[Kabanata 15]
ABALA si Jacinto sa pag-aayos ng tono ng gitara habang nakaupo sa mahabang silya sa salas ng dormitoryo. Hinihintay niya si Ambrosio na susunduin siya mula sa tahanan nito. Araw ng Linggo, tahimik ang dormitoryo dahil halos lahat ng mga estudyante ay bumibisita sa kanilang mga magulang at kamag-anak.
Pinapasadahan ni Emmanuel ng bunot ang makintab na sahig habang nakatitig sa ginagawa ni Jacinto. Hindi siya marunong tumugtog ng gitara o anumang instrumento, ni wala rin siyang kakayahan bumili ng isa.
Samantala, abala si Manang Sita sa pagbibilang ng gastos habang nakakalat ang mga talaan at salapi sa mesa ng hapag. Kalansing ng mga barya, pagkuskos ng bunot, at paputol-putol na pagkalabit sa gitara ang umaalingawngaw sa buong dormitoryo.
"Señor, hindi po kayo uuwi sa inyong tahanan?" Tanong ni Emmanuel kay Jacinto, iilan lang ang mga estudyante na nananatili sa dormitoryo tuwing Linggo, isa na nga roon si Cristobal na sa palagay niya ay nag-aaral sa silid o tulog pa.
Umiling nang marahan si Jacinto na animo'y sinasabayan ang tono ng kundiman na kaniyang sinimulang patugtugin, "May mahalaga akong gagampanan sa araw na ito. Kung iyong nakikita, musika ang isa sa paraan upang mapangiti ang mga binibini." Ngiti ni Jacinto na tila ba isang kupido.
Nagtatakang tumango si Emmanuel saka nagpatuloy sa paglalampaso ng bunot. "Sa oras na ikaw'y magbinata na, iyong pasasalamatan ang pagkaka-imbento ng musika," saad ni Jacinto na habang dinarama ang bawat pagpitik sa gitara.
Ilang sandali pa ay tumigil ang isang bago at mamahaling kalesa. Lumundag mula roon si Ambrosio na bihis na bihis. "Amigo!" Tawag ni Jacinto sabay taas ng kamay at tumayo, napangisi siya nang makita ang ayos ni Ambrosio, "Ikaw ba ay ikakasal na?" Kantyaw ni Jacinto dahilan upang matawa sina Ambrosio at Emmanuel.
Sumilip si Manang Sita mula sa hapag-kainan dahil sa ingay na narinig ngunit muling ibinalik ang atensyon sa pagkukuwenta. "Hindi ba labis ang aking pananamit?" Napahawak si Ambrosio sa kaniyang batok. Maaga siyang gumising upang maghanap ng maayos na isusuot mula sa kaniyang mga damit.
Napasingkit ang mga mata ni Jacinto, ang totoo ay siya ang pinakametikuloso sa mga De Avila pagdating sa porma at pananamit. "Maayos at kakaiba ang iyong hitsura ngayon, sa katunayan ay tila dadalo ka ng kasal." Puna ni Jacinto na animo'y eksperto.
Natawa sina Ambrosio at Emmanuel, "Hindi ako dadalo ng kasal. Ako mismo ang ikakasal." Paniniguro ni Ambrosio dahilan para mas matuwa si Jacinto dahil sa kumpyansang tinataglay nito, "Ganyan nga, amigo. Tiyak na hindi makatatanggi sa iyo ang binibining iyong napupusuan." Pagsang-ayon ni Jacinto, nagpaalam na sila kay Emmanuel na tumigil sa tapat ng pintuan at tinanaw sila hanggang sa makalayo ang kalesang sinasakyan.
Makalipas ang ilang sandali ay narating na nila ang simbahan ng Immaculada Concepcion. Nagtungo sila sa tabing-hardin kung saan walang ibang tao dahil ang lahat ay nasa loob ng simbahan. "Mas magiging madali ito kung sa bahay niya mismo tayo manghaharana," wika ni Jacinto na nakasandal sa pader.
"Tiyak na hindi niya iyon maiibigan, siya ay misteryosong binibini. Marami pa akong hindi nalalaman tungkol sa kaniya," saad ni Ambrosio na panay ang tingin sa labas ng hardin.
"Ano nga muli ang ngalan ng binibining iyong liligawan?" Tanong ni Jacinto, napansin niya na hindi mapakali si Ambrosio na halatang kinakabahan.
"Socorro," tugon ni Ambrosio nang hindi tumitingin sa kaniya. Napaisip si Jacinto, naalala niya ang kaniyang kapatid. Ngunit napailing siya sa sarili nang maalala na maraming kapangalan si Socorro. Sa Sariaya ay may apat na Socorro silang kakilala.
Pinagmasdan ni Jacinto si Ambrosio, sa isip niya ay malabong magustuhan ni Ambrosio ang kapatid niyang lapitin ng gulo at hindi nagpapatalo. Kailanman ay wala rin siyang nabalitaan na may nagkagusto kay Socorro o may nanligaw sa kapatid.
BINABASA MO ANG
Socorro
Historical FictionDe Avila Series #1 "Wattys 2022 Grand Prize Winner" Known as the most stubborn and troublemaker daughter of the De Avila family, nothing stops Socorro from pursuing her dreams and passion for writing. Despite living in the 19th century, she believes...