MATAPOS nilang maikasal ay dinala siya ni Alaric sa napakalaking bahay nito. Kung malaki ang bahay nila Alden ay mas malaki ang bahay ni Alaric. Mga apat na beses siguro ang nilaki ng bahay nito kila Alden.
Dalawang linggo na silang kasal. Sa loob ng dalawang linggo na iyon ay wala si Alaric, umalis ito para asikasuhin ang ilan sa negosyo nito sa ibang bansa. At dahil do'n ay masaya siya!
Para sa kanya na naikasal sa lalaki na hindi naman niya mahal ay malaking tuwa talaga iyon sa parte niya. Para pa rin siyang walang asawa at nagagawa ang lahat ng gusto niya. Kinasal lang sila sa papel at walang bawal o dapat gawin dahil wala naman silang pagmamahal sa isa't isa.
Umiindak ang katawan niya sa bawat tugtog ng musika. Nasa club sila ngayon ng mga kaibigan niya. Ito ang unang beses na nagpunta siya sa ganitong lugar.
Kung dati ay tumatanggi siya, hindi na ngayon.
Susulitin niya ang buhay at kalayaan niya mula ngayon. Tutal ay hindi naman siya naikasal sa lalaki na pangarap at mahal niya, bakit siya magpapakabutihing asawa, 'di ba?
"I told you, Pamela! This is sooo fun!" sambit ni Vera na kaibigan niya. Nilakasan pa nito ang boses para marinig niya.
"Fun mo mukha mo, Vera! Alam mo na nga na may asawa na iyang si Pamela, niyaya mo pa!" malakas din ang boses na sabi ni Nikka. Tutol ito sa pagsama niya sa mga ito nang niyaya siya ni Vera.
"Masaya kaya!" Tumatawa na binangga niya ang pang-upo ni Nikka kaya gumanti ito sa kanya. Nakisali na rin sa kanila sina Vera at Yuri kaya para silang mga bata.
Hindi nila kasama si Lira, tumanggi ito na sumama dahil ramdam nito na hindi ito gusto ng mga kaibigan na kasama niya ngayon. They don't like Lira and she doesn't know why.
"Try this one, Pamela. This is great—"
"Anong great d'yan, Vera? E, ang sama kaya ng lasa niyan!" Nakabusangot na tumingin si Nikka sa alak na inabot ni Vera sa kanya.
"It's great because it's nakakalasing! 'Di ba!" kalog na sabi ni Yuri.
Nag-cheers silang apat at sabay-sabay na tinungga ang alak. Dalawa sila ni Nikka na napangiwi.
"Yawa, ang pait!"
Nagkatawanan sila sa sinabi ni Yuri.
"Hi there, girls!" Sabay silang napalingon sa lalaki na bumati sa kanila at sabay-sabay rin na napa-ohh.
Ang gwapo kasi. Kung dati ay hindi naman siya mahilig tumingin sa gwapo, syempre hindi na ngayon. Wala na sila ni Alden at wala naman silang pakialamanan ng asawa niya. Kaya wala naman sigurong masama na makipagkaibigan sa mga gwapo, tulad ng lalaki na narito sa harap nila ngayon.
Ilang beses siyang kumurap. Lasing na siya pero namumukhaan niya ang lalaking ito. Isa ito sa mga kaibigan ni Alaric! Isa ito sa nakita niya noon sa opisina nito.
Nakapagtataka naman na nakangiti ito ngayon habang nakikipag-usap kay Yuri. Sigurado siya na hindi ito ngumiti nang makita niya noon.
Binaling niya sa ibang direksyon ang mukha niya at hinarang ang palad sa mukha para hindi siya nito mamukhaan. Sunod-sunod siya na tumungga ng alak kaya lalong umikot ang kanyang paningin.
Hindi siya tumanggi nang hinila siya ulit nina Vera at Nikka sa gitna ng dance floor. Daig pa nila ang wild na babae na nakawala sa hawla habang nagsasayaw nang nagsasayaw. Pinagkaguluhan si Vera ng mga lalaki dahil ito ang 'The Most Perfect' sa kanilang magkakaibigan.
Napangiti siya nang may lalaki na lumapit sa kanya at nakipagsayaw rin. Halos idikit nito ang katawan sa kanya kaya lalo niyang pinag-igihan ang pagsayaw at ginilingan ito.
Tumalikod siya rito at gumiling. Kumunot ang noo niya nang humawak na ang lalaki sa baiwang niya at hinila siya saka idinikit ang pang-upo niya sa matigas na bagay. Kahit nahihilo siya ay pilit niyang inalis ang kamay nito sa baiwang niya pero matigas 'yon at mahigpit ang hawak kaya hindi niya naialis iyon.
"Bitiw, tukmol!" Tuluyan na siyang nagalit nang dinikit na ng lalaking nasa likuran niya ang mukha sa leeg niya.
"Anong ginagawa ng asawa ko sa ganitong lugar?"
Nanlaki ang mga mata niya at pilit na nilingon ang may-ari ng pamilyar na boses na iyon. Hindi nga siya nagkamali. Si Alaric ang nasa likod niya!
Binitiwan siya nito kaya agad na lumayo siya rito.
"Hey, man! Bakit ka nang-aagaw ng chick—" Natigil ang lalaki na kasayaw niya kanina sa pagsasalita nang nilingon ito ni Alaric.
"M-Mr. Martin—"
"This is my woman and she's my wife," madilim ang mukha na sabi ni Alaric sa namumutla na lalaki. Saka lang niya napansin na tumigil na pala ang tugtog at lahat ay nakatingin sa kanilang mag-asawa. Paglingon niya sa Dj ay katabi na nito ang lalaki na kausap kanina ni Yuri. Nakangisi itong nakatingin sa kanilang mag-asawa.
"Uuwi na tayo." Nauna nang naglakad si Alaric sa kanya. Hindi siya gumalaw sa kinatatayuan. Sino ba ito? Bakit siya susunod?
"Ayoko pang umuwi," matigas na tanggi niya. "Hindi ako uuwi dahil lang sinabi mo!"
"Talaga ba, Pam?"
Matapang siyang tumango. "Basta hindi ako uuwi! Bahala ka sa buhay mo!"