My winning entry! 🤩🎉🏆
Title: Ang Alamat ng Langka
Genre: Romance/Comedy
Theme: Fruity Summer Romance Flash Fiction
Author: Wiz Ligera
Word Count: 695
Noong unang panahon, may isang magandang dilag na ang pangalan ay Dungka, na nagmula sa tribo ng mga Durian. Kasalukuyan siyang nagpapahangin sa beranda dahil sobrang init ng araw. Upang umaliwalas ang pakiramdam, nagpasya muna siyang magbabad sa ilog.Sa kasamaang-palad, naroon pala ang salbaheng anak ni Bano, ang makapangyarihang hari ng tribo ng mga Guyabano, at mananakop ng mga Durian.
"Ayan na naman si Baho!" umiikot ang mga matang sinabi ni Guyah, kasabay ng pagtawa ng mga alipin. Pinag-iinitan niya ito dahil lihim na kinaiinggitan ang kagandahang taglay nito.
Maluha-luhang nilisan ni Dungka ang ilog. Imbis na awayin na naman ng malditang prinsesa, pinili na lang niyang umiwas.
Habang naglalakad pauwi, nakarinig siya ng paglagitik ng dahon sa gubat. Nang dahil sa takot na may multo, akmang tatakbo na sana siya palayo pero pinigil naman siya ng isang makisig na lalaki.
"Huy!" panggugulat ng kababatang si Lancelot, na nagmula rin sa maharlikang pamilya at tribo ng mga Guyabano. Matagal na siyang may lihim na pagtingin kay Dungka pero nag-aalangan lang na magtapat dahil magkaiba sila ng tribo at estado ng buhay.
"Anong kailangan mo?" panunuplada kunwari ni Dungka habang nakataas ang isang kilay.
"Tara, kain tayo!" kaagad na pag-aya naman nito.
"Ngi, uuwi na ako!"
"A basta!" pangungulit pa rin ni Lancelot kasabay ng pag-akbay sa dalaga. "Ililibre kita. Anong gusto mong kainin?"
"Hmmm, sige na nga! Gusto ko ng malamig na inumin! Sobrang init e!"
"'Yun lang pala! Doon tayo sa tindahan ni Aling Melon!"
Lingid sa kaalaman nila, habang masaya silang nag-uusap, sinusundan na pala sila ni Guyah. Matagal na niyang gusto si Lancelot pero kahit anong pagpapa-cute ang gawin niya, hindi man lang siya pinapansin nito.
Nang dahil sa selos, sinabihan niya ang ama na ipatawag si Dungka at gawing isa sa mga alipin. Dahil sa makapangyarihan ang prinsesa, wala itong nagawa kungdi sumunod.
Doon ay walang humpay na pinahirapan siya ni Guyah. Kaunting pagkakamali lang ay pinapagalitan na siya nito at pinaparusahan.
Isang araw, aksidenteng nakabasag si Dungka. Pagod na kasi siya kaya hindi niya napansin na dumulas sa kamay ang porselanang plato. Nang makita ang nangyari, kaagad na inatake ni Guyah ang kaawa-awang dalaga.
"Sorry na," pagsusumamo niya habang nakakatanggap ng sampal mula sa amo.
"Dapat lang 'yan sa iyo! Mabaho ka na nga, t*nga pa!"
"Tama na!" pag-awat ni Lancelot. Bibisitahin lang sana niya ang kaibigan pero hindi niya inaasahang masasaksihan pa ang pagmamalupit ni Guyah. Hinatak niya ito palayo upang hindi na masaktan pa si Dungka.
"Kinakampihan mo ang mabahong 'yan?" pasinghal na tinanong nito sa binata. Mas nainis pa siya nang inalalayan nitong makatayo si Dungka at kinumusta.
"Seriously? She stinks!" pang-iinsulto pa niya lalo.
"E ano naman kung mabaho, e maganda naman ang kalooban," pagtatanggol ni Lancelot sa iniibig. "Mabango ka nga sa panlabas, pero ang ugali mo, mas maalingasaw pa sa ebak ng kalabaw!"
"How dare you!" puno ng poot na sinigaw ni Guyah. "Simula sa araw na ito, itinatakwil na kita sa tribo natin! Lumayas kayong dalawa sa teritoryo namin!"
"Edi goodbye!" pagpapaalam na ni Lancelot sa malditang babae. Hawak ang kamay ni Dungka, inaya na niya itong lumisan at magpakalayo-layo.
"Saan tayo pupunta?" pagtatanong ng dalaga.
"Sa lugar na walang diskriminasyon," masuyong tugon ni Lancelot sa sinisinta.
Lumipas ang mga taon at naging masaya ang mag-asawa at biniyayaan pa ng tatlong mga anak. 'Di kalaunan, maraming mga lahing Guyabano at Durian ang nagtungo roon at nagpamilya. Sila rin ay pinagtabuyan nina Guyah pero buong-pusong tinanggap naman nina Dungka sa islang pinaglalagian nila.
Nagdaan ang panahon at nag-iba na rin ang amoy ng naninirahan sa isla. Dahil mga mestisuhin na prutas, naging mabango na sila. Sa sobrang sarap ng amoy nila, pati mga insekto ay hindi maiwasang dumikit at singhutin ang nakakahumaling na samyong mayroon sila.
Upang parangalan ang ninuno nila na wagas ang naging pag-iibigan, tinawag nila ang tribo na Langka, ang pinagsamang pangalan ng mag-asawang Lancelot at Dungka.
Nais nila na sa bawat mababanggit ang "Langka", nagsisilbi iyon na paalala na ang pag-ibig ay walang pinipiling itsura, lalong-lalo na ang amoy.
-WAKAS-
Author's Note
Dear readers, may naipanalo na akong contest! Sa wakas!🤣 Thanks so much sa Coffee & Pen Writers for this chance. Hindi ako makapaniwala na out of 54 entries, mapapansin ang akda ko, lalo na at durian at guyabano pa ang mga bida.🤣 Sa lahat din ng supporters ko na nag-i-inspire sa akin na magpatuloy sa pagsusulat, maraming salamat! ❤️
BINABASA MO ANG
Paranormal One-shot Stories
ParanormalA compilation of my one-shot stories, mostly with paranormal theme. Also published in my Facebook Page, Author Wiz.