Hindi ko lubos akalain na tatakbo nang mabilis ang mga araw. Ni hindi ako makapaniwala na umabot na kaagad ng isang taon ang relasyong sinimulan namin ni Abby. Parang kahapon lang ay sabay naming isinulat ang unang kabanata, samantalang ngayon marahil ay nasa ika-sampung pahina na ang aming narating.
“Happy Anniversary, mahal!” sigaw niya mula sa likuran ko. Agad ko siyang nilingon at niyakap.
Walang tutumbas na kahit na ano sa pagmamahal na mayroon ako para sa babaeng ito.
Oo, labing-tatlong gulang pa lamang ako, at labing-apat siya, ngunit alam ko, alam namin na itong nararamdaman ng aming puso ay pawang totoo at panghabang-buhay na.
“Happy Anniversary, mahal!” bati ko pabalik.
Umupo siya sa harap ko at inilapag ang dalang cake sa tabi ng gitara.
Ipinikit ni Abby ang kaniyang mga mata kagaya ng nakagawian niyang gawin habang dinaramdam ang maganda at masarap na simoy ng hangin.
Napangiti ako nang unti-unting kumurba ang labi niya, kaya’t katulad niya ay ipinikit ko rin ang aking mga mata.
Hindi ko lang dinamdam ang sariwang hangin ngunit marahan ko ring pinakinggan ang mahinang bulong ng nagraragasang alon mula sa malawak na karagatan.
Maya-maya pa ay naramdaman ko ang pagdampi ng malambot niyang palad sa kamay ko.
Unti-unti ko iminulat ang mga mata ko at tinitigan ang marikit niyang mukha na palaging nakangiti, mga mata’y puno ng kasiyahan at mga pisnging sa gilid ay may mga nakatagong biloy (dimple), ngunit biglang kukunot ang noo at susuntukin ako sa braso.
“Ano ba Jonathan! Makatitig naman ‘to!”
Ngumisi ako at kinuha ang gitara, “Masama bang pagmasdan ang napakagandang larawan?”
Bago pa siya makaangal ay iniharang ko na ang hintuturo ko sa labi niya. “Sshh!”
Kiniblit ko ang gitara at sinimulan ang malumanay na pagtugtog nito.
Umusog siya nang kaunti papalapit sa akin at deritsong tumingin sa mga mata ko.
Para kang asukal,
Sintamis mong magmahal.
Para kang pintura,
Buhay ko ikaw ang nagpinta
Para kang unan,
Pinapainit mo ang aking tiyan.
Para kang kumot,
Na yumayakap sa tuwing ako’y nalulungkot.
Kaya’t wag magtataka
Kung bakit ayaw kitang mawala....
Huminto ako sa pag-awit at kinuha ang kaliwang kamay niya saka hinagkan ito.
“Mahal, bakit naman ganyan ‘yong kanta!”
Sa halip na maasar ay mas lalo akong napangiti, “Bakit? Kinilig ka ba?”
Pakipot. Ganyan palagi ang ginagawa niya. “Hindi kaya! Medyo lang!”
Pinisil ko ang ilong niya sabay halik sa noo.
“Hulaan ko group project na naman paalam mo ‘no?”
Napanguso siya at bahagyang tumango. “Eh kaysa naman sabihin kong may date tayo, edi nasuntok ka na ni Papa no’n!”
Huminga ako nang malalim. Alam kong hindi kami nag-iisa sa ganitong sitwasyon.
Syempre, bata pa, ikanga nila. Kaya’t mahigpit na ipinagbabawal muna ang pakikipagrelasyon. Pero dahil pasaway ang batang kupido, pati kami ay nadadamay sa pagpapalusot sa mga magulang.
Isang taon...isang taon na nating tinatago ‘to.
Inihawi ko ang tingin ko sa dagat at kunware ay nagtatampo, sa halip na yakap ang makuha ko sa babaeng ito, ay kagat sa braso ang inabot ko.
“Aray!”
“‘Wag ka na mag-emote d’yan! Darating din ang araw na magiging malaya na tayo!” pampalubag-loob na sambit niya sabay halik sa parte ng braso kong kinagatan niya.
Hindi ko talaga alam kung dati ba ‘tong zoombie o ano.
“I love you!” mahinang bulong ko.
“Ano? ‘Di ko narinig.”
Napangiti ako, “Wala! May bayad ‘pag inulit!” Pinisil ko ang ilong niya sabay babá sa seawall at tumakbo nang matulin.
“Hoy Jonathan! Sa pelikula mga babae ang hinahabol!” sigaw niya mula sa malayo.
Saksi ang malawak na karagatan, ang araw na papalubog kasabay ang mahinang pagpatak ng ulan sa ating wagas na pagmamahalan. Happy Anniversary, mahal!
-Jonathan Castillo-
YOU ARE READING
Kundiman
ContoAng mga nobelang isinulat patungkol sa pag-ibig ay kalimitang nauuwi sa kasal. Ang iba sa kanila'y nagmula pa sa mga puppy love na itinatawag ngunit ang iba naman ay kusang umusbong nalang no'ng dumating ang takdang araw. Ngunit saan man sila na...