Adrian's POV"Inay, kumusta na po ang pakiramdam niyo? Nainom niyo na po ba ang gamot na binili ko kanina?" Bungad kong tanong nang makauwi ako sa ina na kasalukuyang nakaupo sa mumunting kama habang nakaupo.
Dalawang kandila lamang ang nagsisilbing liwanag sa bahay sapat upang makita namin ang isa't isa ni mama.
Napatigil siya sa kaniyang ginawa at binaling sa akin ang atensiyon. "Oo, tapos na. Maayos na muli ang pakiramdam ko. Kumusta ang araw?" tanong niya na siyang nagpaguhit ng ngiti sa aking mukha.
Sa tuwing uuwi ako mula sa dalampasigan ay palagi niyang kinakamusta ang araw. Gustuhin ko mang isama ang aking ina roon ngunit siya na ang umayaw sapagkat hindi na niya kayang lakarin pa ang may kalayoang baybay-dagat.
Imbes na sagutin tungkol sa tanong ay may iba akong gustong ibalita. Lumapit ako sa kaniya at pinaghiwalay ang mga kamay sa hangin. "Inay, mayroon po akong nakilalang batang babae na siyang kaparehong edad ko po lamang at siya ang nakasama ko kanina habang pinagmamasdan ang dahan-dahang paglubog ng araw. Taga-kabilang baryo lamang siya. Alam niyo po ba? Nag-aaral ito." Humina ang tono ng boses ko sa huling dalawang salitang binibitawan ko ngunit nang makita kong napalitan ng lungkot ang ekspresiyon ni mama ay pinilit ko na lamang ipakita na masaya ako. "Inay, bukas na bukas po ay ituturo nito sa akin ang mga natutuhan niya sa paaralan. Para na rin po akong nakapag-aral nun, 'di ba po?" Sa ganitong pagkakataon ay tumabi ako sa ina ko at niyakap siya.
"Masaya ako para sa balitang iyan, Adrian ngunit paano ka niya matuturuan kung madilim na? Baka magtaka rin ang mga magulang ng batang iyon na aalis siya sa mga ganoong oras." Oo nga 'no?
"Makikita ko po kung ano ang mangyayari bukas, Inay. Baka sa paraang ding iyon ay magiging doktor na ang gwapo mong anak." Natawa kaming pareho sa biro kong iyon. Ay, hindi iyon biro. Gwapo naman talaga ako.
"Ikaw talaga. Adrian, pagpasensiyahan mo na kung hindi kita napag-aral. Nagsisisi ako dahil sayang ang katalinuha—"
"Naman eh! Malungkot mang isipin na hindi ako nakapag-aral ngunit masaya namang tingnan na unti-unti ka na pong gumagaling dahil sa perang kinikita ko po. Huwag niyo na pong alalahanin iyon, 'Nay. Teka, kumain na po ba?" Tumayo ako at nagtungong mesa upang tingnan kung ano ang nandoon.
Maliit lamang ang tahanan namin ni mama at gawa lamang sa kawayan ngunit maayos at sobrang linis tingnan. Isang kwarto lamang ang meron kami, sapat para sa dalawang katao. Iisa lang ang sala at kusina kaya mabilis lang akong nakarating sa mesa upang tingnan ito at bumalik sa kwartong kurtina lamang ang nagsisilbing harang.
"Tapos na ako kanina kaya nga nainom ko na ang gamot na binili mo. Kumain ka na diyan at tatapusin ko lang itong pagtutupi." Iniwas niya ang kaniyang tingin at muling nagtupi.
Kilala ko na ang mga kilos niyang iyan. "Ininom niyo na naman po ang mga gamot niyo nang hindi man lamang kumain?"
"Tapos na akong kumain kanina kaya kumain ka na." Hindi niya pa rin ako magawang tingnan kaya't kinuha ko ang mga damit at inilayo sa kaniya. "Ano ba ang ginagawa mo, Adrian?"
"Ikaw, 'Nay? Ano ang ginagawa mo sa sarili mo? Kumain ka naman po ng maayos! Dadalawa na nga lang tayo tapos hindi niyo pa inaalagaan 'yung sarili niyo. Nagtatrabaho nga po ako para may makain tay—"
"Kung kakain ako ng maayos ay mas lalo ka lang maghihirap! Masyado ka pang bata para magtrabaho. Busog ako kaya hindi ko kailangang kumain tatlong beses sa isang araw. Ikaw ang dapat magkaroon ng sapat na nutrisyon, Adrian." Lumuluha na ang aking ina na siyang nagpadurog sa akin sa mga sandaling iyon. Halos mawalan pa ako ng balanse sa tuwing iniisip ang kalagayan naming dalawa.
Hindi sapat ang kinikita kong 60 pesos bawat araw sa pangongolekta ng basura. Gamot pa ni mama, at pagkain pa. Binuhos ko na lahat ng lakas para lang makakain kami ng sapat araw-araw ngunit hindi ganoon kadali para sa batang katulad ko. Minsan na akong nawawalan ng pag-asa ngunit hindi ako pwedeng sumuko.
Sa nakikita kong pagkain kanina sa hapag ay sapat lang para sa isang tao. Isang umbok ng kanin at isang pirasong isda. Alam kong hindi kumain ang ina sapagkat ang nakahanda sa mesa ngayon ay naroon na bago pa man ako pumunta sa dalampasigan.
Bago pa man ako maiyak ay kinuha ko ang pagkain at binigay iyon sa ina. "Kumain na po kayo, huwag niyo na po akong alalahanin. Mas mahalaga ang kalusugan mo lalo na't umiinom po kayo ng gamot. Kainin niyo na po, 'Nay kung hindi niyo po gustong magalit ako sa inyo."
Gutom man ako ngunit mas kailangan ni mama ang pagkaing iyon. Hindi na siya nagsalita pa at sinimulan nang ubusin ang pagkain. Kumuha na rin ako ng tubig at binigay iyon sa kaniya.
"Bukas, aagahan ko na ang paghahanap ng pera para sabay na po tayong kakain lagi tuwing gabi." Tumango lamang siya at patuloy pa rin sa pagsubo. Nanginginig si mama sa bawat pagsubo niya, halatang gutom na gutom nga siya.
Napaiwas ako ng tingin at tumingala. Gusto kong pigilan ang mga luha. Bakit ba kasi naging ganito ang estado ng buhay namin? Sobrang pait.
Ilang sandali pa ay uminom na ito ng tubig, tanda na tapos na siya. Napangiti ito sa akin at ganoon din ako.
"Maraming salamat, Adrian." Niyakap niya ako nang kusa na akong lumapit.
"Matulog na po tayo, 'Nay." Alas syete pa lamang ng gabi ay iyon na ang oras ng pagtulog namin ngunit pinapauna ko palagi si mama upang masigurong nakatulog nga ito ng maayos.
"Gutom ka, paano ka?"
"Heto na naman po tayo. Malakas ako, kita mo po." Tinaas ko pa ang braso upang ipakita ang muscle ko. Hindi naman ako payatot, sa katunayan ay sakto lamang ang laki ng katawan ko para sa edad ko. Hindi rin ako madungis tingnan, gwapo nga eh wahaha.
Natawa naman si mama at umiling-iling na lamang saka humiga sa kama.
"Good night po, Inay. Sweet dreams."
"Good night, Adrian." At pumikit na nga siya.
Kinuha ko naman ang pinagkainan ni mama at hinugasan iyon saka pinatay ang mga kandila at bago ako humiga sa tabi niya.
Nag-antay pa ako ng ilang minuto upang masigurong mahimbing na ang tulog ni mama bago ako tuluyang pumikit kahit walang laman ang aking sikmura. Ika nga, itulog na lang ang pagkagutom.
-to be continued
A/N: Don't forget to VOTE. Thank you, mwah!
BINABASA MO ANG
Pain Of Sunset [COMPLETED]
Short Story"Hintayin mo ako, Adrian. Hintayin mo ako katulad ng paghihintay nating pareho sa paglubog ng araw." -Cassandra Demontero A/N: Ang kuwentong ito ay pawang kathang isip lamang ng awtor. Kung mayroon mang pamilyar sa pangalan at pangyayari, ito ay na...