"Xyrus!"Inis akong humarap sa kaniya. "Bakit hindi ka man lang kumatok?"
"Hindi naman talaga ako kumakatok kapag pumapasok ako sa kwarto mo, anak. Isa pa, ayos lang sa’yo ‘yun noon kasi naiingayan ka sa katok! Kaya nga, may bell na nakasabit sa pinto mo, kasi kakalansing iyon kapag may pumasok," paliwanag ni mama nang natatawa.
Hinawakan niya ako sa buhok. "Himala talaga, anak. Nitong mga nakaraan, parang palagi kang may problema, dahil ba ‘yun kay Hanna? O kay Eyya?"
Napaangat ako ng mukha sa mga sinabi ni mama.
"Kilala mo si Eyya?"
"Oo naman! Bakit ko naman makakalimutan ang anak ng best friend ko? Nakalimutan mo na sa kaniya mo ibi—" Natigil sa pagsasalita si mama nang tumunog ang cellphone ko at makita niyang number ni Hanna ang naka-register.
"Sagutin mo na, baka nami-miss ka na ni Hanna."
Ngumiti siya at pagkasabi niya nun ay lumabas na siya sa kwarto ko.
PAGPASOK ko sa hospital room, agad na bumungad sa akin si Hanna na nakatanaw lang sa bintana; pinapanood ang pagsayaw ng kurtina dahil sa hangin.
"Kamusta ka na?" tanong ko, saka ko inilapag sa side table ang dala kong basket na puno ng prutas.
Humarap siya sa akin, pagkatapos ay ngumiti. "Ayos na," aniya.
"Buti naman, pinag-alala mo ako," saad ko.
Naupo ako sa tabi niya.
Dinampot ni Hanna ang kamay ko at hinawakan iyon at saka pinakatitigan habang hinahaplos. "Xyrus,” panimula niya. “May tanong lang ako sa’yo. Sana, sagutin mo."
Nakita ko ang biglang pagbabago ng emosyon niya. Ang mga mata niya, sobrang lungkot. Yumuko siya.
"Hanna…"
"Nahihirapan ka na ba sa akin?"
Iniangat niya ang mukha niya kasabay ng pagtitig sa mga mata ko, na siyang pag-iwas ko naman.
Ano ang dapat kong isagot sa’yo, Hanna?
Katulad mo... nahihirapan din ako sa sitwasyon ko. Namatay ‘yung taong mahal ko kaya nga pinili kong bumalik sa nakaraan para baguhin ang lahat. Ang kaso, ito! Ito ang panahong binagsakan ko! Ginulo ko ang lahat! Kaya, paano ko sasabihin sa’yo na hindi ako ‘yung Xyrus na dapat mong tanungin? Paano ko sasabihin sa’yo na hirap na hirap na rin ako at malapit ng masiraan ng bait?
Natigilan ako nang bigla ulit huminto ang paligid.
"Hanna!" tawag ko nang bigla siyang tumigil sa pagkilos.
"Hi, Xyrus!"
Paglingon ko sa boses na iyon, nakita ko na naman ‘yung bata. Nakaupo siya ngayon sa sofa.
"Ikaw na naman?" bulalas ko.
Ngumisi siya. "Ako nga. May kailangan pa ‘kong kunin, ang alaalang nagpapagulo ng lahat. H'wag kang mag-alala, mababawasan na ang mga iniisip mo. At ito na rin ang huling pagkikita natin, Xyrus."
Kumunot lang ang noo ko sa mga sinabi niya at napaatras.
Nakita ko ang pag-angat niya ng libro. Nakailang beses din akong tumingin sa doorknob dahil nagbabalak akong tumakbo, ngunit huli na ang lahat. Nabuksan na ni MC14 ang librong dala-dala niya kasabay ng pagliwanag nito.
"HINDI! AYOKONG MAKALIMUTAN SI EYYA!" sigaw ko.
"Xyrus!" Napalingon ako sa paligid nang nagtataka, pero nabaling din ang atensyon ko kay Hanna. "Bakit hindi mo kayang sagutin ang tanong ko? Nahihirapan ka na ba? Sawa ka na bang mag-alaga ng tulad kong may sakit?"
Natawa siya kasabay ng pagkahulog ng mga luha niya. Gusto ko siyang lapitan pero pinigilan niya akong lumapit gamit ang kamay niya.
"Alam ko. Alam kong naaawa ka lang sa akin. Mahal mo si Eyya, ‘di ba? Narinig ko lahat ng pag-uusap niyo ni Eyya kahapon. Alam ko, nahihirapan ka na sa'kin. Sorry kung hindi mo magawa ang mga bagay na gusto mong gawin dahil sa'kin kasi... naawa ka sa akin. Patawad talaga, Xyrus, kung pati ikaw, dinamay ko pa sa paghihirap ko. Akala ko kasi nung una, ikaw ‘yung taong pinakamakakaintidi sa sitwasyon ko. Akala ko, magagawa mong manatili sa tabi ko hanggang dulo kaso kahit anong gawin ko, si Eyya… Si Eyya pa rin ang gusto mo, na kahit piliin mo ako, si Eyya pa rin ang babalik-balikan mo,” humahagulgol na saad ni Hanna.
Iyak siya nang iyak na parang bata sa harap ko ngayon. Wala akong magawa kundi ang panoorin lang siyang nadudurog.
"Hanna, makinig ka, hindi ganun ‘yon! Mahalaga ka sa'kin."
"Pero, alam kong hindi ako… kundi siya ang mahal mo… Oo, oo, mahalaga ako sa’yo, Xyrus, kasi nga... NAAAWA KA SA'KIN! Mahal mo lang ako bilang kapatid. Pinili mo ako dahil pakiramdam mo, obligasyon mo ako. Oo, may sakit ang puso ko pero hindi ito manhid. May pakiramdam pa rin ‘to, XYRUS!"
Nilingon niya ako, punong puno na ng luha ang mga mata niya at hindi ko na alam kung anong mararamdaman ko sa mga oras na 'to.
"I'm sorry, Hanna," tanging sambit ko.
"Pwede ba? ‘Wag mo na akong kaawaan! Mamamatay na rin naman ako! Bakit kailangan mo pang manatili sa buhay ko? Lalo mo lang dinadagdagan ‘yung paghihirap at sakit na nararamdaman ko!" Napasandal siya sa headboard ng kama habang umiiyak pa rin. "Sige na, pinapalaya na kita!"
"Hanna, ‘wag namang ganito!" saad ko habang nahuhulog na rin ang mga luha ko. Hindi ko akalain na masasaktan ko nang ganito si Hanna. Ito pa naman ang iniiwasan ko subalit kahit anong iwas ko, ito at nasasaktan ko pa rin siya.
"Umalis ka na!" sigaw niya pa.
Lalapit pa sana ako pero hindi ko na 'yon nagawa. Kahit anong sabihin ko o ipaliwanag, paniniwalaan niya pa rin ang gusto niya. Alam kong galit lang siya dahil paulit-ulit na naman siyang bumabalik sa ospital.
Para kay Hanna, ang ospital ay parang kulungan niya. At ang bawat sulok ng kwarto ng ospital ang naging araw-araw niyang buhay. Ang pagsilip sa bintana, ang naging kasiyahan at kalungkutan niya, kaya nga noong dumating ako sa buhay niya, alam ko, isa ako sa taong dahilan kung bakit nakalaya siya sa kaniyang kulungan; ako ang naging lakas niya para patuloy na mabuhay.
Napaupo na lang ako sa bleacher sa gilid ng pinto nung pinasya kong lumabas at hayaan muna na mag-isa si Hanna. Hindi kasi makakabuti kung nasa tabi niya pa rin ako ngayon. Masasaktan ko lang siya nang sobra.
I'm sorry, Hanna, kung naging makasarili ako at sorry rin kung nararamdaman mo na kinaaawaan kita. Hindi mo man sabihin, alam kong mas kailangan mo ako noon, kaya nga ikaw ang pinili ko kaysa kay Eyya. Nakakainis! Bakit ba nangyari ‘to? Kung sana, umayon na lang sa lahat ang gusto kong mangyari.
Sana, hindi na lang ulit kami nagkita ni Eyya dahil may nasasaktang ibang tao. Bakit kailangan pa ulit magtagpo ng landas namin kung hindi rin naman pala kami para sa isa't isa? Bakit kailangang si Hanna pa ang magkasakit at mahirapan nang ganito?
Kung hindi siguro lumipat sina Eyya, siguro kami ‘yung magkasama. Hindi ko rin siguro makikilala si Hanna dahil walang lilipat sa tinirahan nina Eyya. Hindi niya rin makikilala si Roi, at siguradong magiging simple lang ang lahat.
At hindi magiging magulo katulad nito!
Natigil ako sa pag-iisip nang mapalingon sa paligid. Sandali kong tinitigan ang puting pader. Ang ganitong sitwasyon, pakiramdam ko, nangyari na dati.
To be Continued...
BINABASA MO ANG
TIME MACHINE
FantasiaMaraming proseso ang pagdaraanan nito. Kung handa ang utak mo... tara, samahan mo akong tapusin ang paglalakbay ng ating bida, ngunit kung hihinto ka rin sa kalagitnaan, huwag mo ng simulan. Dalawa lang ang puwede mong pagpilian, magpatuloy o humint...