakbang sa gilid si Cristobal dahil sa lapit ni Socorro. "P-pinapadala rito ni Jacinto. Marahil ay bigay ng iyong tiya Jimena." Tugon ni Cristobal na hindi magawang tumingin kay Socorro. Agad siyang naglakad patungo sa pintuan, umaasa na kung sakaling lumayo siya ay mawawala ang kakaibang pagkabog ng dibdib na kaniyang nararamdaman.

Naalala ni Socorro na mahilig din sa bulaklak si Doña Jimena na asawa ni Don Marcelo. Ngunit laking pagtataka niya na maaalala pa siya nitong bigyan ng bulaklak gayong halos ipagtabuyan siya nito sa kanilang tahanan.

Napakibit-balikat na lang si Socorro at hindi pinansin ang bulaklak na nanggaling sa tiya niyang matabil ang dila. "A-ako'y aalis na. Magandang gabi..." Paalam ni Cristobal, nang lumingon sa kaniya si Socorro at ngumiti nang kaunti ay hindi na niya nagawang sabihin ang pangalan nito sa huli. Sa halip ay agad siyang lumabas, sinarado ang pinto at dali-daling bumaba ng hagdan.

Nakaupo sa ikatlong helera si Cristobal samantala nasa likod niya si Jacinto. Napansin ni Jacinto na hindi nakikinig si Cristobal, bagay na hindi pangkaraniwan dahil madalas itong nakikinig sa klase at siyang nakakasagot sa mga tanong ng propesor.

Sinubukan niyang silipin kung ano ang sinisilip ni Cristobal sa pagitan ng libro nang magsitayuan ang kanilang mga kaklase at magpaalam sa maestro. Agad isinara ni Cristobal ang libro bago pa makalapit sa kaniya si Jacinto. "Ano 'yan?" Tanong ni Jacinto bitbit ang libro para sa susunod na klase.

"W-wala ito. Ibig ko lang magbasa." Tugon ni Cristobal na hindi magawang tumingin sa kaniya. Napasingkit ang mata ni Jacinto, pakiramdam niya ay may tinatago ang kaibigan. "Nakakahiligan mo rin ang pagbabasa ng mga ganiyang kuwento, ha." Usisa ni Jacinto sabay tingin sa nobelang kahit nakapikit ay nalalaman niya kung kanino dahil bukambibig iyon palagi ni Socorro.

Isa-isang naglalabasan ang mga estudyante patungo sa sunod na klase. Naunang naglakad patungo sa pintuan si Cristobal habang nakasunod si Jacinto nang tawagin sila ni Maestro Suarez. "Salcedo y De Ávila, vienen aquí." (Salcedo and De Avila, come here.)

SocorroTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon