Abala ang kartero na si Oliver sa pag-aayos ng mga sulat. Isa-isa niyang inilalagay sa mga kahon ang liham kung saan ito nararapat ipadala.
Dahil sa nalalapit na ang Pasko, dumagsa ang pagdating ng mga liham sa kanilang estasyon. Mula sa iba't ibang lugar sa Pilipinas ang karamihan at ang iilan ay nanggaling pa sa labas ng bansa. Upang masigurong makakarating sa oras ang mga iyon ay tumulong na rin siya sa loob ng opisina sa pagso-sort.
Kung ang mga kasamahan ay tinatamad nang magtrabaho dahil sa papalapit na holidays, siya naman ay desidido na maihatid ang mga liham. Para sa kanya ay nararapat lang na makarating ang mga iyon kaagad na lalo na at may mga umaasang makakatanggap ng pagbati o pangungumusta man lang sa mga mahal sa buhay.
May ngiti man sa labi at naaaliw sa mga Christmas songs na naririnig sa radyo at mga palamuti sa opisina, bakas pa rin sa mga mata niya ang lungkot. Sa likod ng masayahing personalidad ay may itinatago pala siyang karamdaman at binigyan na siya ng babala ng mga doktor.
May sakit siya sa puso at sinabihan na huminto sa trabaho at magpahinga na lamang sa bahay. Iyon man ang mahigpit na bilin sa kanya ay inilihim pa niya iyon sa mga katrabaho at kapamilya sapagkat ayaw niyang huminto, magmukmok mag-isa at kaawaan pa. Tutal naman ay tanggap na niya ang kapalaran, nais na lang niyang palipasin ang mga araw na ginagawa pa rin ang mga gusto na katulad ng pamamasyal at paghahatid ng mga sulat. Naging kaibigan na rin kasi niya ang mga tao kung saan siya nakadestino kaya hangga't kaya niyang maglakad ay napagdesisyunan niyang pagsisilbihan pa rin ang mga ito.
"Marahil, ito na ang huling Pasko na madadalaw ko sila," naisip niya habang maingat na kinokolekta ang mga ide-deliver na karamihan ay mga Christmas cards. "Kahit sana sa munting paraan ay mapangiti ko sila..."
Habang isinisilid sa bag ang ihahatid na mga sulat, bigla-bigla ay nahulog ang isang naninilaw na sobre. Dinampot niya iyon mula sa sahig at binasa kung kanino at saan ipapadala upang maisabay na sana sa biyahe niya.
"Teresa Olympia Vasquez," pagbasa niya. Sa likuran ay may tatak iyon na Disyembre 16, 1950. "Bakit narito pa ito?"
"Ma'am, nakalimutan na yata ito," nabanggit niya sa ginang na naghihiwalay din ng mga sulat. "Noong nakaraang taon pa pala ito..."
"Ah, baka naitambak na sa dami ng mga dinadala rito," sinagot naman ng babae na medyo tinatamad na rin magtrabaho sapagkat Pasko na ang nasa isip nito. "Itabi mo lang at baka hanapin ng may-ari."
"Baka importante at hinihintay pa rin ni Miss Teresa," pagdadalawang-isip niya na isantabi ang sobre. "Sayang at dumaan na ang Pasko noon at hindi man lang niya ito natanggap."
"Kahit huwag mo nang dalhin. Sa malamang, nakalimutan na nga 'yan ng nagpadala."
"Kunin ko na po ito at ihahatid mamaya." Isinilid na rin niya ang liham sa bag. "Tutal naman ay dadaan din ako sa lugar na ito."
"Bahala ka," sinagot naman ng katrabaho. "Ang sa akin lang naman ay baka masayang ang oras mo..."
"Walang problema," may ngiti sa labi na sinambit niya. Dala na rin ng kuryosidad ay nais niyang makilala ang babae na nalipasan na ng isang taon ang sulat sa opisina nila. "Malamang, matutuwa siya rito kahit last year pa..."
Dahil sa unang beses na napadpad sa lugar ng pakay ay naligaw siya. Nakailang beses pa siyang nagtanong sa mga dumadaan pero sadyang hindi niya makita ang puting bahay na tinutukoy ng mga ito. Madilim-dilim na pero ni anino ng istraktura ay hindi niya mahanap.
Nang dahil sa pagod sa kakalakad ay umupo muna siya sa silong. Kinuha niya mula sa bag ang bote ng tubig at uminom.
Gamit ang panyo ay pinunasan din niya ang noo na may butil-butil ng pawis.
BINABASA MO ANG
Paranormal One-shot Stories
ParanormalA compilation of my one-shot stories, mostly with paranormal theme. Also published in my Facebook Page, Author Wiz.