Cassandra's POV
"Excited ka na, nakikita ko sa mga kinikilos mo." Natawa kaming pareho ng asawa ko nang sabihin niya iyon. "Masaya ako para sa araw na ito, sige na, puntahan mo na siya. Pinapangako kong dito lamang ako maghihintay." Tumango ako sa asawa at iniwan na siya sa airport upang puntahan si Adrian.
Tatlong linggo pa lamang nang maipanganak ko ang panganay namin. Iniwan ko iyon kina mama at papa at sinabing may pupuntahan lamang kaming importante. Bago pa man sila mag-usisa ay umalis na agad kami ni King upang lumipad patungong probinsiya.
Hindi ko alam ang mararamdaman. Naiiyak ako dahil sa wakas ay makikita ko na si Adrian at sa wakas ay muli ko na siyang makakausap pa. Kinakabahan din ako sa posibleng maging reaksiyon nito. Matutuwa kaya siya? Tamang-tama, alas dos na ngayon ng hapon at posibleng sabay pa naming masasaksihan ang paglubog ng araw sa loob ng sampung taon na hindi namin pagkikita.
"Si Cassandra ba iyan? Naku, ang ganda na niya."
"Cassandra? Ikaw ba si Cassandra? 'Yung dati naming kapitbahay?" tanong ng isa kong kabaryo.
"Oho, aleng Marites. Kumusta na ho kayo?" ngiting tanong ko.
"Maayos naman kami, naku, sobrang ganda mo na. Paniguradong may boyfriend ka na!"
"May asawa't anak na ho ako at sa katunayan ay kapanganganak ko lamang sa aking panganay." Medyo nagulat siya ngunit nagpaalam na ako sapagkat may pupuntahan pa ako.
Bago pa man siya magtanong ay umalis na ako pagkatapos magpaalam.
"C-Cassandra?" Isang payat na ale ang aking nakasalamuha nang malapit at tanaw ko na ang dalampasigan.
"T-Tita Lany? Oho, ako nga ho si Cassandra. Kumista?" Sobrang saya ko at mabilis siyang niyakap ngunit hindi ito tumugon o nagsalita man lamang kaya kinalas ko ang pagkakayakap sa kaniya. "T-Teka, bakit ka nga ho pala narito malapit sa dalampasigan? At ano ho ang dala ninyo? Bakit ho kayo nagdadala ng balde at sabon?" Maraming tanong ang pumasok sa aking isipan dahil nalilito na talaga ako. Ano ang dahilan ng pagpunta niya rito? Para saan ang baldeng puno ng tubig at sabon na dala nito?
"Mali pala ang pagkakakilala namin ng anak ko sa iyo, Cassandra. Nangako ka sa anak kong babalik ka! Pinaghintay mo siya! Araw-araw, ikaw ang laging bukambibig ng anak ko. I-Ikaw at wala nang iba kasi mahal ka ng anak ko! Mahal ka ni Adrian dati pa. Ayokong sabihin ito dahil wala akong karapatan ngunit alam kong hindi mo na siya makakausap ng matino pa!" Madiin ang bawat pagbitaw ng kaniyang mga salita habang sinasabi iyon sa akin.
Umiiyak siyang binitawan ang baldeng dala at napaupo na lamang ngunit naguguluhan akong inalalayan siya upang maupo.
"T-Tita, bumalik na nga ho ako. N-Nasaan ho ang anak ninyo?" Umiling-iling ito habang umiiyak.
Hindi ko malaman kung ano ang mararamdaman ngunit tuluyan na akong nahawa sa pag-iyak niya. Masakit para sa akin ang makitang umiiyak siya…
"Bago ko sabihin ay maaari bang malaman kung ano ang kalagayan mo sa siyudad?" Nagtaka man sa tanong ay sinagot ko pa rin nang walang halong pagsisinungaling.
"May pamilya na po ako, tita. Nagtuturo na rin ako sa isang pribadong paaralan sa loob ng limang tao—"
"Alam mo bang tinapon ni Adrian ang kaniyang telepono sa dagat na iyan at hindi na muling umuwi sa bahay at nanatili lamang sa dalampasigan. Minu-minuto akong nag-aalala sa anak ko, Cassandra. Kahit hirap na akong maglakad ay bumaba pa rin ako upang tingnan at hatdan ng makakain ang anak. Ako ang pumalit sa sitwasyon niya noon ngunit hindi sa puntong kinakain niya ang mga pagkaing dinadala ko…" Halos manghina ako sa nabalitaan mula sa inang nangangayat at halos buto't balat na lamang. "Dalawang taon na siyang wala sa katinuan. Dalawang taon na siyang naghihintay sa pagbabalik mo, mahal ka ng anak ko." Sa sinabi niyang iyon ay napahagulhol ako at wala sa sariling iniwan si tita Lany upang puntahan si Adrian.
Halos mawalan ako ng balanse sa nakita. Nakaupo ito sa tent na gutay-gutay at sobrang luma na na tinapalan pa ng ibang tela. Mukhang hindi niya pinapabayaan na masira ang tent.
"Cassandra… w-wala pa C-Cassandra…" nanginginig ang boses niyang iyon na nagpadurog nang tuluyan sa puso ko.
Napatakip ako ng bibig at dahan-dahang nilapitan siya. Ibang-iba na ang kaniyang itsura.
Mahahaba na ang buhok nito maging ang mga balbas niya, sobrang gaspang na ng kaniyang mga balat, malayo sa dating Adrian na kilala ko. Sobrang payat at tulalang tiningnan ang banda kung saan lulubog ang araw habang paulit-ulit na binabanggit ang pangalan ko.
"A-Adrian… Adrian, nandito na ako! Adrian… kausapin m-mo ako. Ako ito, s-si Cassandra." Kasalan ko ito.
"C-Cassandra? U-Umalis ka! Hindi i-kaw Cassandra! Alis!" Pilit niya akong tinataboy at wala na nga siya sa kaniyang katinuan.
"Adrian, ako i-ito! Pakiusap, a-ako ito."
"Hindi ikaw Cassandra! W-Wala na Cassandra! Wala. Na!" Tinulak niya ako at bahagya pa siyang natawa ngunit kitang-kita ko ang lungkot sa mga mata niya.
"A-Alam mo ba kung ano ang sinabi niya sa akin noong nasa katinuan pa siya?" Napalingon akong tumingin sa pinanggalingan ng boses na iyon—si tita. "Hindi niya naman kasi sinabi na habang hinihintay ko siya ay nagmahal na pala siya ng iba."
"P-Patawad…"
"Hindi ko na pinaalam pa sa ibang tao ang kalagayan ng anak ko, Cassandra. Ayokong mas nagtitiis siya sa loob ng iilang laboratoryo. Ayokong mahirapan ang anak ko at wala rin akong sapat na halaga upang ipagamot ang anak. Isa pa, masakit mang sabihin ngunit alam kong ikaw lang ang hinihintay niy—"
"Huwag niyo pong sabihin iyan, tita Lany. Ako ho ang magpapagamot sa anak ninyo! Ako ho ang gagastos para kay Adrian!"
"I-Ikaw lang ang h-hinihintay ng anak ko, Cassandra…" paos ang boses ni tita Lany nang lumapit ito sa akin kahit maging siya ay hinang-hina na rin.
"Wala pa Cassandra… Cassandra, w-wala…"
"Adrian, ako ito, si Cassandra. Please, alalahanin mo ako!" Umiiyak kong pakiusap dito.
Tumabi ako sa kaniya na siyang nakaupo sa gutay-gutay na tent at sinamahan hanggang sa lumipas ang mga oras hanggang sa nagsimula nang lumubog ang araw.
"Lubog na araw, wala pa Cassandra…"
Napaiyak muli ako nang sabihin niya iyon. Ibang-iba ang Adrian na nakilala ko ngayon, hindi siya ang Adrian na sobrang talino noon at sobrang gwapo kung titingnan ko siya sa kaniyang pisikal na anyo.
"Adrian, nandito naman ako eh," siyang bulong ko at tiningnan siyang hinang-hina ngunit pinipilit pa ring magsalita.
"C-Cassandra, p-paalam…" Ganoon na lamang ang pagdurog ng aking puso nang bigla siyang napahiga at nawalan ng malay.
"Adrian? Hoy, gising! Gumising ka! Adrian?" Tinapik-tapik ko pa ang kaniyang mukha ngunit ayaw nitong imulat ang mga mata. "T-Tita Lany, b-bakit ayaw niyang magising?" garalgal ko pang tanong sa inang mahina na rin.
"Iyan ang sinabi ko sa iyong ikaw lang ang hinihintay ng anak ko…"
"Adrian! Adrian, gising na kasi! Andito na ako! Patawad! Patawarin mo ako! Adrian!" Kahit namamaos na habang niyayakap siya ay pilit ko pa rin itong ginigising kahit alam kong imposible na sapagkat tuluyan na nga siyang kinuha.
Kasabay nang paglubog ng araw ay siya namang pagkawala ng kaniyang buhay.
Hinintay lamang niya akong bumalik, patawad.
—WAKAS—
Adrian
Cassandra@binibining_bisaya
BINABASA MO ANG
Pain Of Sunset [COMPLETED]
Kısa Hikaye"Hintayin mo ako, Adrian. Hintayin mo ako katulad ng paghihintay nating pareho sa paglubog ng araw." -Cassandra Demontero A/N: Ang kuwentong ito ay pawang kathang isip lamang ng awtor. Kung mayroon mang pamilyar sa pangalan at pangyayari, ito ay na...