Papalapit na kami ni mama sa room ni Hanna nang mamataan ko si Eyya na kalalabas lang doon. Mukhang binisita niya rin si Hanna. Ano kayang napag-usapan nilang dalawa? Nabanggit niya kaya ‘yung nangyari nung nakaraan?"Hi po, tita!" bati ni Eyya kay mama.
Napansin kong lumingon siya sa'kin kaya naman iniwas ko na lang ang tingin sa kaniya.
"Hello din, hija. Kamusta na si Hanna? Gising ba siya?"
Nakangiting tumango si Eyya. "Opo, tita."
Nilingon ako ni mama. Inilapit niya ang mukha sa tenga ko upang bumulong. “Gusto niyo bang mag-usap?" Umiling ako. "Pwede naman na ako muna ang mauuna sa room ni Hanna. Mag-usap kayong dalawa… Sige, maiwan ko na kayo."
Tatawagin ko pa sana si mama nang mapansin kong nakatingin sa'kin si Eyya.
Napabuntong-hininga na lamang ako nang makapasok na si mama at isinara na nito ang pinto. Sandaling tumahimik ang paligid namin ni Eyya.
"Puwedeng sa labas na lang tayo mag-usap?" tanong niya.
Tumango ako.
Nauna ng maglakad si Eyya, tapos sumunod na lang ako sa kaniya. Nung makalabas na kami, naisip ni Eyyang magtungo sa garden kung saan may malaking puno sa tabi ng isang upuan na mahaba.
Umupo siya sa bench habang ako, nanatiling nakatayo at nakatingin sa malayo. Hindi ko pa rin siya magawang tingnan. Hanggang ngayon, napapaisip pa rin ako sa mga ginawa ko nung nakaraan. Nagtataka ako sa sarili ko kung bakit hindi ko mapigilan ang damdamin ko sa tuwing nakikita ko siya. Masyadong malala ang kinikilos ko at sobra iyong nakakaapekto kay Hanna.
"Upo ka," aniya, sumunod na lang ako at naupo sa kabilang gilid ng bench, malaki ang espasyo sa pagitan naming dalawa.
"Xyrus, si Hanna, malamig ang pakikitungo niya sa akin. Hindi niya rin ako masyadong kinikibo. Kitang-kita ko ang lungkot sa mga mata niya kanina," malungkot niyang saad.
"Nalaman na ni Hanna. Alam na niyang ikaw ang gusto ko Eyya."
Nanlalaki ang mga mata niyang lumingon sa akin.
"Sinabi mo? Xyrus naman! ‘Di ba, napag-usapan na natin 'to?"
Umiling-iling ako.
"Narinig niya ang pag-uusap natin nung nakaraan.” Frustrated akong humawak sa ulo ko. "Nalilito na ako. Hindi ko na alam kung ano bang nangyayari sa'kin. Importante sa'kin si Hanna at… ayoko siyang masaktan dahil iba ‘yung tinitibok nitong puso ko," usal ko habang nakaturo sa'king dibdib.
"Sabihin mo sa'kin, Eyya, kasalanan bang ikaw ang gusto nito at hindi siya? Sinubukan ko naman na mahalin siya pero hindi ko magawa. Pinili ko na nga ang alam kong tama... para sa ating lahat. Ngunit, bakit ganun... hindi pa rin sapat? Nasaktan ko pa rin si Hanna. May sakit na nga siya, dumagdag pa ako sa paghihirap niya. Naguguluhan na rin ako sa nangyayari sa akin. Pakiramdam ko minsan... parang hindi ako 'to…”
“Nakapagdesisyon na ako, at tama ka nga. Kapag patuloy nating ipinilit ang mga gusto natin, marami pang masasaktan. Kung mananatili ako sa tabi ni Hanna, at ikaw, mananatili kay Roi, matatapos itong problema natin."
Malungkot ko siyang tinitigan sa mata. "Ang wrong timing ng lahat para sa atin, Eyya. At tulad ng sinabi mo... pinapalaya na rin kita." Ramdam ko ang pagkirot ng puso ko sa bawat salitang binibitawan ko. Mahirap magdesisyon, sobrang hirap na hindi piliin ‘yung taong mahal mo pero mas hindi ko kakayaning patuloy na mahirapan si Hanna.
Tumingala si Eyya sa asul na langit. "Naalala mo, CX, ‘yung kinuwento mo sa akin tungkol dun sa kwintas?” panimula niya na para bang kalangitan ang kausap niya. "Sabi mo, ang kwintas na iyon ay isang Memory Collector. Maaalala mo ‘yung taong pinagbigyan mo nun dahil hawak niya ang alaala ng lahat. Kapag suot-suot mo ‘yun, maiisip niyo palagi ang isa't isa at itatago nito ang alaala niyo hanggang sa kayo'y magkatagpo ulit."
Natulala ako sa luhang bumagsak sa kaniyang pisngi.
Umiiyak siya!
"Nakakatuwa dahil hindi mo ako nakalimutan kahit 11 years tayong hindi nagkita." Ngumiti siya saka inilahad ang palad niya. "Xyrus, ibinabalik ko na sa’yo ‘to."
Pinakatitigan ko ang kwintas na nasa palad niya. "Mahal kita, Xyrus, at malay natin, isang araw dumating din ang tamang panahon para sa'tin. At kung mangyari man 'yon, sa ibang panahon, pangako, ako naman ang makaka-alala sa’yo at magtutugma rin ang dulo ng ating kwento sa huling pahina ng libro. Maraming salamat sa pagmamahal…"
Tumayo siya nang kunin ko ang kwintas. Nag-unat siya saglit saka ako nakangiting nilingon kahit bakas sa mga mata niya ang lungkot at sakit. "Ito na ang desisyon natin, Xyrus. Bawal ang malungkot."
Tinalikuran niya ako at mabilis na naglakad palayo kagaya ng madalas niyang ginagawa.
Umaalis siya at palagi akong iniiwan...
Hindi ko na siya hinabol kahit na gusto ng puso't isip ko. Tama ba ang desisyon ko? Sino na nga ba ako pagkatapos nito?
"MC14," saad ko nang mabasa ang maliit na nakasulat sa likod ng pendant.
Nanlaki ang mata ko nang biglang may nag-flashback sa utak ko. Sa sobrang bilis ng pagbabalik ng alaala sa utak ko, para akong nanonood ng sine na may fast forward theme.
"Sabi mo, kahit anong mangyari… hindi mo ako makakalimutan. Sabi mo, kapag nagkita tayo, makikilala mo ‘ko. Sabi mo, hindi mo ako sasaktan at hahayaang umiyak. Sabi mo, poprotektahan mo ‘ko, pero bakit ikaw pa?! Ikaw pa ang nanakit sa akin!”
"Hindi ko na kailangan ang pangako mo, CX. Pagod na akong ipaalala sa’yo ang sarili ko."
"Wala na siya, Xyrus. Nahuli ka na!"
"Ang babaeng nandun sa emergency room, alam mo ba ang pinagdaanan niya? Pwede kitang ibalik sa nakaraan para malaman mo."
“But… there's a rule you badly need to follow. To violate it is strictly prohibited."
"Don't try to change the past!"
"HINDI! AYOKONG MAKALIMUTAN SI EYYA!"
Kasing bilis ng kidlat na bumalik sa isip ko ang mga alaalang kinuha ni MC14 sa akin. Hingal akong lumingon sa paligid habang hawak ang masakit kong sintido...
*Ringtone*
Napatingin ako sa cellphone kong tumutunog. Number ni mama ang naka-register. Alangan pa akong pindutin ang answer button nang mabasa ang pangalan ni mama. Kabado at nanginginig kong sinagot ang tawag.
Nang marinig ko ang boses niya sa kabilang linya, bigla na lang nahulog ang mga luha sa pisngi ko. Nag-uumapaw sa emosyon ang nararamdaman ko ngayon. Para ‘yung bombang sumasabog sa puso ko. Halo-halo na ang lahat sa utak ko.
"Xyrus, nag-aalala na ako kay Hanna. Kanina pa siyang wala sa hospital room niya. Sabi niya, magpapahangin lang siya sandali, pero hanggang ngayon, hindi pa rin siya bumabalik. Nag-aalala na ako sa kaniya. Pahanap na siya, please!" natataranta at paos na saad ni mama.
Nang hindi niya ‘ko marinig na magsalita, ilang beses niya ring tinawag ang pangalan ko sa kabilang linya, pero parang hindi ko mahanap ang boses ko. Hindi ito makalabas, dahil ba si mama ang kausap ko? Nang magawa ko ng magsalita, hindi ko magawang matawag na mama ang kausap ko. Dahil ba, ako talaga ‘yong Xyrus na masama at kinamumuhian siya? Pero, bakit ngayon... hindi na 'yon ang nararamdaman ko?
Kahit saan ko tingnan, mahal na mahal ni Xyrus sa panahon na 'to ang mama niya.
"Sige po, hahanapin ko siya."
Ibinaba ko na ang tawag at ibinulsa na rin ang kwintas na hawak ko. Sa ngayon, ang kailangan ko munang gawin ay hanapin si Hanna, pero saan? Saan ko siya hahanapin?
To be Continued...
BINABASA MO ANG
TIME MACHINE
FantastikMaraming proseso ang pagdaraanan nito. Kung handa ang utak mo... tara, samahan mo akong tapusin ang paglalakbay ng ating bida, ngunit kung hihinto ka rin sa kalagitnaan, huwag mo ng simulan. Dalawa lang ang puwede mong pagpilian, magpatuloy o humint...