Haylee's Point of View
Namomroblema na ang mga taong kasama ko habang nangangalumbaba pa rin ako sa mesa. Kanina ko pa pinapaikot-ikot ang mga tanong sa isip ko.
Tumikim si Greg, "Ingko at Listo, ilipat niyo sa hilaga ang mag-asawa."
Naguguluhang napatayo pareho sina tita at tito para sumama sa dalawang lalaki. Sakto at matitira lang kaming dalawa ni Greg, gusto ko na siyang tanungin.
"Shrek,"
"Oh? Ano na naman? May ipapakuha ka na naman ba? Alam mo bang mahal na ang ibinayad ko sa mga iyan?" itinuro niya ang mga pagkaing nasa harap ko, hindi ko pa nauubos 'yung iba. "Inaasar mo ba ako dahil mapapalitan naman ng asawa mo iyang mga pinapakuha mo?"
Ngumuso ako at dahan-dahang itinulak ang plato ng inihaw na manok, kunwaring nahihiya.
"E, sa nagutom ako. Hindi kaya ako kumain ng umagahan tapos tignan mo na, oh, maggagabi na. Kailan mo ba balak kontakin ulit si Dwayne? Kala ko ba, kailangan mo na ng pera? Bakit hindi ka na lang maging atat?"
Bumuga siya ng hangin. "Wala pa namang inuutos, e."
"Utos? Sino namang mag-uutos sa'yo?" pagtatanong ko.
"Si Lord T." muling bumalik sa akin ang mga narinig ko kanina.
"Sino siya?" umiling siya at umupo sa upuang malapit sa pinto.
"Tito nina Kimut at Kimbot. Hindi ko siya lubusang kilala pero alam kong siya ang boss namin. Lahat ng utos niya, nasusunod." umayos ako ng upo at inihanda ang tenga ko.
"Kaano-ano mo ba iyon?"
"Kaibigan siya ng ama ko na namatay nu'ng nakaraang taon. Sa totoo nga lang ay sa kaniya kayo may utang, ako nga lang ang sumisingil ngayon."
Totoo kayang mabait siya?
"Ito ang una mong beses na ginawa ito?" tumango siya at tumingin sa malayo.
"Hindi sa pagmamalinis pero hindi ko naman talaga 'to ginusto, kailangan lang." humina ng kaunti ang boses niya.
"Kailangan?" pakiramdam ko, lahat sila may dahilan kung bakit 'to ginagawa.
"Ayokong magkwento saka sino ka ba naman para marinig ang kwento ko? Mas mabuting dibdibin ko na lang ang mga iyon."
Tumayo ako at nag-umpisang libutin ang buong kwarto.
"Mawawala lang naman iyang bigat na dinadala mo. Isipin mo na lang na kaibigan mo'ko. Hindi ako marunong manghusga sa karanasan ng iba. Mukha namang mabait ka, e. Sabi nga ni Kimbot, mabait kang tao kaya medyo naniniwala ako."
"Kaibigan," bulong niya. "Hindi ko pa narinig ang salitang iyon kahit kailan." saka mahinang natawa. "Ni naramdaman, hindi."
I feel sorry for him. Ang isang mukhang Shrek na lalaki, may kalungkutang dinadamdam.
"E 'di ngayon, mararamdaman mo na. Kahit saglit lang, ituring mo muna akong kaibigan. Kung nag-aalinlangan ka kung pagkakatiwalaan mo ba ako o hindi, isantabi mo muna ang bagay na iyon dahil kung gusto mong ilihim ko, ililihim ko naman."
"Bakit?" nabaling sa kaniya ang nagtatanong kong mga mata. "Bakit mo sinasabi ang mga 'yan? Dahil nga sa akin kaya ka nandito, hindi ba?"
Bumuntong hininga ako at naglakad-lakad na ulit.
"Ang punto doon ay ang dahilan mo. Hindi mo din naman 'to ginusto. Lahat naman tayo may dahilan kung gagawa tayo ng mga bagay-bagay. Hindi naman na kita kinamumuhian sa ginawa mo, e. Wala naman akong pasa dahil hindi niyo ako binugbog, hindi naman ako nahihirapan dahil binibigyan niyo ako ng mga gusto ko kahit dapat ay hayaan niyo na lang ako. Nararamdaman ko din namang mabait ka." mahabang litanya ko.