"Masaya ka ba ngayon na nagmukha akong tanga at katawa-tawa sa paningin nilang lahat? Masaya ka ba na ikaw ang nanalo dahil pinili kita?!” sigaw ni Eyya. “Masaya ka na ba sa paulit-ulit mong pagdurog sa'kin, CX?!"CX. Nalilito ko siyang tiningnan habang ang mga paa ko ay napako na sa aking kinatatayuan.
"Bakit mo ako tinawag na CX?!” sigaw ko, saka siya kinapitan nang mahigpit sa magkabila niyang braso. “Bakit?!”
"Aray!” hinaing niya. “Nasasaktan na ako!"
"Ang haba naman ng name mo. Pwedeng CX na lang ang itawag ko sa’yo at EJ na lang ang itawag mo sa akin?"
"Sabihin mo--" Hindi na natuloy ang sinasabi ko nang bigla na lang akong sumadsad sa sahig dahil sa lakas ng pagkakasuntok ni Jude. Agad akong tumayo at nanggigigil siyang hinawakan sa kwelyo. Maging siya ay humawak na rin nang mariin sa kwelyo ko.
"Anong trip mong gago ka?!" singhal ko sa tapat ng mukha niya.
"Ang ilayo si Eyya sa gagong tulad mo!"
"Patawa ka!"
"Mukha ba akong nagpapatawa? Alam mo, kung ayaw mo naman kay Eyya, pakawalan mo na lang siya. Maraming gustong mag-alaga sa kanya. H'wag mong sayangin ang mga ngiti niya na unti-unting nawawala dahil sa tulad mo. H'wag mo siyang gawing laruan."
Lalong humigpit ang pagkakahawak ko sa kwelyo niya. "Manahimik ka! Bakit ka ba nakikialam sa relasyon namin?!" sigaw ko, sabay suntok sa mukha niya.
Sumalampak si Jude sa sahig, hawak na ang labi niyang nagdudugo.
"Ito lang ba ang kaya mo?! Ang hina!"
Siya naman ang sumugod, pero mabilis akong naka-ilag, subalit 'di ko napansin ang isa niyang kamao na papalapit sa tiyan ko. Halos masuka ako nang masikmuraan niya ‘ko.
"TAMA NA ‘YAN!" sigaw ni Eyya, pero hindi ko siya pinakinggan at sumugod pa rin ako.
Panay ang palitan namin ng suntok. Ang lahat ay tulala at nakatingin lang sa amin. Parehas ng duguan ang mga nguso namin habang nagpapagulong-gulong kami sa sahig. Walang sino man ang nagtangkang umawat sa aming dalawa kundi si Eyya lang; ilang beses kong naririnig ang pagmamakaawa niya na tumigil na kaming dalawa.
Sa lakas ng huli kong suntok kay Jude, nanlaki ang mga mata ko dahil bumangga rin siya kay Eyya. Malakas ang pagkakatama ni Eyya sa ring stand na gawa sa bakal, kasunod nun ay ang malakas niyang pagsigaw. Binalot ng pagtangis niya ang buong loob ng gym.
Dumagundong sa aking tenga ang sigaw na iyon. Hawak niya ang kanan niyang kamay, namimilipit sa sakit.
Eyya!
"Eyya! Ayos ka lang?" tanong ni Jude, samantalang ako na boyfriend niya ay nakatayo lang sa gulat, nakatingin kay Eyya na umiiyak dahil sa sakit. Gulat pa rin ako sa nagawa ko at hindi ko alam kung anong gagawin ko. Ang mga paa ko... hindi ko magawang ihakbang palapit sa kanya.
"E-Eyya…" tanging sambit ko, nagsimulang manginig ang boses ko dahil sa pag-iyak niya. Hindi pa rin siya tumitigil sa paghagulgol. Nang magawa ko ng maihakbang ang mga paa ko, siya namang pagsigaw niya, kaya napilitan akong huminto.
"SABI KO, TUMIGIL NA KAYO! SABI KO, TUMIGIL NA KAYO!" Iyak nang iyak si Eyya habang nakahawak pa rin sa kamay na nasaktan dahil sa pagkakaipit.
Nakaramdam ako ng lungkot at konsensya. Nakailang beses din akong lumunok. Hindi ko siya gustong madamay o kahit ang masaktan, pero hindi ko 'yon naiwasan dahil nagpadala ako sa galit. Napaatras ako nang titigan niya ako nang masama habang bumabagsak ang luha mula sa mga mata niya. Gusto kong humingi ng tawad pero hindi man lang magawang bumuka ng bibig ko.
Alam kong kasalanan ko 'to, pero bakit hindi ko kayang humingi ng tawad. Bakit ganito?! Ganito na ba ako kasama ngayon?
"Sabi mo, kahit anong mangyari... hindi mo ako makakalimutan. Sabi mo, kapag nagkita tayo, makikilala mo ‘ko. Sabi mo, hindi mo ako sasaktan at hahayaang umiyak. Sabi mo, poprotektahan mo ‘ko, pero bakit kinalimutan mo lahat ng 'yon, Xyrus? Bakit sa dami ng tao sa mundo, ikaw pa ang mananakit sa'kin… Dito…” gigil niyang turo sa kanyang dibdib. “Sobrang sakit, Xyrus."
Lalong napuno ng luha ang mga mata niya at sunod-sunod ang pag-agos nun sa kanyang pisngi. Alam kong nasasaktan ko na siya nang sobra pa sa sobra at hindi na iyon mababawi ng simpleng sorry.
Pero ‘yung mga sinabi niya ngayon… wala akong maalala na sinabi ko ang mga ganun sa kanya noong niligawan ko siya. Bakit ganito? Tagos sa puso ‘yung mga binitawan niya.
Tumayo si Eyya at dahan-dahang lumapit sa akin. Huminto siya sa harap ko at muling pinunasan ang luhang nasa pisngi niya. Hinatak niya ang suot na kwintas sa kanyang leeg at pagkatapos ay inabot iyon sa'kin.
Alangan at nalilito kong inilahad ang palad ko.
"Hindi ko na kailangan ang pangako mo, CX. Pagod na akong ipaalala sa’yo ang sarili ko. Maghiwalay na tayo."
Nanlaki ang mga mata ko sa sinabi niya. Gusto kong magsalita, pero walang lumalabas na tinig sa akin. Sunod ko na lang nakita ay ang pagtakbo niya papalayo sa'kin.
Tiningnan muna ako nang masama ni Jude bago siya humabol kay Eyya. Dun ko lang iniyuko ang mukha ko upang titigan ang kwintas.
Bigla na lang umagos ang luha ko nang makilala ko ang kwintas na hawak ko.
Ang kwintas na palagi kong nakikita sa kanya ay 'yung kwintas na galing kay mama na ibinigay ko sa kanya nung mga bata kami.
Si EJ, siya ‘yung childhood friend ko na una kong naging kaibigan, unang babaeng pinangakuan ko, ang pangalawang babaeng pinahalagahan ko. Bakit 'di niya agad sinabi? Kaya pala palagi siyang bumibili ng energy drink na grapes ang flavor. Kaya pala mahilig siya sa grapes, magluto ng adobo, at kumanta ng katulad ng kanta ni mama, kaya pala may pagkakaparehas sila ni mama dahil pinapaalala niya sa akin na siya si EJ, at ang lahat nang ginagawa niya... ay ‘yung mga gusto ko nung bata ako, ‘yung mga bagay na pinili ko nang kalimutan.
Alam ni EJ na sobrang mahalaga si mama sa'kin nung mga bata kami. Gusto niyang maging kagaya ni mama, pero lingid sa kaalaman niya, matagal ko ng hindi kasama si mama. Iniwan niya na kami, matagal na.
Sorry, kung hindi kita nakilala. Sorry, kung ‘di ko tinupad ang pangako ko...
KINABUKASAN, naging tahimik ang lahat sa nangyari at wala ni isa sa mga ka-team ko ang nagtanong pa. Pinili nilang manahimik at hindi na makialam pa.
Naisip kong antayin si Eyya sa school gate. Sumandal muna ako sa railing at kinalikot ang cellphone ko. Tumigil na siya sa pagte-text ng kung ano-ano. Tahimik na ang buong araw ko dahil hindi na nagparamdam pa si Eyya sa'kin.
Natigilan ako nang makitang dumaan si Eyya sa harapan ko. Dinaanan niya lang ako na parang hangin, pero kahit ganun, tinawag ko pa rin siya. “Eyya!"
Huminto siya, pero hindi man lang ito lumingon.
“Gusto lang kitang makausap, kahit sandali lang."
Malungkot niya akong nilingon, saka tumango. Nakaramdam ako ng konsensya.
Pumayag naman siyang kausapin ako kaya nagpunta kami sa likuran ng building na palagi kong pinupuntahan kapag gusto kong magpahinga.
To be Continued...
BINABASA MO ANG
TIME MACHINE
FantasyMaraming proseso ang pagdaraanan nito. Kung handa ang utak mo... tara, samahan mo akong tapusin ang paglalakbay ng ating bida, ngunit kung hihinto ka rin sa kalagitnaan, huwag mo ng simulan. Dalawa lang ang puwede mong pagpilian, magpatuloy o humint...