Habang naglalakad ako sa corridor, iniisip ko pa rin ang panaginip ko. Hindi pa rin maalis sa isipan ko ‘yung panaginip na 'yon, kaya sobra akong nag-aalala. Hahanapin ko si Eyya. Hangga't hindi ko siya nakikita sa harap ko, hindi ako mapapanatag.
Pinagtanong-tanong ko si Eyya, pero walang nakakaalam kung nasaan siya. Ilang beses ko rin siyang tinawagan pero nakapatay naman ang cellphone niya. Pinuntahan ko siya sa classroom niya pero wala rin siya, pati na si Jude. Siguro, magkasama silang dalawa at nagdi-date sa kung saan. Nakaramdam ako ng inis pero nanatili pa rin ‘yung kaba sa dibdib ko. Hindi ko makuhang maging kalmado. Iba kasi ang kutob ko.
Pagkarating ko sa gym, nakita ko roon sina Bricks na nagpa-practice pero hindi naman pumunta si Eyya rito, kaya lumabas ako para hanapin pa rin siya sa ibang lugar. Nagtataka nga sila sa ikinikilos ko pero hindi ko na inisip ‘yun dahil para na akong masisiraan.
Sa pagod ko, napaupo na lang ako sa bench. Napalingon ako sa babaeng umupo sa tabi ko; may suot itong itim na sumbrero pagkatapos ay ngumiti siya sa'kin. Nainis lang ako na makita na naman ang mangkukulam na 'to. Siya ‘yung pumutol sa tali ng duyan ko.
Naisip ko ng tumayo para maghanap ulit. Hindi pa man ako nakakalayo sa inupuan ko nang maramdaman kong nag-vibrate ang cellphone ko. Agad ko iyong kinuha at nakita ang numero ni Roi na nag-register sa screen.
Wala sana akong balak sagutin pero bigla kong napindot ‘yung answer button. Kumibo ang kilay ko sa pagtataka. Para bang may ibang pumindot no’n.
"Mamaya ka na nga tumawag, Roi. May hinahanap ako."
"Xyrus!" Nung marinig ko ang bungad niya sa akin, bigla akong kinabahan. "Nandito kami sa ospital ngayon."
Lalong tumindi ang kabang nararamdaman ko, umaasang mali ang iniisip ko.
"Anong nangyari? Sinong kayo at bakit nandiyan kayo?" taranta kong tanong.
"Xyrus si, si Eyya--Si Eyya, kritikal ngayon! Naaksidente siya!”
Nanlaki ang mga mata ko sa sinabi ni Roi. Hindi ko agad nagawang makapagsalita.
"Xyrus, ikaw ang hinahanap ni Eyya ngayon."
"Paano? Paanong naaksidente siya?!"
"Matapos niya kasing makausap si Annia, bigla na lang siyang nagmadaling umalis. Hinabol ko siya para tanungin, kaya lang, hindi niya nakita ‘yung paparating na sasakyan. Bigla na lang siyang tumawid. Xyrus, mamaya ko na ipapaliwanag ‘yung ibang detalye, pumunta ka na lang dito sa Sta. Luisa Hospital! Bilisan mo na lang baka, baka kasi..."
Eyya!
Pagkapatay ko sa tawag, dali-dali na akong tumakbo.
Eyya, tatagan mo ang loob mo. Alam kong malakas ka. Hintayin mo lang ako. Sa pagkakataon na ‘to, pangako, darating ako... Please, h'wag mo akong iiwan nang ganito. Please! ‘Wag kang susuko. Babawi pa ako. Babawi pa ako sa’yo!
Habang tumatakbo, panay ang pagtulo ng luha ko. Kanina lang ito, ‘yung sobrang kinatatakutan ko, ngayon ay nangyari na. Sa sobrang pag-aalala ko hindi ko magawang ikalma ang sarili ko. Panay ang punas ko sa luhang bumabasa sa pisngi ko dahil na rin sa takot at pangamba na nasa kritikal na kondisyon si Eyya.
Hindi ko talaga mapapatawad ang sarili ko kapag nawala ang babaeng mahal ko.
Wala na akong pakialam kahit makita pa ako ng mga taong makakasalubong ko na umiiyak sa daan. Wala na rin akong pakialam kung sino man ang mabangga ko o kung sino man ang matapakan ko. Ang tanging laman lang ng utak ko ngayon ay si Eyya. SIYA LANG!
PAGKARATING ko sa ospital, dumiretso agad ako sa direksyon ng emergency room. Napahinto ako sa pagtakbo nang makita ang mga mukha ng mga nandoon. Ang lahat ay parang pinagbagsakan ng langit at lupa.
Kahit hingal na hingal at pawisan ako, hindi ko iyon pinansin, lumakad pa rin ako papalapit sa kanila pero palakas nang palakas ang pag-iyak na naririnig ko. Lalo lang kumalabog ang puso ko sa pagtangis na 'yon. Hindi ko na alam kung anong mararamdaman ko, halo-halo na… takot, lungkot, pag-aalala, at nerbyos.
"Xyrus," malungkot na tawag sa'kin ni Roi.
"Asan si Eyya?" walang paligoy-ligoy kong tanong.
Humawak lang si Roi sa balikat ko kasabay ng pag-iling. Nanlambot ang mga tuhod ko. Hindi pa siya nagsasalita, subalit nasasaktan na ako nang sobra. "Wala na siya, Xyrus. Nahuli ka na!"
Mabilis na uminit ang mga mata ko at napuno iyon ng luha at maging si Roi ay umiiyak na rin.
"Hindi! Buhay pa si Eyya! Roi, sabihin mo, buhay pa siya, na nagkamali ka lang ng mga sinabi. Pakiusap!" malakas kong pagmamakaawa, pero umiling lang ulit siya habang nakayuko.
Ayaw kong maniwala, kaya itinulak ko siya at tumakbo sa loob ng E.R. Nakita ko roon ang mama ni Eyya, nakaupo sa sahig at iyak nang iyak. Nanlulumo akong naglakad palapit sa hospital bed. Dun ay nakita ko ang wala ng buhay na si Eyya.
Umiiyak kong hinawakan ang kamay niya. Sa sobrang lamig nun, pakiramdam ko, huminto ang mundo ko sa pag-ikot, parang tumigil ang oras sa maingay na mundong ginagalawan ko at parang ang lahat ay nanahimik. Bumalik sa isip ko ang lahat ng alaala namin mula umpisa at saka ko lang naisip, wala pala akong magandang alaalang iniwan sa kanya. Lahat 'yon, puro pasakit at pagdurusa.
Patawad Eyya!
Hinalikan ko ang kamay ni Eyya at pagkatapos ay nanlulumo akong tumalikod. Walang laman ang isip ko. Parang ayaw pa ring mag-sink in sa isip ko ng mga nangyari. Parang natutulog lang siya, at bukas... makikita ko na ulit siya.
Patawad kung nahuli ako, Eyya!
Paglabas ko, namataan ko si Annia, nakayuko at nakaupo sa isang bleacher. Nanggigigil ko siyang nilapitan at mariing hinawakan sa magkabilang braso. Tulala siya nun at wala ring tigil sa kaiiyak.
"Anong sinabi mo kay Eyya?! Ano?!"
"I'm sorry, Xyrus. Hindi ko alam na aabot ang lahat sa ganito!" saad niya habang patuloy sa paghikbi.
"Nangyari na! Ano pang magagawa ng sorry mo, Annia?!” sigaw ko. “Maibabalik pa ba ng sorry mo ang buhay ni Eyya?!"
Lumapit sa'kin si Roi para awatin ako pero ayaw ko talagang bitiwan si Annia.
"Alam kong walang kapatawaran ang nagawa ko. At hindi ko rin mapapatawad ang sarili ko sa nangyari. Patawad, Xyrus! Ang gusto ko lang naman ay ang kamuhian ka ni Eyya pero nang malaman niya iyong tungkol sa mama mo, kabaliktaran ang nangyari. Ikaw agad ang hinanap niya. Hanggang sa huli, mahal na mahal ka pa rin ni Eyya at handa siyang magsimula sa umpisa na kasama ka Xyrus. Iyon ang dahilan kaya siya nagmamadaling umalis kasi gusto ka niyang hanapin. Xyrus, I'm sorry. Hindi ko dapat ginawa iyon, hindi ko intensyon na mapahamak siya. Sorry!"
Humahagulgol lalo si Annia sa harap ko hanggang sa dahan-dahan na siyang bumagsak sa sahig.
Lalo kong hindi napigilan ang sunod-sunod na pagbagsak ng luha ko nang marinig ang mga sinabi niya. Umasa ‘kong magiging ayos ka lang, Eyya. Nagdasal ako, pero hindi sapat. Sabi ko, okay ka lang, na pagdating ko rito, makikita na ulit kitang nakangiti at sasabihin mong... HINIHINTAY MO AKONG DUMATING KANINA PA.
Sabi ko, hihingi na ako ng tawad sa’yo at sasabihin ko kung gaano kita kamahal, na aayusin ko na ‘yung sarili ko, magbabago na ako.
Paano pa ako babawi ngayon?! Paano ko pa ipaparamdam sa’yo ang pagmamahal ko? Ano ng gagawin ko?
SORRY, EYYA!
SORRY!
To be Continued...
BINABASA MO ANG
TIME MACHINE
FantasyMaraming proseso ang pagdaraanan nito. Kung handa ang utak mo... tara, samahan mo akong tapusin ang paglalakbay ng ating bida, ngunit kung hihinto ka rin sa kalagitnaan, huwag mo ng simulan. Dalawa lang ang puwede mong pagpilian, magpatuloy o humint...