Chapter Six

53 18 1
                                    

Cassandra's POV

"Saan ka nanggaling?" Nagulat ako nang bumungad ang istriktang boses ng aking ina pagkabukas ko ng pinto. Paanong kay aga niya lang umuwi? "Huwag mo akong titigan lang! Saan. Ka. Nanggaling. Cassandra?!"

"S-Sa—"

"Sa dalampasigan kasama ang batang mahirap na iyon?! Nahihibang ka na ba?! Hindi kayo magkatulad, Cassandra!" Hindi pa man ako makasagot ay sumingit na siya. Paano niya kami nakita? Paano niya nalaman? "Layuan mo ang batang iyon! Layuan mo, sinasabi ko sa iyo! You don't have any rights to have a friend like him!"

"Bakit po ba? Ano ba ang mali kay Adrian, 'Nay? Mabait po siyang tao. Kaibigan ko po siya," naguguluhan man sa inakto ng ina ay sumagot pa rin ako sa mahinahong paraan.

Lumapit ito sa akin na siyang pagdating naman ni papa. Bakit ang aaga nila?

"Heto na nga pala ang mga papeles para sa paglipat nati—"

"P-Po?"

"Sakto. Oo, anak. Lilipat na tayo ng Manila after mong g-um-raduate sa susunod na taon. Doon na tayo maninirahan at ibebenta na ang bahay na ito." Lumuhod si papa at hinarap ako. "Aasenso na tayo," dagdag pa nito.

"P-Pero… hindi na po ba tayo babalik?" Gusto kong maliwanagan. Ayokong iwan ang kaibigan ko. Ayokong lumayo kay Adrian lalo na't kailangan nila ako ni tita Lany.

"May posibilidad na hindi na tayo uuwi ng probinsya. Saan na tayo mananatili pa kung ibebenta na ang bahay na ito? Kung bumisita, maaari pa ngunit wala na ring silbi dahil hindi naman kaaya-aya ang lugar na ito." Aaminin kong masyadong mataas ang tingin ng mga magulang ko sa kanilang sarili at iyon ang pinakaayaw ko.

"Pero, ayoko pong sumama," tanging sagot ko na ikinagulat nilang pareho. "Gusto ko pong manatili rito. Gusto ko pa ring bisitahin ang dalampasigan kasama ang matalik kong kaibigan. Ayoko sa mausok na siyudad na iyon. Nakikiusap po ako, ma, pa." Lumuhod akong nagmamakaawa sa harap ng mga magulang at nagsimulang umiyak.

"Papayagan ka naming makasama ang batang iyon hanggang sa araw na makaalis tayo. Sa ayaw at sa gusto mo, aalis kami kasama ka. Naiintindihan mo? Dapat mong maintindihan para sa ikabubuti ng pamilyang ito!"  Iniwan nila akong nag-iisa sa sala at napaiyak na lamang ako.

Gusto kong tulungan si Adrian na matuto ngunit paano ko iyon magagawa kung aalis na kami? Isang taon na lang at hindi lang ang araw ang lulubog, maging ako ngunit hindi na muling masasaksihan pa kinabukasan…

Hindi ako kumain nang gabing iyon at nakatulog na lamang habang umiiyak.

Kinaumagahan, hindi ko inagahan ang gising upang hindi na maabutan ang mga magulang sa sala. Maaga lamang itong nagpupunta sa trabaho. Isang manager ng Hotel ang aking ama at isang manager naman ng housekeeping department ang aking ina. Maswerte ako sapagkat hindi ako nagugutom dahil sa sipag nilang pareho. Gugutumin lang ako sa sariling paraan.

Hindi nga ako nagkamali dahil pagbaba ko ay hindi ko na sila naabutan pa. Kumain lamang ako ng almusal na inihanda ni mama bago umalis patungong paaralan.

Hindi gaano kalayo ang paaralan ng Sta. Rosa High School dito sa probinsyang kinalalakihan ko.

Ayokong sabihin kay Adrian ang nabalitaan ko kagabi, tiyak malulungkot iyon. Pinahiran ko ang luhang bigla na lamang pumatak.

Nang makarating ako sa school ay nilapitan ako ng apat kong mga kaibigan, sina Clare, Josh, Nette, at Ella. Alam na rin nila ang tungkol kay Adrian simula pa noong ako ay tumuntong ng highschool.

Nabanggit ko na rin ang tungkol sa pag-alis ko. Nalulungkot man kaming lahat ngunit wala na kaming magagawa pa dahil magulang ko na ang nagdesisyon.

Nang oras na iyon ay masyado akong lutang hanggang sa matapos na ang buong araw nang wala man lamang akong natutuhan. Haisst, ayokong magpunta sa dalampasigan na wala man lang nakukuhang aral sa araw na ito.

"Adrian! Narito na ako!" Patakbo kong sinilip ang tent nang makarating. Malapit na lumubog ang araw dahil medyo late ako.

Pagtingin ko roon ay nakita kong nakangiti agad siya sa akin habang nakaupo. Aaminin kong gwapo nga siyang talaga.

Mistulang pang-dayuhan ang kaniyang hitsura. Matangkad, matalino sa sarili niyang paraan kahit hindi ito nakapag-edukasyon, at higit sa lahat, maalaga. Sobrang bait niyang bata—este binata.

"Natagalan ka ata, tingnan mo, nagsimula nang lumubog ang araw." He pointed the sun but I am still kooking at him.

Mami-miss ko ang bawat sandaling nakakasama siya. Ayokong iwan ang taong sobra akong kailangan. Gustuhin ko mang isama siya sa pagiging successful ko ngunit alam kong mahihirapan ako sapagkat tutol ang ama't ina ko. Isa pa, nadadagdagan ang edad ni Adrian na hindi man lamang naranasan maturuan ng propesyonal na mga guro. Hindi sapat ang kaalaman ko para maging doktor siya.

"Ah, may project muna akong tinapos," pagsisinungaling ko at mapait na ngumiti saka tumabi sa kaniya sa loob ng tent habang minamasdan ang kulay dugong araw.

"Masyadong mahirap kalimutan ang sandaling masaksihan ang paglubog ng araw. Isa itong napakagandang alaala ng kinabukasan," makahulugang wika ko.

"Tama ka, ang araw ang nagsisilbing pag-asa ko. Makahulugan din ito para sa buhay ng isang tao. Lulubog man pagdating ng dapit-hapon ngunit sisikat din upang magbigay liwanag ng kinabukasan," mas makahulugan ang isang iyon.

Hindi ako naniniwalang bobo ang isang taong walang sapat na pinag-aralan. Sa katayuan ng kaniyang sarili ay hahanga ka sa matalinghagang mga salita niya. Gusto ko siya… ngunit natatakot akong masira ang relasyon namin bilang magkaibigan dahil lang sa nararamdaman ko. Hangga't kasama ko siya, hangga't magkaibigan pa kami, ayokong umamin. Wala akong balak itago ang nararamdaman ko ngunit hindi ito ang tamang panahon para ibunyag lalo pa't tutol ang aking ina at ama.

Malalim akong bumuntong hininga saka muling nagsalita, "Pwede bang umupo muna tayo hanggang 6:30? Hindi muna kita matuturuan sa ngayon. Enjoy muna natin ang sandaling magkasama tayo, tama?"

"Kakaiba ka ngayon. Baka iiwan mo na ako niyan ah?" Natawa siya at sinabing biro lamang iyon.

"Posible. Wala namang permanente, Adrian. Lahat nagbabago, lahat naiiwan, at lahat makakalimutan." Nagtataka itong nakatingin sa akin at seryoso naman akong napatingin dito. "Pero ako? Ayokong magbago, ayokong mang-iwan, at ayokong kalimutan ang mga pinagsamahan natin, lalo ka na." Napangiti siya at hinawakan ko ang mga kamay nito. "Tandaan mo, kung darating man ang araw na susubukin ang pagkakaibigan nating dalawa, huwag kang mawawalan nang pag-asa. Hihintayin natin ang isa't isa, maliwanag?" Napatango na lamang ito nang may pagtataka ngunit hindi ko na iyon pinansin pa at binaling muli ang atensiyon sa araw.

"Masyadong malalim ang mga kahulugan ng mga sinasabi mo ngunit naniniwala ako sa iyo. Pinapangako ko ring hihintayin ka kung sakaling subukin nga tayo ng tadhana."

Iyon na ang huling linya niya nang gabing iyon.

Pasensiya na, ayoko talagang mang-iwan dahil maraming posibleng mangyari na makapagbabago ng relasyon nating dalawa bilang magkaibigan.

-to be continued

A/N: Don't forget to VOTE. Thank you, mwah!

Pain Of Sunset [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon