Eighteen years old pa lang si Luisa ay nagtungo na siya sa ibang bansa upang mamasukan bilang kasambahay. Kahit sa murang edad ay nagsakripisyo na siya upang maiahon ang pamilya mula sa kahirapan. Baon ang tapang at determinasyon, nilisan niya ang Pilipinas upang magbakasakaling umasenso.
Pagkarating sa lupa ng mga banyaga, hindi niya inaasahan ang pasakit ng pagiging OFW. Nariyan ang halos wala na ngang pahinga sa trabaho, lalaitin pa ng amo kahit na sa kaunting pagkakamali. Maraming beses na inaapoy na siya ng lagnat pero kailangan pa rin niyang manilbihan sa bahay dahil kung hindi ay babawasan ng suweldo. Kasabay pa ng pagka-homesick, kalaban niya ang pisikal at mental na pagod. Tiniis niya ang lahat ng iyon upang bawat katapusan ng buwan, may maipadala siyang salapi sa mga mahal sa buhay.
Subalit, sa paglipas ng panahon ay napansin niya na lumayo ang loob ng mga kadugo sa kanya. Napuna niya na naaalala lang siya ng mga ito kapag oras na ng padala. Ni hindi man siya nakukumusta ng nga ito kung ano ang kalagayan niya roon. Minsan, nang umuwi siya ay ramdam niya na hindi man sila natuwa at pinagtutulakan pa na bumalik sa abroad. Ganoon pa man ay nagtiis pa rin siya sapagkat sadyang mapagmahal siya na panganay at pilit na inuunawa ang pamilya.
Lahat ng pagtitimpi ay may hangganan nang mabalitaan niya na nagbubulakbol pala sa pag-aaral ang kapatid na lalaki. Ang bunsong babae naman ay nabuntis nang maaga kahit nasa high school pa lamang. Mas nagalit siya sapagkat sinisikreto pa iyon ng mga magulang at sinabi lang ng kapitbahay na may malasakit sa kanya. Nag-send ito sa kanya ng litrato ng kapatid na kasalukuyan ngang may dalang sanggol. Ang tindahan na siya pa ang nagbigay ng puhunan ay sarado na.
Halos gumuho ang mundo niya nang malaman na sinanla pa pala ng mga magulang ang lupang hinulug-hulugan upang may pampaanak ang kapatid at masustentuhan ang mga luho nila. Napag-alaman niya na sa tagal pala niyang nagtatrabaho, napunta sa wala ang akala niyang naipupundar. Samu't saring kasinungalingan pala ang sinabi ng mga kamag-anak upang mapagtakpan ang mga kalokohan nila.
"'Nay, ano 'yun nabalitaan ko?" puno ng pagpipigil sa inis na kinumpronta niya ang inang kunsintidor sa nakababata niyang mga kapatid kahit halos makuba na siya sa kakatrabaho.
"Ang alin?" pagmamaang-maangan naman nito.
"Na na-expel si Jake! At, nabuntis naman si Meg!"
Panandaliang nanatili ang katahimikan sa linya na tila ba nangangangapa ng nararapat sabihin ang ina. Dinig sa kabilang linya ang pagbubulung-bulungan ng pamilya na nagitla sa pagkakabisto niya ng panloloko nila.
"Alam niyo na nagtatrabaho ako para mabigyan kayo ng maayos na buhay," mangiyak-ngiyak sa galit na pagrereklamo na niya. "Pagkatapos, malalaman ko pa sa iba, na sinasayang niyo lang pala ang pera na pinapadala ko! Sarado na ang tindahan! Pati po pala 'yan bahay, sinanla niyo pa!"
"Hoy! Ang bibig mo!" pasinghal na pagpapaalala naman ng nanay. "Kung makapagsalita ka, akala mo kung sino ka samantalang anak lang kita!'
"Oo, Inay! Anak mo nga lang ako! Katulad nina Jake at Meg, anak mo rin ako! Habang tinititiis kong malipasan ng gutom at halos wala na akong pahinga, ganito pa ang gagawin niyo sa akin!"
"Komo ba naka-abroad ka , ganyan ka na umasta!" nagawa pa rin siyang kagalitan ng nanay na sarado ang isip sa mga sakripisyo niya. Ang mahalaga lang para sa ginang ay pera at masustentuhan ang pinapaborang mga kaanak.
Imbis na makapagbitiw pa ng hindi magagandang salita ay isinara na ni Luisa ang linya. Wala siyang nagawa kundi umiyak sa sulok ng maliit at madilim sa silid.
"Diyos ko, hirap na hirap na po ako!" pananalangin niya dahil sa bigat ng kanyang kalooban. "Kung minsan ay gusto ko na lang sumukong mabuhay pero naiisip ko lang kung paano na sina Inay kapag wala na ako! Inaalala ko sila palagi pero nakakalungkot na parang hindi man nila ako pinapahalagan..."
BINABASA MO ANG
Paranormal One-shot Stories
ParanormalA compilation of my one-shot stories, mostly with paranormal theme. Also published in my Facebook Page, Author Wiz.