3:19 a.m., February 24, Manila

78 6 0
                                    

3:19 a.m., February 24, Manila

Step 1: Humanap ng pwesto slash tindahan na malakihan ang benta.

Habang naglalakad sa gitna ng maputik at madilim na lansangan ng isa sa pinakadinadayong palengke sa Maynila, 'di ko maiwasang yakapin ang sarili. 'Di pa nakuntento, hinaplos-haplos ko pa ang magkabila kong braso. Pero sa sobrang lamig ng bawat hampas ng hangin sa balat ko, ni katiting, 'di man lang ako nakadama ng init. Anak ng tokwa. Ba't ba kasi ang aga-aga magising ng mga tao rito?!

Nakasimangot akong huminto sa paglalakad at pagsisipat ng paligid. Imbes na ipagpatuloy ang paghaplos sa mga braso, napameywang na lang ako't napabuga ng hangin. Kitang-kita ko pa nga ang usok na lumabas sa pagitan ng face mask ko galing sa bibig ko dahil sa lamig ng paligid. Sa sandaling 'yon, nakakuha ako ng aliw. Sa sandaling 'yon, nawala sa isip ko kung pap'ano ko pandidirihan ang sarili ko mamaya. Nandito ka na, Kiestalyn. Wala na 'tong atrasan.

Pinagmasdan ko ang mga nasa paligid ko. Dahil open air ang palengke, tanaw ko ang lawak nito. May ilang pwesto na dikit-dikit, may ilang lame-lamesa lang, at ang iba'y sarado pa. Mga tamad! Malapit na mag-a las cuatro, anong petsa sila magsisipag-ayos ng paninda?

Napailing-iling ako. Umayos ako ng tindig at nagsimula na lang ulit sa paglalakad. Kaliwa't kanan, may mga boy akong nakakasalubong na sako-sako o 'di kaya'y crates ang bitbit, ang iba nama'y may tulak-tulak na karitong punong-puno ng paninda. May mga natiyempuhan pa nga 'kong walang face mask. Tsk. Kapag sila nahuli, yare sila.

Iniwas ko ang tingin ko't nagpokus sa bawat pwesto. Kapansin-pansin na tanging tag-iisang bumbilya lang ang nagsisilbing ilaw ng ilan. Pero 'yong iba? Yayamanin eh! Dala-dalawa pa 'yong fluorescent tube nila. Sayang naman at sobrang liwanag! Parang maganda pa naman ang pwesto dahil mukhang malaki ang bentahan. Makiki-sana all na lang ako! Sana all, mayaman, 'di ba?

Malungkot akong napangiti at saka nagpatuloy sa pagsuyod sa palengke. Marumi na nga, ang baho pa. Lintik na 'yan. 'Di ko na alam kung amoy pa ba ng hasang, pusit, dugo ng baboy, putik, o tae na ng aso ang sumusuot sa face mask ko. Basta, mabaho. Tapos!

Muli akong napahinto sa paglalakad nang matanaw sa 'di kalayuan sa may kanan ko ang magkakatabing pwesto na halos pare-pareho ang tinda— frozen food products. Bahagyang napaawang ang mga labi ko nang mapagtanto kung g'ano karami ang mga paninda nila. Mukhang mga big time ah? Napangisi ako. After so many years, nakahanap din...

Sino ka sa Pandemya?Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon