Kabanata 16: Kahapon at Ngayon

40.5K 2.4K 4.8K
                                    

[Kabanata 16]

"KUNG gayon, ako'y nagkamali lamang ng hinala? Paanong... Bakit kayo magkasama?" Naguguluhang tanong ni Doña Mariana habang sinasalinan ng alak sa baso si Cristobal.

"Matalik mong kaibigan si Jacinto, hindi ba?" Tanong ni Don Mario na lango na rin sa alak. Tumingin siya kay Cristobal na namumula na ang mukha at nagbaba ng dalawang butones. "Aba'y marapat lang na ituring mo ring kapatid ang mga kapatid ng matalik mong kaibigan," dagdag ni Don Mario dahilan upang mapangiti si Cristobal sabay inom ng alak.

"Kahit na. Kung nakita mo lang sila ay..." Hindi na natapos ni Doña Mariana ang sasabihin dahil naibagsak ni Cristobal ang baso sa mesa.

"Siya nga ay kapatid ni Jacinto. Marapat lang na tiyakin kong nasa mabuti siyang kalagayan... bilang matalik na kaibigan at kapatid," patuloy ni Cristobal napangiti at marahang natawa sa sarili, ni hindi niya alam kung bakit siya natatawa sa sarili.

"Buong akala ko pa naman ay may makakatapat na sa aking sampung anak!" Tawa ni Doña Mariana na sinabayan ni Don Mario saka pinagbangga ang kanilang mga baso. Maging si Cristobal ay natawa sa lakas ng boses ni Doña Mariana. Ang pinag-uusapan nila ay hindi niya rin malaman kung ano dahil kung saan-saan napupunta ang paksa.

Napag-usapan nila ang tungkol sa mga pinag-aaralan ni Cristobal. Humirit pa si Doña Mariana ng magpapatayo siya ng bahay na hugis bote. Ayon naman kay Don Mario, minsan na rin niyang pinangarap na kumuha ng kursong inhinyero ngunit nahihirapan siya sa matematika kung kaya't pinag-aralan na lang niya ang mga lenggwahe. Ilang beses nagbiro si Cristobal tungkol sa bahay na ipinangako niyang itatayo para sa mag-asawang Espiritu sa oras na siya ay makatapos.

"Bueno, bueno. Maiba tayo. Aking hindi akalain na ikaw ay matatag sa inuman at likas na makabuluhang magsalita," wika ni Don Mario na namumula na rin ang mukha at sumusuray ang mga mata.

"Ngayon ko lang din ho ito natuklasan sa aking sarili, Don Mario," saad ni Cristobal na tumango-tango sa saya nang muli siyang salinan ng alak. Hindi ito ang unang beses na siyang uminom ngunit ito ang unang pagkakataon na tinamaan siya nang matindi hanggang sa hindi na niya malaman kung ano ang kaniyang sinasabi na nagpapatawa sa mag-asawa.

"Ang aking pamangkin, hindi namin malaman kung bakit panay ang kaniyang pagluha. Dinala nga namin dito sa Maynila sa pag-asang siya ay malilibang ngunit hindi pa rin matigil sa pagtangis," wika ni Don Mario na napahawak sa sentido.

"Marahil ay bigo siya sa pag-ibig," wika ni Cristobal na natawa sa sarili. Napatingin sa kaniya ang mag-asawang Espiritu na lango na rin sa alak. "Sa oras na iyong mabatid na may iba palang napupusuan ang taong iyong nagugustuhan, luha ang kakanlong sa pusong malabong masuklian," patuloy ni Cristobal sabay inom muli ng alak.

Sandaling hindi nakapagsalita ang mag-asawang Espiritu at nagkatinginan pa. Hindi nila malaman kung dahil sa alak kaya naging makata si Cristobal o dahil sa nahihilo sila kaya mali-mali na ang kanilang naririnig.

Makalipas ang halos isang oras ay nagpaalam na si Cristobal. Bago siya umalis ay nagtungo muna siya sa palikuran upang maghilamos ng mukha. Kailangan niya ring isandig ang kaniyang mga kamay sa dingding upang hindi matumba sa paglalakad.

Pagkatapos niya maghilamos ay dahan-dahan niyang binuksan ang pinto papalabas ng palikuran. Napatigil siya nang makita ang mahabang saya sa tapat ng pintuan. Nang iangat niya ang kaniyang ulo, nakita niya ang dalagang pamangkin ng mag-asawang Espiritu.

Humakbang papalapit ang dalaga nang may pag-aalala, "Ginoo, totoo ba na iyong nababatid kung nasaan si Socorro?" Tanong nito na nakasuot pa rin ng puting balabal. Nanlalabo na ang mga mata ni Cristobal, ni hindi niya rin mamukhaan ang dalaga. Hindi niya rin naunawaan ang sinabi nito, tanging ang pangalan lang ni Socorro ang kaniyang narinig.

SocorroTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon