"Alam mo ang nalaman ko? Habang pinipilit mo ang isang bagay, lalo pala iyong lumalayo sa’yo. Ang totoo, hindi pala talaga matuturuan ang puso kapag iba ang gusto nito. Maaaring makontrol, pero hindi mababago at lalong hindi mawawala nang basta. Ang totoong pag-ibig mo sa isang tao, gaano man ito kasakit, mananatiling may pwesto rito sa puso ng mga taong totoong nagmamahal, katulad ko sa mama mo, Xyrus."Umiling ulit si dad. Nakita ko pa rin ang lungkot sa mga mata niya. Hindi ko alam kung dahil ba sa hindi siya minahal ni mama o dahil pinilit niya ang pagmamahal na makakasakit sa kanilang dalawa. Tumayo ako upang lapitan si papa at saka ko tinapik ang balikat niya, pero malungkot niya ‘kong nginitian. "Nung pilitin kong manatili siya sa tabi ko, iyon ang siyang nagpahirap sa kanya. Ginawa ko lang na malungkot at miserable ang buhay naming dalawa."
Naaawa ako kay papa lalo na nang maglandas ang luha niya sa kanyang pisngi. "Hindi naman 'yon ang intensyon ko, anak. Ang gusto ko lang naman ay... ang makita siyang masaya. Ngunit, ako din pala ang nag-alis ng saya na 'yon. If only I had a time machine, I would put everything back in its proper place. But it is impossible for me to correct my mistakes as there is no such thing; none can take me back in time to reverse my bad decisions."
Iniwas ko na ang tingin sa kanya at niyakap siya nang mahigpit. Sunod-sunod ang pagpatak ng luha ni papa sa balikat ko. Madalas kong sinasabi sa sarili kong malakas ako… na hindi ko na kailangang ipakitang nalulungkot ako pero kapag naaalala ko ‘yung sakit na pinagdaanan ni papa dahil sa pagmamahal na 'yon, nadudurog ako.
Sabi ko sa sarili ko noon, dapat may malakas sa aming dalawa para magpatuloy ng laban. Kailangan kong itago iyong sakit na nararamdaman ko. Ayokong isipin niya pa ako dahil ang pangako ko, mabubuhay kami nang wala si mama.
Ayokong tanggapin dito sa puso ko na si papa lang ang may kasalanan sa lahat ng pagdurusa niya ngayon; ang pagmamahal na ibinigay niya kay mama ay totoo at wagas. Makikita naman na hanggang ngayon, masakit pa rin 'yon sa kanya, habang si mama? Masaya na sa pangalawa niyang pamilya.
"Para sa'kin, makasarili pa rin siya. Iniwan niya tayo. Sinira niya ang pamilya natin," hindi ko napigilang sambitin.
Umalis siya sa pagkakayakap ko, saka ako tinapik sa balikat. "Mama mo pa rin siya, Xyrus. Ano man ang nangyari sa aming dalawa, labas ka do’n."
“Kung nanay ko siya, dapat nandito siya. Dapat kasama natin siya ngayon. Dapat hindi niya iniwan ang anak niya. Inisip niya man lang sana ang mararamdaman ko kasi pamilya na tayo. Nandito na ako sa mundo, hindi na lang sa kanya umiikot ang lahat. Makasarili siya, ‘pa."
"Sa edad mo, maraming bagay ang hindi madaling maintindihan, pero balang araw mari-realize mo na kailangan mong tanggapin ang mga bagay at patawarin ito."
Ngumiti ulit sa'kin si papa, makikita mong mas maaliwalas na ang itsura niya kumpara kanina. "Minsan, sa sobrang galit, nakakalimot na tayo,” aniya. “At nagiging katulad na ng taong nakasakit sa'tin. Xyrus, h’wag mong hayaan na lamunin ka ng galit dahil kapag pinangunahan ka niyan, baka pagsisihan mo lang. ‘Wag mong sayangin ang oras mo sa mga negatibong bagay, dahil hindi na maibabalik ang panahong lumipas."
"Mahirap 'yon, ‘pa. Nakita ko ang paghihirap mo noong mawala si mama, kaya hindi ko alam kung maaalis pa ba ang galit na nararamdaman ko para sa kanya. Kapag pinatawad ko siya nang ganung kadali, maiisip niyang okay lang ang ginawa niya. Paghirapan niya dapat 'yon."
Itinuro niya ang puso ko. "Ang lagi mo lang tandaan, mahal na mahal ka ng mama mo. Hindi mo man siya kasama, alam kong mahal ka niya, Xyrus. Alam mo, sabi niya, ang pusod niya at pusod mo ay magkarugtong. Malayo man siya, ikaw pa rin ang baby boy niya. At kung meron mang taong handang mahalin at samahan ka sa lahat, h‘wag mo siyang pakakawalan, dahil siya ang taong paniguradong bubuo sa’yo, Xyrus. "
Hindi ko alam ang nararamdaman ko sa mga sinabi ni papa, pero isa lang ang alam ko... gumaan ang loob ko.
Sa mga sinabi niya, bigla kong naisip si Eyya.
Si EJ ang babaeng nagmamahal sa akin at minamahal ko.
If there’s a time machine, please, take me back to the past.
I want her back.
HABANG naglalakad, nagtataka na rin ako kasi parang walang katao-tao sa paligid ng school, masyado yatang tahimik. Wala bang pasok? Wala man lang nagsabi sa'kin na walang pasok! Yari talaga sila sa'kin!
Naramdaman ko ang pag-ihip ng malakas na hangin. Mariin akong pumikit upang hindi mapuwing. Pagdilat ko, nakita ko si Eyya sa harapan ko, ilang dipa lang ang layo. Hindi ko maiwasang hindi mapangiti habang pinagmamasdan ang maganda niyang mukha. Pakiramdam ko, ang tagal ko iyong hindi nakita. Kumabog nang mabilis ang puso ko sa malambing at matamis niyang ngiti. I missed that smile so much...
Gusto kong humingi ng tawad pero parang umuurong na naman ang dila ko. Nakatitig lang ako sa kanya nung magsimula siyang maglakad papalapit sa'kin. Ang mga paa ko, parang hindi ko na maigalaw sa sobrang kaba.
Nang makalapit na siya’y agad niya rin akong niyakap nang mahigpit. Natigilan ako sa ginawa niya, pero lalong lumapad ang ngiti ko. Iaangat ko na sana ang kamay ko para yakapin siya nang bigla siyang magsalita.
"I'm sorry, Xyrus! Sorry!"
Iniharap niya ang mukha niyang nakasubsob sa dibdib ko at sunod-sunod na pumatak ang luha niya. Lubos ko iyong ipinagtaka… "Bakit ka nagso-sorry, Eyya? Dapat ako ang humingi ng tawad sa mga ginawa ko."
Umiling lang siya. "Mahal na mahal kita at kahit anong mangyari, ikaw pa rin ang pipiliin kong makasama. Ikaw lang. Mahal kita…"
Nanlaki ang mga mata ko nang makitang unti-unti siyang nagiging makintab na alikabok; naglalaho ang bawat bahagi ng katawan niya sa paningin ko.
"Teka, Eyya, anong nangyayari?"
Nararamdaman ko ang pagkahulog ng mga luha ko at sunod-sunod na ang pagpatak nito. Dahan-dahan na inilapit ni Eyya ang mukha niya sa'kin at bago niya pa mailapat ang labi niya sa labi ko, tuluyan na siyang naglaho sa hangin. Kasabay nun ay ang pagkahulog ng isang kwintas sa sementadong daan.
"Eyya! Eyya!" paulit-ulit akong sumigaw; hindi ko na nakikita nang maayos ang paligid dahil natatakpan na ito ng mga luha ko.
*Alarm Clock, Ringing…*
"EYYA!"
Napabangon ako sa pagkakahiga ko habang habol ang aking hininga. "Panaginip! Eyya!"
Hinawakan ko ang pisngi ko at nasalat kong basa ito.
“Umiiyak ako?!” tanong ko sa'king sarili habang nakatingin lang sa palad ko. Napalingon na lang akong bigla sa salaming nakadikit sa pader ng kwarto ko. Dun, mas malinaw kong nakita ang aking sarili na umiiyak.
Bakit?
Dali-dali akong bumangon at agad na nagbihis. Pupuntahan ko si Eyya.
To be Continued…
BINABASA MO ANG
TIME MACHINE
FantasyMaraming proseso ang pagdaraanan nito. Kung handa ang utak mo... tara, samahan mo akong tapusin ang paglalakbay ng ating bida, ngunit kung hihinto ka rin sa kalagitnaan, huwag mo ng simulan. Dalawa lang ang puwede mong pagpilian, magpatuloy o humint...