Kabanata 13: En La Paz Del Cielo

45.3K 2.6K 6.6K
                                    

[Kabanata 13]

PINAGMAMASDAN ni Ambrosio ang maiingay na makina habang 'di alintana ang mainit na singaw ng palimbagan ng La Librería. Sinusundan niya ng tingin ang malalaking papel na nakakalikha ng samu't saring kopya. Ni hindi rin siya pinapansin o kinakausap ng mga kalalakihang manggagawa na walang damit pang-itaas dahil sa init.

Nagtutungo siya sa palimbagan sa tuwing nililimbag ang kaniyang mga nobela. Ngunit iba ang araw na ito kung saan mga polyeto ang ginagawan ng maraming kopya.

Nakarating na sa kaniya ang balita na hindi siya makakapasok sa paaralan hangga't hindi naaayos ang gulong kinasangkutan. Ngunit hindi iyon ang naglalaro sa isipan ni Ambrosio. Ang mas inaalala niya ay ang magiging kahihinatnan ng ikaapat na nobela. Mahigit isang buwan na matapos niyang ipasa ito kay Don Julio ay wala pa rin siyang naririnig na malinaw na araw kung kailan ito maililimbag.

Naalala niya ang huli nilang pag-uusap ni Don Julio, ilang araw pa lang ang nakararaan ng kunin niya ang kopya ng ikaapat na yugto.

"Ikaw ay nasisilayan lamang sa tuwing ikaw ay may kailangan," tawa ni Don Julio na hindi natitigil sa paghithit ng tabako habang nakahiga sa kama. Sinubukan nitong bumangon at isinandal ang likod sa dingding.

Napangisi si Ambrosio, "Ako ri'y nakakatanggap ng liham mula sa 'yo sa tuwing ikaw ay may kailangan sa akin." Bawi ni Ambrosio dahilan upang matawa si Don Julio. Nagsimulang maglibot sa silid si Ambrosio, ngayon lang siya nakapasok sa kuwarto ng Don dahil madalas ay sa tanggapan sila nag-uusap noong nakakalakad pa ito.

"Bueno, ano ang iyong kailangan, Señor Ambrosio?" Ngiti ni Don Julio. Natutuwa siya sa kung paano nakakabawi ng pabiro ngunit may laman ang mga sinasabi ni Palabras.

Tumigil si Ambrosio sa tapat ng bintana na kalahati lang ang nakabukas. Natanaw niya si Socorro na nakasilong sa ilalim ng isang puno sa kabilang kalsada. "May nahanap na kayong bagong redactor?" Tanong ni Ambrosio habang nakatingin kay Socorro.

"Sa ngayon ay wala pa, hindi kami maaaring magpaskil sapagkat makakalikha iyon ng pagdagsa ng mga aspirante." Tugon ng Don sabay inom ng alak. "Marami ang nasasabik sa ikaapat na yugto..." Napatigil si Don Julio nang maalala na hindi dapat nila muna pag-usapan ang pagkalat ng mga paskin tungkol sa ikaapat na yugto ng nobela ni Palabras.

Lumingon si Ambrosio kay Don Julio na napatikhim at nasamid sa iniinom na alak. "Paano at sino pala ang naglantad ng ikaapat na yugto?" Tanong ni Ambrosio. Nang mabasa niya ang liham ni Don Julio tungkol sa pagbibitiw ng El redactor ay ito agad ang naisip niyang nagpakalat ng balita.

"Iyong nababatid kung gaano karami ang humihiling ng sunod na yugto sa iyong nobela sapagkat hindi nila matanggap ang naging wakas nito," tugon ni Don Julio na sabay inom ng tubig at tumingin kay Ambrosio. "Marahil ay may mga mambabasa na nais humiling ng ikaapat na yugto, lingid sa kanilang kaalaman ay plano mo rin iyon." Ngiti ng Don, hindi malaman ni Ambrosio kung nagsasabi ba ng totoo si Don Julio, ngunit ngayong kumalat na ang tungkol sa ikaapat na yugto, makakatulong iyon upang hindi na mag-atubili ang Don sa pagpapalimbag nito.

"Siya nga pala, bakit nagbitiw ang dating redactor?" Tanong ni Ambrosio sabay halukipkip at sumandal sa tabing-bintana. Binalak niya rin makausap si Don Julio upang alamin ang dahilan ng pagbibitiw ng redactor. Nabanggit lang nito sa liham ang pag-alis ng redactor ngunit hindi ang dahilan kung bakit.

"Ang dating redactor ay abala na sa kaniyang pag-aaral. Siya'y matalino at nangunguna sa klase. Hindi ko na sinubukang taasan ang kaniyang sueldo sapagkat mas mayaman pa siya sa atin." Tawa ni Don Julio na napailing ng ilang ulit.

Napaisip si Ambrosio, ngayon lang nagbahagi si Don Julio tungkol sa dating redactor na masasabi niyang mahusay ang ginawang pagsasaayos ng kaniyang nobela. May ilang bahagi sa kuwento ang napansin niyang inalis ng redactor ngunit nagustuhan niya ang ipinalit nito.

SocorroTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon