DALAWANG JUAN

12 0 0
                                    

Sa isang simpleng subdivision ay naninirahan ang magkumpareng sina Sonny at Rommy. Magkapitbahay sila at pati sa trabaho ay pareho pa sila ng pinapasukang kumpanya, kung saan nagsisilbi silang mga team leader.

Sila ay parehong nasa edad na kuwarenta na pero kapansin-pansin na mas mukhang bata si Sonny dahil palagi itong nakangiti at hindi dinidibdib ang mga suliranin sa buhay. Ang kaibigan naman nitong si Rommy ay may mga guhit na sa noo at namumuti na ang buhok dahil palagi itong nakasimangot at kahit maliliit na bagay ay kinagagalitan nito.

Araw ng Lunes at sadyang nakaka-stress ito para sa lahat nang nagtatrabaho at nag-aaral sa siyudad. Ganoon pa man ay maaagang bumangon si Sonny na may ngiti sa mga labi. Panandalian muna siyang umupo sa kama at nanalangin.

"Lord, thank you po sa araw na ito at hinayaan Mo akong magising. Maraming salamat po at binigyan Mo pa ako ng pagkakataong makasama ang aking pamilya at makapagtrabaho para sa kanila. Nawa'y gabayan Mo po kami at ingatan sa lahat ng oras..."

Pagkatapos magdasal ay hinagkan niya sa pisngi ang kabiyak. Isang matamis na ngiti ang ginanti nito sa kanya kaya napuno lalo ang puso niya ng galak.

"Anong gusto mong almusal?" malambing na pagtatanong nito.

"Ikaw ang bahala, mahal," masuyong tugon niya. "Basta luto mo, siguradong masarap!"

Kapansin-pansin ang ningning sa mga mata ng misis niyang si Angie. Kahit magkukuwarenta na rin ito ay mapagkakamalan pa itong dalaga dahil busog ito sa pagmamahal at pagpapahalaga. Magkakampi at magkatuwang sila sa lahat ng bagay kaya kahit may mga pagsubok man ay kinakaya nilang dalawa.

"Thank you rin po Lord at binigyan mo ako ng mabait at maarugang asawa," pagpapasalamat din ni Sonny. "Napakasuwerte ko po sa babaeng binigay mo sa akin na makakasama ko habambuhay..."

Sa kabilang bahay naman ay mabigat ang katawan na bumangon si Rommy. Pailing-iling na tinignan niya ang orasan. Naiisip niya pa lang ang trapik at stress sa trabaho ay umiinit na ang ulo niya.

"Tsk! Palagi na lang ganito! Magtatrabaho na naman!" pagrereklamo niya. Paglingon sa tabi ay wala na roon ang asawa sapagkat abala na nitong inaasikaso ang agahan nila. Pagbukas ng cabinet ay mas nayamot siya dahil wala pa pala siyang plantsadong uniporme.

"Nancy!" pagalit na pagtawag niya sa kabiyak. Dali-dali naman pumunta ang misis kahit na may niluluto pa sa kusina.

"Bakit, hon?"

"Alam mo naman na Lunes ngayon, 'di ba?" pasinghal na pagtatanong niya.

"Oo. Kaya nga nagluluto na ako at inaasikaso ang mga bata."

"E anong isusuot ko sa trabaho?"

"Ah! Isusunod ko naman 'yan. Inuna ko lang muna 'yun almusal-"

Natigilan silang mag-asawa nang malanghap ang nasusunog na tocino. Napasimangot lalo si Rommy sapagkat naisip niya na napakasimple na lang ng ginagawa ng misis ay pumapalpak pa.

"Ay! 'Yun niluluto ko!" pagtili ng ginang.

"Paulit-ulit mo na lang ginagawa, hindi ka naman natututo!" nagawa pa niyang pagsabihan ang kabiyak na pagod na nga sa trabahong bahay, nakakatanggap pa ng panlalait.

Maluha-luhang napalunok na lang si Nancy sapagkat pilit niyang iniintindi si Rommy. Dahil ang mister nga naman ang nagtatrabaho, naisip niya na dapat ngang maging maayos ang tahanan at naaasikaso silang mag-aama. Ganoon pa man ay hindi niya maiwasang magdamdam dahil gusto rin naman niyang ma-appreciate kahit sa paningin ng asawa ay housewife lang. Pati sarili ay napabayaan na nga rin niya pero kahit anong gawin niyang sakripisyo ay kulang pa rin.

Paranormal One-shot StoriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon