[Kabanata 21]
PAREHO nilang hindi alintana ang mga patak ng tubig-ulan at mga dahon na unti-unting nahuhulog mula sa nagtataasang puno. Ang mga salitang binitiwan ni Socorro ay humuhukay sa nakaraan kung saan nagawa niyang masumpungan si Socorro na walang ibang nakagawa.
Ang magkaroon ng isang tao na magagawang akuin ang sitwasyon kahit pa malabong maging responsibilidad niya iyon ay kahit papaano nakakagaan sa pakiramdam. Ngayon ay nauunawaan na niya kung ano ang pakiramdam ng taong may masasandigan.
Dahan-dahang itinaas ni Cristobal ang kaniyang mga kamay upang abutin ang nag-aabang na palad ni Socorro. Ngunit bago pa tuluyang magdampi ang kanilang mga palad ay hiniwakan na agad ni Socorro ang kaniyang kamay, "Makakatakbo ka pa, hindi ba?" wika ni Socorro saka hinila si Cristobal patungo sa kagubatan dahil kung tatahakin nila ang kalsadang-lupa ay tiyak na masusumpungan sila nina Jacinto at Mang Carding.
Napatitig si Cristobal kay Socorro na makailang ulit lumilingon sa kaniya kasabay ng pagsabing bilisan pa nito. Hindi na niya nagawa pang pigilan ang agos na nagdadala sa kaniya pabalik sa dating damdamin. Nang tingnan niya ang kanilang mga kamay ay naalala niya ang paghawak noon ni Socorro sa kaniyang kamay na siyang dahilan ng unang pagkabog ng kaniyang puso.
May sinasabi si Socorro ngunit hindi niya marinig. Sa bawat salita at paglingon nito na may bahid ng ngiti ay nakikita niya ang dating sarili na napapangiti ng kusa. Ni hindi niya rin maramdaman ang kaniyang mga yapak sa malalambot na lupa na puno ng mga malulutong at basing dahon.
Hindi niya batid kung saan sila tutungo subalit tanggap na niya iyon dahil si Socorro ang siyang tanging nagdadala ng surpresa sa kaniyang karaniwang buhay. Ang sinumang makakakita sa kanila ay mag-aakalang sila ay mga batang paslit na naglalaro at masayang sinasalubong ang ulan.
Ilang sandali pa ay narinig na nila ang hampas ng alon mula sa di-kalayuan. Unti-unting bumitaw si Socorro sa pagkakahawak kay Cristobal at bumagal na rin ang kaniyang pagtakbo. Tumigil si Socorro na siyang nauuna sa kanilang dalawa sa isang barong-barong na tanging pundasyon at bubong lang ang mayroon. Nagsisilbing pahingahan iyon ng mga mangingisda o mga ale na naghihintay sa kanilang mga asawa.
"Hindi ganito ang naiisip kong pagkakataon na makita natin ang dagat," wika ni Socorro, bakas sa kaniyang boses ang magkahalong pagkadismaya at pagtawa sa panahon. Malakas ang alon na humahampas sa dagat. Maging ang hangin na may bahid ng tubig-dagat ay umaabot sa kanila.
Lumingon si Socorro kay Cristobal na nanatiling nakatingin sa kaniya, "Subalit mas mabuti na rin dito kaysa ang manatili roon, hindi ba?" Patuloy ni Socorro, naalala niya ang ginawa niyang pagtakas noon, umalis siya nang walang malinaw na plano. Hanggang sa tanggapin na lang niya ang sitwasyong inabutan sa Maynila dahil hindi niya nais manatali sa kanilang tahanan noon.
Naupo si Cristobal sa basang buhangin. Ang tabing-dagat ay nagpapakalma sa kaniya. Sa tuwing nangungulila rin siya noon sa kaniyang Ina ay tinatanaw niya lang ang dagat at iniisip na nauugnay iyon sa dagat na kaniyang kinalakihan. Nang magtungo rin siya sa Espanya ay madalas siyang magpalipas ng oras sa dalampasigan.
Umupo rin si Socorro sa tabi ni Cristobal. Halos isang dipa ang layo nila isa't isa. Nilalaro ni Socorro ang kaniyang daliri na habang iniisip kung ano pa ang dapat sabihin, kung dapat ba siyang magsalita, o hayaan si Cristobal na makapag-isip-isip.
Sa huli ay nanatili na lang siyang tahimik. Marami siyang gustong sabihin ngunit sa palagay niya ay hindi ito ang tamang oras gayong natunghayan niya kung paano nabigla si Cristobal nang makita si Aling Honorata.
Pinagmasdan nila ang dagat na hindi natatapos sa pagwawala. Sa kabila niyon ay kalmado lang nila itong pinapanood. Parehong hindi nag-aalala sa mga maaaring mangyari. Wala mang sabihin si Cristobal ay malinaw kay Socorro kung sino si Aling Honorata sa buhay nito. Ang pagtawag ng ale kay Cristobal at sa mga tingin na iniukol nito ay nakikita rin niya sa kaniyang ina sa tuwing may isa sa kanila ang kinakailangang umalis sa kanilang tahanan.
BINABASA MO ANG
Socorro
Historical FictionDe Avila Series #1 "Wattys 2022 Grand Prize Winner" Known as the most stubborn and troublemaker daughter of the De Avila family, nothing stops Socorro from pursuing her dreams and passion for writing. Despite living in the 19th century, she believes...