Adrian's POV
(A/N: This chapter is dedicated to Hebreun/Jay-Jay. I hope you'll enjoy, 'nak.)
"Ale, may kilala po ba kayong Cassandra Demontero? Balita ko po kasi ay dito lamang siya nakatira," tanong ko sa nakasalamuhang residente ng baryong kinasasakupan ni Cassandra.
Sa ilang taon naming pagkakaibigan ay ngayon lamang ako naglakas loob upang hanapin ang kinaroroonan nito. Sino ba naman kasi ang mag-aakala sa biglaang pag-alis nito, edi sana matagal ko nang pinuntahan ang baryo. Kinakabahan man sa maaaring isumbat ng mga magulang ng kaibigan ay patuloy ko pa rin siyang hinanap hanggang sa may nakapagturo nito ngunit akala ko ay ikatutuwa ko na.
"Ay si Cassandra? Oo, lumiko ka lang sa kantong iyon." Tinuro ng ale ang kantong hindi lamang kalayuan sa kinatatayuan namin. "Bumilang ka ng limang bahay mula sa kanan at iyon na ang sa kanila. Walang ibang pinakamagandang bahay dito sa baryong ito kung hindi sa pamilyang Demontero lamang, iho. Siya nga pala, nabalitaan kong luluwas na sila ng Manila ngayon… baka hindi mo na maabutan. Subukan mo na lamang puntahan pero alam kong imposibleng naroon pa sil—"
"Salamat po, ale. Aalis na po ako!" Hindi ko na siya pinatapos pa nang marinig ang sinasabi nito. Tumatakbo akong kumakaway at parang tambol na ang puso ko sa nararamdamang takot at kaba.
"Cassandra! Tao po! Cassandra! Cassandra, si Adrian ito!" Bungad ko agad sa sinasabing bahay ng aleng nakausap ko at humawak sa gate nang nakatingala lamang sa bahay. "Cassandra?" Napaluha na ako, kanina pa ako ngunit walang sumasagot.
"Iho, wala na ang hinahanap mo. Kaanu-ano ka ba ni Cassandra? Hindi mo ba alam na umalis na ang buong Demontero patungong Manila? Saka balita ko ay naibenta na ang bahay na iyan at sa pagkakarinig ko naman ay bukas na bukas na lilipat ang bagong may-ari. "Halos manlumo ako sa narinig ng aleng kapitbahay nila. "Sige, iho, aalis muna ako. Pasensiya na at masyadong makuwento ang bunganga ko," sabi nito bago pumasok ng bahay nila na kaharap lamang ng bahay nina Cassandra.
Napalingon ako sa gate, nakakandado na ito maging ang main door nila. "H-Hindi mo man lang ako tinawagan..." Napaupo ako sa gate nila at napaiyak na lamang sa sakit na nararamdaman. Ni wala ngang exact date kung kailan siya makababalik sa probinsya.
Paano na ako? Sino na ang magtuturo sa akin? Saan pa ako kukuha ng sapat na rason para tuparin ang mga pangarap ko kung ang isa sa mga pangarap ko ay iniwan na ako? Paano ko na sasaksihang mag-isa ang paglubog ng araw kung sinanay akong may nakakasama sa loob ng ilang taon? Paano gagaan ang loob ko kung lungkot lang ang tuwing mararamdaman sa tuwing maaalala ang mga alaala namin ni Cassandra? Paano na ang tent? Sino na ang biglang sisilip sa tent sa tuwing hapon upang kausapin at bigla akong iiwan upang umupo sa mga buhangin upang saksihan ang araw? Sino na ang magiging guro ko? Paano na rin si mama? Masyadong masaya si mama kay Cassandra at malaking tulong ang binibigay niyang hapunan upang gumaling ang aking ina. Paano?
Alas otso na ng umaga nang makarating ako sa baryo pagkatapos kong dalhan si mama ng makakain mula sa karenderya ni aleng Jesa. Hindi na ako kumain pa upang magtungo rito ngunit iyon lamang ang nabalitaan ko, ang tuluyang pag-alis ng matalik na kaibigan.
Tanghaling tapat na nang maisipan kong tumayo mula sa gate nila at lantay na naglalakad patungong dalampasigan habang pinupunasan din ang luhang hindi ko kayang pigilan sa pagpatak. Pinagtitinginan man ng iba ngunit wala akong pakealam.
Nang makarating ako ng dalampasigan ay pumasok na ako sa tent at malungkot na umupo. Masakit pa ang sinag ng araw ngunit mas masakit ang mga alaalang nabuo sa lugar na ito sa loob ng mahabang panahon.
Para akong lantang gulay. Ni hindi ko magawang ituwid ang mga likod at patuloy pa rin sa pagpatak ng mga luha. Ganoon ang sitwasyon ko buong maghapon hanggang sa lumubog na ang araw.
"Hintayin mo ako, Adrian. Hintayin mo ako katulad ng paghihintay nating pareho sa paglubog ng araw."
"Hintayin mo ako, Adrian. Hintayin mo ako katulad ng paghihintay nating pareho sa paglubog ng araw."
"Hintayin mo ako, Adrian. Hintayin mo ako katulad ng paghihintay nating pareho sa paglubog ng araw."
Parang nag-i-echo ang boses niya at sumunod ang salitang 'pangako' na binanggit nito. Aasa ako sa mga pangako mo, Cassandra.
Doon na rin ako nakatulog at nalimutan ang ina. Hindi naman iyon malilipasan ng gutom sapagkat tiyak na may sobra pa dahil hindi ako umuwi upang kumain ng pananghalian. Bukas ko na lamang ikukwento ang lahat.
Ayoko ring mag-alala ito sa akin.
Maaga akong nagpunta sa bayan upang magsimulang magwalis sa karenderya. Hindi muna ako umuwi ng bahay upang may pangkain kami.
"Aleng Jesa, maaari na po ba akong magtrabaho bilang tagahugas ng pinggan? Nahihiya na po kasi ako, tutal magiging legal na ho ako sa susunod na buwan." Oo, kaarawan ko na sa May 27, 2018. Oras na rin para pagtuonan ng pansin ang ibang bagay at upang gamitin na rin ang mga itinuro sa akin ni Cassandra. Ito na ang panahon sa sinabi nito dati na walang permanente sa mundo, ang lahat ay nagbabago ngang talaga.
"Sige, papayag ako. Bukas na bukas ay magsimula ka na sa iyong trabaho, Adrian. Oh heto, umuwi ka na lamang at dalhin ang mga ito nang masabi mo rin ang magandang balita para sa ina mo." Inabot niya sa akin ang supot at napangiti na lamang ako sa bait na pinapakita niya.
"Naku, maraming salamat po talaga, aleng Jesa. Pinapangako ko pong magsisikap ako upang masuklian ang kabaitan ninyo." Walang anu-ano ay niyakap ko siya ngunit nang mapagtanto sa aking ginawa ay napakamot na lang ako ng ulo dahil sa kahihiyan. "Pasensiya na po, masyado lang kasi akong nagagalak," nahihiyang usal ko.
"Wala iyon, Adrian. Parang anak na rin ang turing ko sa iyo. Alam kong marami kang pangarap sa buhay kaya sana ay matupad mo ang mga iyon." Sa pangalawang pagkakataon ay muli ko na naman siyang niyakap na tinugunan rin nito.
Tama nga sila. Kung may aalis, may darating. Lumisan man ang taong naging bahagi ng puso ko ngunit hindi ang panibagong oportunidad ng buhay ko.
No one deserves to be alone…
-to be continued
A/N: Don't forget to VOTE. Thank you, mwah!
BINABASA MO ANG
Pain Of Sunset [COMPLETED]
Short Story"Hintayin mo ako, Adrian. Hintayin mo ako katulad ng paghihintay nating pareho sa paglubog ng araw." -Cassandra Demontero A/N: Ang kuwentong ito ay pawang kathang isip lamang ng awtor. Kung mayroon mang pamilyar sa pangalan at pangyayari, ito ay na...