Maaga pa ay nasa bukid na si Vincent para magtrabaho. Kahit madilim-dilim pa ay kailangan na niyang bumangon at bilinan ang mga tauhang mag-aani ng mga palay.
Habang abala na nagbibigay ng panuto sa mga magsasaka, nilapitan siya ng kanyang kuya at inakay palayo sa mga kasamahan. Nagtaka pa siya dahil mukhang kabado ang kapatid at hindi mapakali.
"Mag-usap tayo doon sa may kamalig," pag-aya ni Stephen "Importante lang..."
Napakunot ang noo ni Vincent dahil sa kakatwang akto ng kapamilya. Inakala pa niya na may nangyaring hindi maganda sa nanay nila na may malalang sakit na diabetes. Labas-masok na kasi ang ina sa pagamutan at may mga panahong nag-uulyanin pa kaya nabahala na siya.
"Si Inay ba?" pagtatanong na niya. "Naospital ba?"
"Hindi naman," pagtanggi nito sa inaakala niya. "Mag-uusap lang tayo patungkol sa lupa."
"Sige, kuya," pagpayag niya. "Susunod ako sa kamalig. Bilinan ko lang sandali 'yun mga tauhan natin..."
Lumipas ang ilang minuto at pinuntahan naman niya si Stephen. Natagpuan niya ito na nakaupo sa imbakan ng mga palay at may dalang sobre.
"Anong pag-uusapan natin?" Umupo siya sa may tapat nito habang nakatuon ang pansin sa papel na hawak nito.
"Oo, ipapaalam ko lang sa iyo na hanggang katapusan ka na lang puwedeng manatili rito..."
Nilabas nito ang titulo ng lupa sa sobre at katulad nga ng sinabi nito, nalipat na ang pag-aari ng lupa.
"H-Ha?" bulalas niya sa 'di inaasahang anunsiyo ng kapatid. "Anong ibig mong sabihin? Nagalit ba sa akin si Inay kaya pinapalayas na ako? Wala naman akong naalala na away o tampuhan!"
"Sa akin na nakapangalan ang lupa." Umiwas ng tingin si Stephen dahil ramdam na niya ang pang-uusig ng kapatid. "Pina-transfer na ni Inay ang titulo ng bukid sa akin."
"P-Paano nangyari 'yun?" Napataas na rin ang boses niya dahil hindi siya makapaniwalang tatanggalan siya ng karapatan ng sariling ina sa lupang sinasaka samantalang halos buong buhay niya ay siya nga ang nag-aasikaso sa mga pananim doon. "Bakit hindi niyo man lang ako kinausap ni Inay?'
"Bingi ka ba?" iritableng pahayag lang nito sa pag-uusisa niya. "Anong magagawa mo kung sa akin na niya pinagkakatiwala ang buong lupain?"
Napaawang ang mga labi ni Vincent sa deklarayon ng nakatatanda. Doon mismo ay naalala niya ang mga panahong tinataboy siya ni Stephen palayo sa ina. Ganoon pa man ay 'di sumagi sa isipan niya na pasikretong nilalamangan na pala siya.
"Napakasama mo!" paninita na niya sa ginawang panloloko ng nakatatanda. "Marahil, sinamantala mo ang sakit ni Inay para papirmahin siya sa mga dokumento! Kaya pala sa bawat araw na dumadalaw ako, palagi mo akong pinapaalis! Iyon pala, may ginagawa ka ng kalokohan!"
"Pinagbibintangan mo ba ako?" mapaghanong tinanong naman nito kahit totoo ang kanyang hinala. "Masisisi ba natin si Inay kung naisip niya na mas karapat-dapat ako sa mana?"
"Hindi ako makakapayag na ganito!" pailing-iling na pagtanggi ni Vincent sa sinabi ng kapatid. "Anak din ako! Kailangan ko siyang makausap! Dapat kong malamang kung totoo ba ito!"
Dahil sa pangamba na madiskubre ang ginawang panlilinlang sa magulang ay hinatak ni Stephen sa braso ang nakababata.
"Nagpapahinga siya ngayon kaya tumigil ka na! Hahayaan mo ba na lumala lalo ang sakit niya dahil lang sakim ka sa mana?"
"Ako pa ang sakim?" naghuhurimintadong pag-uulit ni Vincent. Dahil sa galit ay tinabig niya ang braso nito palayo. "Malay ko rin ba kung anong ginagawa niyong mag-asawa sa kanya! Baka nga tinakot-takot niyo lang para mapapirmahan sa mga dokumento kaya kailangan ko siyang makausap!"
BINABASA MO ANG
Paranormal One-shot Stories
FantastiqueA compilation of my one-shot stories, mostly with paranormal theme. Also published in my Facebook Page, Author Wiz.