Kabanata 11: El Redactor

51.5K 2.6K 5.4K
                                    

[Kabanata 11]

One month ago

MULING tiningnan ni Cristobal ang nakasulat na lokasyon ng La Librería sa Sariaya mula sa hawak niyang liham. Iniangat niya ang kaniyang ulo saka tumingin sa paligid, iilan lang ang dumaraang kalesa at naglalakad sa gitna ng kalsada dahil sa tirik ng araw.

Nang makarating sila ni Jacinto sa Sariaya ay nagpaalam siya na maaga siyang bibili ng pasalubong at dadaan sa isang kakilala bago tumuloy sa hacienda De Avila. Ang totoo ay siya mismo ang nag-udyok kay Jacinto na ang ama nito ang kukuhanan nila ng datos sa proyekto sa kadahilanang nais niya ring puntahan ang may ari ng La Librería na ngayon ay namamalagi sa Sariaya.

Hindi man nais ni Cristobal na maglihim sa kaibigan ngunit isa sa kondisyon ng pagtanggap niya sa trabaho bilang el redactor ni Palabras ay kailangan niyang ilihim ang lahat ng nalalaman niya at uganayan sa hindi nakikilalang manunulat.

Napatitig si Cristobal sa tatlong nobela ni Palabras na nasa loob ng salamin ng La Librería. Ang mga nobelang binigyan din niya ng karagdagang kulay. Kahit papaano ay magaan sa kaniyang pakiramdam na naging matagumpay ang mga libro ni Palabras.

Pumasok siya sa loob bitbit ang maleta na naglalaman ng mga manuscrito ni Palabras. Naabutan niya ang kanang-kamay ny may ari ng La Librería. Inaayos nito ang mga libro habang ang dalawang mamimili ay abala sa pagpili ng mga bibilhin.

"Señor!" Gulat na saad ng binatilyo na mabilis bumaba sa tinutungtungan na hagdan at nagbigay-galang kay Cristobal. "Hindi po namin inaasahan ang inyong pagdating, nawa'y nagsabi po kayo upang napaghandaan..." Napatigil ang binata na nasa edad labing-apat na taon nang maalala ang huling palitan ng liham nina Cristobal at ng kaniyang ama.

"Nariyan ba si Don Julio?" Tanong ni Cristobal, agad umiling ang binatilyo. "Siya po ay... nasa isang pagpupulong." Sandaling tiningnan ni Cristobal ang binatilyo, pilit itong umiiwas ng tingin senyales na may itinatago ito.

Tumingin si Cristobal sa nakasaradong pinto. Bagaman ito ang unang pagkakataon na nakarating siya sa La Librería ng Sariaya ay batid niya na lahat ng tindahan ni Don Julio ay may maliit na silid kung saan ito nag-oopisina.

"Nakakailang tabako pa rin siya sa isang araw?" Tanong ni Cristobal, nanlaki ang mga mata ng binatilyo, mula sa kanilang kinatatayuan ay amoy na amoy ang paninigarilyo ni Don Julio. Wala nang nagawa ang binatilyo nang maglakad si Cristobal papalapit sa pinto at akmang kakatok ngunit dali-daling humarang ang binatilyo.

"N-nagkakamali po kayo..." Napatigil ang binatilyo nang magsalita si Don Julio mula sa loob ng silid. "Pahingi ako ng isang basong tubig, Tino." Wika ni Don Julio. Hinawakan ni Cristobal ang busol ng pinto at binuksan iyon.

Naabutan niya ang matandang Don na nakahilig sa silyang kinauupuan habang nakapatong ang namamagang binti sa isang bangkito. Nagkalat ang makakapal na manuscrito ng iba't ibang manunulat sa mesa. Nababalot ng usok ang maliit na silid.

"Cristobal... Señor!" Ngiti ni Don Julio na itinaas pa ang kamay. "Pagpasensiyahan mo na't hindi ako makakatayo. Iyong nababatid ang pahirap na ito," patuloy ng Don sabay baling sa kanang binti na namamaga.

Naunang pumasok si Cristobal, nagmamadaling sumunod si Tino at tumabi sa Don. "Don Julio, ako'y kukuha lang po ng maiinom." Wika ni Tino na kinakabahan sapakat kabilin-bilinanan ng Don na wala itong tatanggaping panauhin ngayong araw. Bukod doon ay tiyak na hindi rin nito inaasahang makikita ang el redactor na nakasagutan nito sa telegrama ilang araw pa lang ang nakararaan.

"Dalhan mo rin ng maiinom ang ating panauhin, anong ibig mo Señor Cristobal?" Ngiti ni Don Julio. Bilugan ang hugis ng mukha, kakaunti ang buhok na kulay puti, makapal na bigote at balbas, at sa tuwing ngumingiti ito ay naiipit ang mauumbok na pisngi.

SocorroTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon