Bumuga ako ng hangin. Nakatayo ngayon si Hanna sa harap ko. Siguradong kanina niya pa akong hinahanap dahil pinili ko talagang hindi sumabay sa kaniya at hindi magpakita.May tumawag sa’kin mula sa likuran. "Chris Xyrus Salcedo." Paglingon ko, bigla na lang tumahimik ang paligid at huminto ang pagkilos ng mga tao. Inisip ko na nandito si Eleven kaya agad ko siyang hinanap sa paligid ko.
Isang bata ang papalapit sa akin at nakangiti. Nanlaki ang mga mata ko nang siya ay maalala ko. Siya ‘yung batang mukhang manika!
"I’m MC14, The Memory Collector," pakilala niya. Kumunot ang noo ko dahil hindi ko maintindihan ang sinasabi niya. "Mukhang hindi mo naiintindihan ang nangyayari. Wala bang binilin si Eleven o hindi mo binasa ang libro?”
“Ah, oo nga pala, parehas,” salita niya pa. “Matigas nga pala ang ulo mo kaya nandito ka sa mundong ginagalawan mo ngayon; mundong hindi mo ginusto pero binagsakan mo dahil sa pagiging makasarili mo."
Nainis ako sa sinabi ng batang ‘to. May halo pa iyong pang-iinsulto. Ano bang alam niya?
"Ikaw ang walang alam sa ginawa mo. Alam mo ba, ikaw ang selfish version ng milyon-milyong Xyrus sa mundo. Inagawan mo ng pagkatao ang isa mong ikaw. Ang Xyrus na nakita mo nung nakaraan na naglaho sa harapan mo ay...”
Bahagyang tumalim ang mga mata niya.
“…ang mabuting ikaw, ang mabait at mapagmahal na ikaw. Siya ang Chris Xyrus Salcedo na masayahin, mapagpatawad at marunong makuntento sa buhay. Dahil sa ginawa mo... ginulo mo ang balanse ng existence mo. Maraming magbabago. Magugulo ang kwentong binuo at mababago ang lahat, kaya magsisimula ulit ang pahina ng kwento mo rito… hanggang sa ika'y makalimot na sa dati mong ikaw."
Napalunok ako sa mga sinabi niya.
"Kahit saang panahon ka mapunta, hindi ka pwedeng magkaroon ng dalawang alaala. Kaya ang alaalang nabuo mo sa ibang panahon ay buburahin nang dahan-dahan at papalitan ng mga alaala sa bagong ikaw sa panahong ito. Iyan ay upang maisaayos ang balanseng ginulo mo, Xyrus."
Binuksan nung bata ang aklat na hawak niya kaya napaatras ako. Lumiwanag iyon kasabay ng mga alaalang hinihila sa aking buong katawan patungo sa librong nakabukas.
"Hindi, hindi mo pwedeng gawin ‘to!" bulalas ko. "Bumalik ako para mailigtas si Eyya! H'wag mong kunin ang natitirang alaala ni Eyya sa akin! Iyon na lamang ang tanging paraan upang mailigtas ko siya!” malakas kong sigaw. “Itigil mo na 'to!"
Napalingon ako sa paligid nang biglang mawala ‘yung bata. Bumalik na ang lahat sa dati; gumagalaw na ulit ang mga bagay at ang mga taong huminto. Naipikit ko ang aking mga mata dahil sa hilo at pagkalito. Hindi ko maintindihan ang nararamdaman ko at ang mga tumatakbo sa utak ko ngayon.
"Xyrus!"
Idinilat ko ang mga mata ko at nakita si Hanna sa harap ko. May lungkot sa kaniyang mga mata katulad ng madalas kong nakikita. "Bakit?” tanong niya. “Nalilito ako. Maraming tanong sa utak ko. Anong ibig sabihin ng ginawa mo kahapon kay Eyya? Bakit niyakap mo siya sa harap ko? Bakit ka umiiyak at humihingi ng tawad? Nagsisisi? Ano bang nangyayari sa’yo?"
Kunot-noo akong tumingin kay Hanna. "Eyya? Bakit ko naman siya yayakapin at bakit ako iiyak?"
Natawa ako, pero may biglang nag-popped up sa aking isip. Nang maalala ko ang ginawa ko kahapon, hindi ako makapaniwala na ginawa ko ‘yun mismo sa harap niya.
"Ano ba, Xyrus?! Hindi na ako natutuwa sa ginagawa mo!" bulalas niya habang nakatitig nang diretso sa mga mata ko. Lalong humigpit ang pagkakakuyom niya sa kaniyang kamao at mahahalata mo sa mukha niyang namumulala na siya sa sobrang inis. "Nasasaktan na ako, sumasakit na itong puso ko! Bakit ka ba nagkakaganiyan?!"
Natigilan ako nang makita ko ang sunod-sunod na pagtulo ng luha niya. Nakaramdam ako ng pag-aalala at takot sa biglaan niyang pag-iyak. Inaalala ko na baka bigla na lang umatake ang sakit niya kapag nagpatuloy ang emosyong nararamdaman niya. Lumapit ako sa kaniya at niyakap siya nang mahigpit. "I'm sorry sa ginawa ko. Pangako, hindi ko na 'yon uulitin pa. I'm sorry, Hanna."
"Maibabalik na rin kita, Eyya. Mabubuhay ka na. Magagawa ko ng baguhin ang nakaraan."
Bigla na lamang akong natigilan no’ng sumagi rin ang alaalang iyon sa isip ko.
"Ahhhhh!" sigaw ko nang biglang sumakit ang ulo ko.
Nabitawan ko si Hanna at mahigpit kong hinawakan ang sintido ko dahil sa matinding pagkirot nito. Hindi ko maaaring makalimutan si Eyya nang tuluyan. Hindi ako para sa lugar na 'to! Hindi!
"Ahhhhhhh!" sigaw ko pa.
Nahihilo akong napaupo sa sakit.
Bumubuka ang bibig ni Hanna subalit hindi ko siya marinig dahil sa sobrang sakit ng ulo ko. Ang daming mga alaala sa utak ko. Hindi ko na alam kung ano na ba ang totoo.
Matapos ang nangyaring iyon, napagdesisyunan namin ni Hanna na huwag ng pag-usapan ang mga nangyari at kalimutan na lang para hindi na lumaki pa ang problema. Nilingon ko siya sa tabi ko, wala pa rin siyang imik.
Kahit siguro takasanan namin iyon at huwag ng pag-usapan, malaki pa rin ang epekto nun sa relasyon naming dalawa. Unti-unti kong nararamdaman ang paglayo ng loob namin sa isa't isa. Gusto ko siyang kausapin para sabihin ang totoo ngunit hindi ko alam kung paano ko sisimulan.
Hindi ko naman pwedeng sabihin na ibang Xyrus ang kasama niya, na galing ako sa ibang existence. Magmumukha lang akong baliw kung magpapaliwanag ako. Ang kumplikado ng sitwasyon ko, sitwasyon naming lahat.
Napatigil kami sa paglalakad nang makasalubong namin sina Eyya at Roi. Nakita ko ang biglang pag-iwas ng mata ni Eyya sa'kin. Bigla akong nakaramdam ng kirot sa dibdib ko at hindi ko magawang maialis ang mata kong nakatitig sa kamay nilang magkahawak.
"Xyrus, sama ka sa practice mamaya," nakangiting paanyaya ni Roi sa'kin. "Ilang araw ka na kasing hindi nagpa-practice. Hinahanap ka na ni coach at ng buong basketball team."
Nakakainis! Kinuha ng batang ‘yon ang mga alaala ko, pero ano dun? Naaalala ko pa rin si Eyya. Gulong-gulo na ako. Baka dahan-dahan lang na mawawala sa isip ko iyon, at darating ang oras na makakalimutan ko na talaga si Eyya.
Napapailing ako nang naiinis. Anong pwede kong gawin? Bakit? Ayokong makalimutan si Eyya, ayoko! Siya ang dahilan ko kung bakit ginusto kong baguhin ang nakaraan.
"Hanna!" Napalingon ako kay Hanna nang marinig ko ang boses ni Eyya. Dun ko lang napansin na nakahawak na naman si Hanna sa dibdib niya.
"Hanna, nahihirapan ka na naman bang huminga? Ayos ka lang ba?" nag-aalala kong tanong sa kaniya.
Lalong humigpit ang hawak niya sa kaniyang dibdib hanggang sa tuluyan na siyang bumagsak. "Hanna!" bulalas ko.
To be Continued...
BINABASA MO ANG
TIME MACHINE
FantasíaMaraming proseso ang pagdaraanan nito. Kung handa ang utak mo... tara, samahan mo akong tapusin ang paglalakbay ng ating bida, ngunit kung hihinto ka rin sa kalagitnaan, huwag mo ng simulan. Dalawa lang ang puwede mong pagpilian, magpatuloy o humint...