Title: ANG MABUTING ANAK
Genre: Horror/Paranormal (one-shot only)
Author: Wiz LigeraRinig ang pagpatak ng ulan mula sa labas, sumilip si Martha sa maliit na siwang ng kanilang kulungan. Hindi na niya mabilang ang araw kung gaano na katagal silang naroon. Sa pagkakatanda niya, mainit pa ang klima noong sila ay dakpin ng mga hindi kilalang lalaki. Pero ngayon, tag-ulan na at lumalamig na ang panahon. Habang tumatagal na nananatili sila sa maliit na silid, mas lumalabo ang pagkakataong masagip sila mula sa mga kidnapper.
Mahimbing na natutulog ang kambal na sina Lia at Liza, na para bang hindi na nila inaalala kung hanggang kailan pa sila magkakasama ng buhay. Sampung taon pa lamang sila kaya desperado na si Martha na mag-isip kung paano ba niya maitatakas ang mga bata.
Isang daang milyong piso ang hinihingi ng mga kriminal, kapalit ng buhay ng mag-iina. Maykaya man ang pamilyang Mercado, hindi pa rin sapat ang pera nila upang makapaglabas ng ganoon kalaking halaga.
"Sana, makalaya na kami," lumuluhang pananalangin niya. "Masyado pang bata ang mga anak ko kung papatayin man kami..."
Siya rin ay humiga na katabi ng mga anak. Nang dahil sa pagod ng isipan, kaagad din siyang nakatulog. Hindi na nila namalayang mataas na pala ang sikat ng araw hanggang sa biglang may nagbukas na ng pintuan ng kanilang selda. Nang dahil sa takot, napayakap sa ina ang mga kambal.
"Relax, may magandang balita!" sarkastikong pahayag ng lider ng sindikato na bumihag sa kanila. Kasunod niya ang armadong mga tauhan na pare-parehong nawala na ang moralidad at kunsensya sa sistema.
"T-Talaga?" nauutal na sinambit ni Martha. "Makakalaya na ba kami?"
Humithit muna ng sigarilyo ang lalaki at ibinuga ang usok. Ngumisi siya na tila ba tuwang-tuwa pa na nakikita ang sindak at desperasyon sa mga mata ng mag-iina.
"Oo, nagpadala na ng siyamnapung milyong piso ang mister mo."
Napangiti na sa tuwa ang ina nang dahil sa narinig. Sa wakas, naisip niya, makakalaya na sila mula sa impiyernong pinaglagian nila ng ilang buwan. Subalit napalitan muli ng takot ang nararamdaman niya sa susunod na sinabi ng kausap.
"Pero dahil kulang pa, dalawa lang ang maliligtas..."
Kinuha niya mula sa bulsa ang balisong at itinutok kay Martha.
"Mamili ka kung sino ang tatapusin mo," walang emosyong inutos nito.
"Niloloko mo ba kami?" nanlalaki ang mga matang pagrereklamo niya. Para sa kanya ay sobra-sobra na ang siyamnapung milyong piso upang hayaan silang makauwi na. "Sampung milyon lang ang kulang! Bakit hindi pa rin kami pwedeng umuwi lahat?"
"Ang usapan ay isang daang milyong piso. Ang asawa mo nga ang hindi tumutupad sa kasunduan kaya maswerte pa nga kayo at hahayaan kong mabuhay ang dalawa."
Pumasok sa silid ang ibang mga lalaki at sapilitang silang pinaghiwalay na mag-iina. Umalingawngaw ang iyak ng mga kambal at pagmamakaawa ni Martha. Halos kaladkarin na nila siya nang papuntahin sa isang sulok. Bilang pagdepensa, sinipa niya sa ibaba ng puson ang isa at nagtatakbo patungo sa mga anak. Subalit, isang malakas na pagsabunot naman ang natanggap niya kaya napahiga siya sa sahig. Ramdam niya ang mainit na likido na dumaloy nang tumama ang mukha sa semento at pumutok pa ang labi. Hindi pa nakuntento ang mga kriminal sa pananakit kaya pinagsisipa pa nila siya.
"Tama na!" sinigaw niya nang maramdamang kaunti na lamang ay mawawalan na siya ng malay.
"Madali lang ang usapan, pumili ka kung sino ang bubuhayin!"
"A-Ako na lang ang tapusin niyo," hinihingal na pagsusumamo niya. Humawak pa siya sa laylayan ng pantalon ng lider upang magmakaawa. Tinignan muna niya ang mga anak na hawak pa rin ng mga bihag at may nakatutok pang baril sa kanilang mga ulo. "Palayain niyo ang mga bata! Ako na lang ang patayin niyo!"
BINABASA MO ANG
Paranormal One-shot Stories
ParanormalA compilation of my one-shot stories, mostly with paranormal theme. Also published in my Facebook Page, Author Wiz.