“Bagay na bagay talaga sa’yo, anak! Mukha ka ng diwata!” pagbibigay-puri ni Mama habang sinuklay ang mahaba kong tuwid na buhok.
Ngayon ang araw kung saan ipinasusukat na sa akin ang aking traje-de-boda.
Napangiti ako sa aking sarili nang makita ang ganda at kinang ng aking damit. Kulay puting krema ito na abot talampakan at nagmistula akong Maria Clara sa style niya. Off-shoulder siya at may mga burdang bulaklak na tila ba gawa noong sinaunang panahon.
Ang sabi ni Mama, ito raw ang sinuot ni Lola nang ikasal siya at siyang isinuot din ni Mama nang ikasal siya kay Papa. Kaya’t lubos itong maganda sa paningin ko. Ito ang salinlahing traje-de-boda ng mga De Leon (apelyido ni Mama.)
“Mama,” malumanay na pagtawag ko.
Mula sa malaking ngiti ay napalitan ito ng seryoso at tila ba byernes-santong kurba ng labi.
“Bakit anak? Ayos ka lang ba?”
Kinuha niya iyong bangko at minariing tumabi sa’kin.
Hinawakan ko ang palad niya at dito tumitig. “Mama, hindi ko maipaliwanag...”
“Bakit anak? May masama ba?”
“Habang tumatagal at mas lumalapit ang araw ng aming pag-iisa, mas lalo ako nakakaramdam ng pagkabahala.”
Mahal ko naman si Akin. Ngunit hindi ko talaga maintindihan. Paano na lang kung hindi ako naging mabuting maybahay kay Jonathan? Maging mabuting ina? Lola?
Paano kung hindi niya magustuhan ang mga iluluto ko para sa kaniya?
Paano kung hindi niya magustuhan ang itsura ko sa loob ng bahay?
Paano kung hindi ako marunong magkumpuni ng mga sirang gamit sa bahay kung wala siya?
Ipinatong din ni Mama ang isa niya pang kamay sa mga kamay naming magkapatong, “Isa lang ang tanong ko anak.”
Tumingin ako sa kaniya nang deritso.
“Nakikita mo ba ang sarili mo bilang asawa sa kaniya?”
Napakagat ako ng labi. Malabo. Malabong-malabo.
Pero mahal ko siya! Mahal ko si Jonathan! Sa loob ng halos ilang taon naming pagsasama, napatunayan ko sa sarili kong mahal ko siya!
Siguro..siguro hindi pa lang talaga ako handang magpakasal ngayon. Siguro...siguro oo, magpapakasal ako, pero baka hindi pa ngayon.
Hindi ko alam, naguguluhan ako!
Muling hinaplos ni Mama ang mga buhok ko, “Hindi ba’t parang kahapon lamang ay napakasaya mo?”
Namuo na ang mga luha sa mata ko, “Hindi ko rin po alam, Mama.”
“Hindi mo naman kailangan pilitin. Alam ko ang pakiramdam ng pagkabalisa ‘pag ikakasal ka na, pero ang lahat ay nagiging maayos din ‘pag dating ng araw. Pero anak, hindi rin lahat ng bagay ay minamadali.”
“Pero Ma, nakapag-oo na ako sa kaniya. Ayokong masaktan si Akin.”
“Hindi mo naman siya iiwan, hindi ba? Maghahantay lang naman kayo ng tamang panahon. Total bente-tres anyos ka palang naman, bata ka pa. Bata ka pa para maging asawa.”
YOU ARE READING
Kundiman
Short StoryAng mga nobelang isinulat patungkol sa pag-ibig ay kalimitang nauuwi sa kasal. Ang iba sa kanila'y nagmula pa sa mga puppy love na itinatawag ngunit ang iba naman ay kusang umusbong nalang no'ng dumating ang takdang araw. Ngunit saan man sila na...