SAMPAGUITA

3 0 0
                                    

Malakas ang ulan at basang-basa na ang anim na taong gulang na si Lyneth.

Kanina pa siya naglalako ng mga sampaguita sa harap ng Simbahan subalit tila ba maramot ang tadhana sa kanya dahil dinadaanan lang siya ng mga naroon. Dumidilim na at nababahala na siyang walang maiuuwing pera sa sugarol na ina.

Inaapoy man ng lagnat ay kailangan niyang maghanapbuhay dahil kung hindi, sampal at sabunot ang matatanggap niya sa pabayang ina. Kahit musmos pa lamang ay namulat na siya sa buhay sa kalye at pagtatrabaho.

Tuluyan nang dumilim at dumalang na ang mga dumadaan na tao. Hawak pa rin niya ang kuwintas ng mga bulaklak sapagkat wala siyang naibenta. Ramdam niya ang pagkahilo, gutom at ginaw habang nakaupo sa harap ng Simbahan. Lumipas ang buong araw na walang laman ang kanyang sikmura.

Nangangatog ang katawan na sumilip siya sa loob ng gusaling kinikilala ng nakararami na tahanan ng Diyos. Dala na rin ng sama ng pakiramdam, naisipan niyang baka naman hayaan muna siyang makahiga sa bangko roon. Kahit kaunting pahinga at init lang ang nais niya sapagkat nanginginig na siya sa lamig.

"Hoy! Bawal ang pulubi rito!" pambubulyaw ng isa sa mga babaeng naninilbihan sa parokya nang makaapak pa lang sa bungad ng istraktura. "Alis!"

"Ate, makikihiga lang po sandali," pakikiusap niya sa may edad na ginang na araw-araw na naroon upang magsimba at magrosaryo. "Giniginaw at nilalaganat po kasi ako. Hindi naman po ako manlilimos o manggugulo..."

"Umalis ka na sabi, e!" may pandidiring pinagtulukan pa siya nito. Dahil sa umiikot na ang paningin ay nawalan siya ng balanse at natumba pa siya sa matubig na daanan.

Nakatanggap man ng masamang pagtrato ay nanatiling tahimik lang si Lyneth. Nagtungo na lang siya sa may gilid ng gusali kung saan may dalawang rebulto ng anghel na nakatayo. Kahit paano ay may masisilungan siya roon kaya pinagsiksikan niya ang munting katawan.

Yakap-yakap ang sarili ay tumingala siya sa alapaap upang pagmasdan ang nangangalit na langit. Patuloy lang ang pagbuhos ng ulan na tila ba wala nang katapusan.

"Kapag umuwi ako, sasaktan lang ako ni Inay," sinambit niya habang nakatitig sa pagbaba ng mga tubig at pagguhit bg kidlat mula sa alapaap. "Wala akong benta kahit isa. Malalagot talaga ako!"

Tinignan niya ang dalang nga sampaguita. Tutal ay wala na rin naman bibili sa kanya, tumayo siya isinuot na lang iyon sa mga estatwa. Inayos niya pa ang nga iyon na tila ba tunay at buhay ang mga anghel.

"Sa inyo na lang po ang mga ito," may ngiting pagbibigay niya sa kuwintas na siya mismo ang gumawa. "Pasensiya na po kung medyo nalanta na..."

Muli ay sumandal siya sa dingding upang makapagpahinga. Tanaw niya mula sa kinauupuan ang isang kotse na tumapat sa fastfood restaurant. Bumaba ang ina at pumasok sa loob ng kainan. Pagkalabas ay may dala na itong pinritong mga manok at spaghetti. Pagbukas ng pintuan ng sasakyan ay tumambad ang mga batang katulad niya ay musmos pa rin. Kitang-kita sa mukha nila ang tuwa na may maiuuwing masarap na pagkain.

"Sana, ganyan din ako kamahal ng aking ina," kumakalam ang sikmurang paghiling niya. "Kahit hindi na niya ako bigyan ng fried chicken at spaghetti, basta yakapin niya lang ako at alalahanin..."

Maluha-luhang hinatid niya ng tingin ang mag-anak habang papalayo na. Napagtanto niya na malayong-malayo ang nakitang maarugang nanay sa mayroon siya. Imbis na alagaan siya ng sariling ina ay puro pananakit at paninisi pa ang natatanggap niya.

Ibinubunton nito ang galit sa kanya sa bawat natatalo sa sugal at sinasabihan pa na sana ay mam@tay na siya. Maging ang pag-iwan ng nobyo nito na kanyang ama, at paghihirap nila sa buhay ay sa kanya pa rin sinisisi ng napakasalbaheng magulang.

Paranormal One-shot StoriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon