Mag-a-alas-otso na ng gabi nang makasakay si Liezel ng bus. Nakasimangot na pumasok siya sa sasakyan sapagkat mahigit isang oras na rin siyang nag-aabang at pagod na siya sa trabaho. Nakagalitan pa siya ng boss bago umuwi kaya masama na talaga ang sumpong niya.
Makalipas ang ilang minuto ay may sumakay na lalaking sa tantiya ay halos kaedaran niya na dalawampu't pitong taong gulang. Mugto ang mga mata nito at luma ang mga damit, at sa itsura nga nito ay mukhang tuliro pa.
Maging ang mga kasamahan niya sa sasakyan ay naalarma sa presensiya nito na tila ba isa itong kriminal na walang gagawing matino. Maging ang konduktor ng sasakyan ay sinubukan pa itong pababain.
"Tayuan na rito, p're," pagsasabi ng tauhan ng bus. "Baka gusto mong sa iba na sumakay!'
"OK lang, boss, gusto ko lang talagang makauwi," magalang na pagsasabi ni Badoy dahil batid niya na pinangingilagan nga siya ng mga naroon dahil sa itsura niya na halatang pagod at wala pang tulog. "Sa Green Meadows, looban po..."
"Ay, hanggang labas lang kami!" pagdadahilan ng konduktor upang mapilitan sana siyang bumaba. "Doon ka na sa susunod na bus!"
"Sige na po," pakikiusap niya sapagkat kailangan na niyang makabalik sa bahay ng kanyang mga magulang at lumalalim na ang gabi. "Hinihintay na po kasi ako nina Inay..."
"Tsk! Maglalakad ka nga lang nang malayo!" pailing-iling na pagpayag na ng kondukor habang tinitiketan siya.
"Okay lang po..."
Napairap na lang si Liezel nang sa kanya pa natapat tumayo si Badoy. Sadyang unang kita pa lang ay naiinis na siya rito dahil namumula na nga ang mga mata, sa tingin niya ay baka holdaper pa ito. Dahil sa pangambang mananakawan, niyakap niya ang bag nang mahigpit at hindi tinanggal ang tingin sa kapwa pasahero.
Bigla-bigla ay pumreno ang bus at 'di sinasadyang napabitiw ang lalaki sa railing ng sasakyan. Dahil doon ay aksidente itong natumba sa gawi niya.
"Ay, bastos ka!" paghiyaw niya kaya sabay-sabay na napatingin ang mga naroon. "Many*k!"
"S-Sorry po!" mabilis na paghingi naman ni Badoy ng paumanhin habang mabilis na bumabangon mula sa pagkakasandal sa kanya. "Hindi ko sinasadya. Ang lakas kasi ng preno kaya dumulas ang kamay ko sa hawakan!"
"Tsk! Bakit kasi nagpumilit ka pang sumakay samantalang nakita mo na nga na walang mauupuan!" pasinghal na kinagalitan pa rin kiya ito. "Sa susunod, huwag kang maging perwisyo! Alam mo ba na malaki kang abala? Pagod na nga ako, dumagdag ka pa sa stress ko!"
"Pasensiya na talaga," nakayukong pagsasabi nito upang umiwas na sana sa gulo. "Emergency lang kasi kaya nagmamadali na rin ako..."
Nakaismid na binalewala na ni Liezel ang pagpapaliwanag nito. Subalit, mas maiirita siya nang pumara ang katabing pasahero at umupo naman sa bakanteng upuan ang kinaiinisan. Ngumiti pa ito sa kanya bilang pahiwatig na wala nga itong masamang intensiyon pero bilang tugon ay inirapan pa rin niya.
Lumipas ang isang sandali at nakatulog na ang katabi. Pasikretong kinuha niya ang cellphone at vinideohan pa ito upang ipakita at ipahiya sa mga kaibigan ang kinaiinisan.
"Tignan niyo, mukhang bangag sa pinagbabawal na gamot," nakangising pagme-message pa niya sa group chat nila.
"Oo nga, bakit parang naka-high?" pagsagot naman ng isa sa mga kabarkada niya.
"Naku, umilag-ilag ka riyan at baka many*k o holdaper!"
"Kaya nga!" pagsang-ayon naman ni Liezel. "Napakamalas ko naman! Pagod na nga ako sa work at napagalitan pa ni boss, pagkatapos, makakasama ko pa sa biyahe itong ad*k na ito! Nakakainis!"
![](https://img.wattpad.com/cover/269221959-288-k793948.jpg)
BINABASA MO ANG
Paranormal One-shot Stories
ParanormalA compilation of my one-shot stories, mostly with paranormal theme. Also published in my Facebook Page, Author Wiz.