SWEET CAROLINE'S CAKEHOUSE

6 0 0
                                    

"Palagi ka na lang palpak!" dismayadong paninisi ni Laura sa bunsong anak na si Caroline

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.

"Palagi ka na lang palpak!" dismayadong paninisi ni Laura sa bunsong anak na si Caroline. "Kung sana binantayan mo ang sinasaing, hindi masusunog iyon!"

"Sorry, Ma," mangiyak-ngiyak na paghingi ng trese anyos na dalagitang hindi na alam ang gagawin upang mawala ang galit ng ina. "Nakalimutan ko kasi binabantayan ko 'yun order ko na cupcakes!"

"Ano na naman ang inaatupag mo?" Padabog na nilagay nito ang kaldero sa mesa at inilagay sa plastik ang nasunog na kanin upang mapalitan ng panibagong isasaing. "Bakit hindi ka tumulad sa mga kapatid mo? Matatalino na, responsable pa! Hindi kung ano-anong tinapay ang naiisip mo kaya pati utak mo, parang pandesal na rin!"

"S-Sorry po talaga..."

"Sorry nang sorry! Palagi na lang!"

Bata pa man ay kakaiba na si Caroline.

Kung ang ibang mga bata ay abala sa barkada at pakikilahok sa school events, siya naman ay nakagawian na ang pagbe-bake ng cake at iba't ibang mga tinapay. Kapag weekends ay naglilibot na siya sa mga kapitbahay upang mag-alok ng cupcakes at cookies, at kapag may pasok naman sa eskuwelahan, nagbebenta siya sa mga teacher at kamag-aral ng cheese bread at pandesal.

Kung tutuusin ay kahanga-hanga sana siya na anak sapagkat kahit bata pa ay madiskarte na sa buhay. Ganoon pa man ay halos araw-araw pa rin siyang nakakarinig ng masasakit na salita mula sa mga magulang na parehong mga propesor ng mga sikat na unibersidad. Kinukunsidera kasi ng mga ito na underachiever siya kumpara sa mga nakatatandang kapatid na puro honors sa klase. Palagi siyang sinasabihan ng mga ito na walang kapupuntahan ang pangarap niya na magkaroon ng sariling bakery.

May talento man sa pagbe-bake at pagbebenta ay sadyang nahihirapan siyang makipagsabayan sa academics. Nag-aaral naman siyang mabuti subalit hindi talaga niya maabot ang antas ng husay ng ate't kuya. Nakakalungkot na kahit anong gawin niya, hindi pa rin sapat sa paningin ng ama't ina.

"Ano ito?" pasinghal na pagtatanong ng ama nang makita ang grading card niya. "Bakit ang baba ng grades mo?"

"Wala naman pong bumagsak," pagpapaliwanag niya sapagkat kuntento naman siya sa natanggap na grades na alam niyang pinagpaguran talaga niya upang umangat. "Ang sabi nga po ni Ma'am Cruz, ang laki ng improvement ko lalo na sa Math at Science."

"Puro kasi pagbe-bake ang inaatupag mo!" pinagalitan pa rin siya nito. "Imbis na mag-aral ka, tinapay ang nasa utak mo!"

"Pero Pa, kumikita naman po ako-"

"Kahit na! Simula sa araw na ito, hindi ka na magbe-bake! Itatapon mo na ang baking pans at mga harina na 'yan!"

"Pa, 'yun na lang ang nakakapagbigay ng saya sa akin!" pakikiusap niya sapagkat alam niyang labis niyang ikalulungkot kung titigil na ang paglikha ng samu't saring mga tinapay. "Dagdag din sa allowance ito! Hindi na nga po ako humihingi ng karagdagan para sa projects dahil kumikita naman ako!"

Paranormal One-shot StoriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon