Ang kahapon, mananatiling kahapon

0 1 0
                                    

Ang sarap balikan ng kahapon
Mga panahong wala ka pang inaalalang problema
Kapag nagkakamali ka
Tanging palo ni mama o papa ang parusa.

Mga kahapong hindi mo pa alam ang salitang "panghuhusga"
Panghuhusga na ibinabato sayo ng kapwa mo bata
At umuuwi ka na lang, umiiyak at yayakapin ang 'yong mama o papa.

Mga kahapong nasasabik ka pang pumasok sa eskwela
Sa kadahilanang may hinandang baon si mama
Makikita mo pa at makakalaro ang iyong kabarkada.

Mga kahapong piso lang sapat na
Makapaglaro ka lang sobrang tuwa mo na
Lalo na kapag uuwi kang may meryendang binili o niluto ang 'yong mama.

Mga kahapong ang iyong pag-iyak
Ay dahil lang sa pagkadapa o sa palo ng 'yong mga magulang
O kaya'y dahil sa pinapanood mong teleserye na puno ng dramahan.

Mga kahapong tanging laro at pagkain ang nasa isip mo bago matulog sa gabi
Mga katagang "maglalaro po ako sa labas" "gutom na ako" ang siyang binibigkas ng iyong mga labi.

Subalit ngayon
Ibang-iba na sa kinagisnan mong kahapon
Konting pagkakamaling iyong nagawa
Masama ka na sa kanilang mga mata
Na para bang wala kang nagawa ni isang tama.

Kung dati inosente ka pa sa mga panghuhusga nila
Konting iyak at yakap lang ng 'yong mama ay sapat na
Ngayon, hanggang sa pagtulog dala-dala mo pa
At hihikbi ng tahimik tila ba sa'yong dibib ay may tinik na nakabara.

Kung dati nasasabik ka pang pumasok sa eskwela dahil sa baon at iyong barkada
Ngayon, tila nawawalan ka na ng gana
Puno pa ng reklamo dahil sa stress at problemang iyong dinadala.

Kung dati piso at paglalaro ay sapat na
Ngayon, wala ka lang jowa feeling mo pinagkaitan ka ng tadhana
Kung magkacrush pa tila ba'y hindi makuntento sa isa
At kapag nasaktan, sisisihin 'yung taong wala namang alam sa iyong pinagdadaanan.

Kung dati ang dahilan ng 'yong pag-iyak ay mga simpleng dahilan lamang
Ngayon, dahil na sa matitinding problema at pagkabigo sa pag-ibig o di kaya'y sa mga masasakit na salita na tumatagos sa iyong puso' t isipan.

Kung dati bukang bibig mo ay mga katagang "maglalaro" o "gutom na ako" lamang
Ngayon, ibang-iba na, "masakit na, tama na" o di kaya'y "pagod na ako" ang laman.

Ang sarap mamuhay sa kahapon
Sapagkat tunay ang saya at ngiti kumpara sa ngayon
Subalit ang kahapon ay mananatiling kahapon
Ang lahat ay mga alaala mo na lang at hindi mo na pwedeng balikan ngayon.

Unspoken FeelingsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon