4:14 a.m., February 24, Manila

13 6 0
                                    

4:14 a.m., February 24, Manila

Para akong binuhusan ng malamig na tubig dahil sa narinig. 'Di ko alam kung anong gagawin ko. Para na 'kong napako sa kinatatayuan ko. Kahit ang pagkurap, 'di ko na magawa dahil sa bilis ng tibok ng puso ko't panginginig ng mga tuhod ko. Humihinga ka pa ba, Kiestalyn?

"Miss?" tawag muli sa 'kin ng lalaki mula sa likuran ko.

Nag-iisip na 'ko ng paraan kung p'ano 'ko makakatakas nang huminto siya sa may kanang gilid ko. Nang 'di gumagalaw, sinilip ko siya mula sa peripheral vision ko. Nakahinga rin ako nang maluwag nang mapagtantong 'di siya 'yong lalaki kanina. Thank heavens. Indeed.

Kahit nanginginig pa rin ang buo kong pagkatao, parang walang nangyari nang lingunin ko siya. Nag-inhale muna 'ko bago ko siya tinanong sa pinalaki kong boses, "Bakit po?"

Napakamot siya sa ulo niya, halatang nag-aalinlangan. "Nauna kasi talaga 'ko, nagpaalam lang ako sandali kay kuya," nahihiya niyang imporma sa 'kin. Napatingin naman ako sa driver na nasa harap. Natatawa niyang kausap sa lalaki, "Tagal mo kasing bumalik. Sayang ang biyahe."

Napatango-tango ako. Binalik ko rin ang tingin ko sa lalaki. Kahit labag sa loob, pagpayag ko, "Sige po." Hula kong napangiti siya dahil sa pagsingkit ng mga mata niya. Aniya, "Salamat!"

'Di na 'ko umimik, gumilid na lang ako. At sa sandaling paghihintay ng masasakyan, may dumating din na habal-habal sa tapat ko na nagpangiti sa 'kin. I feel relieved now...

"S'an ka, miss?" tanong ng driver, muntik ko ng 'di marinig dahil sa kapal ng mask niya, isama pa ang helmet. Ganap na ganap si kuya ah? Yayamanin pa ang brand ng jacket!

"Sa ospital po sa Gelinos Street," sagot ko sa malaki pa ring boses, pinipigilan ang ngiti.

Pagkaabot niya sa 'kin ng helmet, dali-dali ko 'yong sinuot. Nang matapos, marahan na 'kong umangkas, sinisigurado na wala akong mahahawakan na kahit ano rito.

Dahil madaling-araw pa lang at wala pa masyadong sasakyan sa lansangan, wala pa atang sampung minuto, nakarating na kami sa destinasyon ko. Sa kanang gilid namin ay ang may kataasang kulay puti at asul na ospital.

Bumaba na 'ko sa motor sabay tanggal ng helmet ko. Pagkabayad ko, umalis din naman siya. Bago lumakad, sinipat ko muna ang lugar. Nang masiguradong walang ibang tao, dumako na 'ko sa gilid na bahagi ng ospital. Sa tambakan ng mga basura, naabutan ko pa r'on ang iniwan kong itim na supot. Thank heavens. Tanggal na talaga ang kaba sa puso ko ngayon.

Nilapitan ko ang supot at saka dinampot. Parang walang nangyari, naglakad na 'ko papunta sa loob ng ospital. Sumalubong naman sa 'kin ang maliwanag na paligid at ang lamig na nanggagaling sa aircon. Amoy alcohol ang loob, the usual smell of a hospital. Nang mapansin ang isang nurse na nakaupo sa receiving desk, bahagya ko siyang nilapitan. Sa malambing na boses, bati ko sa kaniya, "Good morning po. Sa second floor po ako."

May ilan siyang binanggit— paalala para maiwasan daw ang pagkalat ng virus. Tango lang ako nang tango. Nang matapos siya sa SONA niya, umalis na 'ko't dumiretso sa kanang pasilyo. Hinanap ng mga mata ko ang CR na nasa kanan ko lang pala. Dali-dali akong pumasok sa loob.

Binaba ko muna ang dala kong supot sa lababo. Sa bandang itaas nito'y may salamin. Kita ko r'on ang kabuuan ng katawan at mukha ko. Mapakla akong napangiti. Nakakadiri ka, Kiestalyn.

Hinubad ko ang suot na face mask sabay tapon nito sa basurahan. Dali-dali kong binuksan ang gripo para maghilamos. Mariin ang bawat lapat ng kamay ko sa magkabila kong pisngi, pilit tinatanggal ang dumi rito. Pero kahit anong gawin ko, ang dumi-dumi ko pa rin.

'Di ko alam. Ang bigat ng kalooban ko. Sobrang bigat kung tutuusin. 'Di ako masaya sa ginawa ko. Pero importante pa ba ang nararamdaman ko? Kung may mas importanteng bagay rito?

Inangat ko ang tingin ko sa salamin para pagmasdahan ang hitsura ko. Makakapal na kilay, pangong ilong, mapupulang labi. Ang ganda nga sa labas, pangit naman ng kalooban.

Yumuko akong muli para ipagpatuloy ang paghihilamos. Nang maramdamang nangangalay na ang mga kamay ko't masakit na rin ang mga pisngi ko, tumigil na 'ko. Pinatay ko na ang gripo. Hinubad ko ang suot kong T-shirt at saka pinampunas ang loob na bahagi nito sa mukha ko. Nang matuyo na ang mga pisngi, pinatong ko na sa lababo ang hawak.

Nagpalit ako ng sweater na nasa loob ng supot na bitbit ko. Pinalitan ko rin ang maong shorts ko ng jogging pants. Hinubad ko rin ang marumi kong tsinelas upang isuot ang lumang rubber shoes. Kumuha rin ako ng cloth mask sa loob ng supot para gamitin. 'Yong de papel kong vaccine card, nilagay ko na lang sa likurang bulsa ng suot kong jogging pants.

Nang matapos, pinasok ko na lahat ng gamit sa supot. Pagkabuhol nito, hinubad ko naman ang tali ko. Ginawa na lang 'yon na bracelet at naglakad na papunta sa pinto. Pagkapihit ng door knob, lumabas na 'ko. Parang ibang ako.

Natigilan lang ako sa paglalakad nang mapansin ang isang lalaki na nasa tapat ko— 'di siya gumalaw paalis, nakasandal lang siya sa pader habang magkakrus ang mga braso. Lintik na 'yan. Anong trip niya? Oo, gwapo siya, matangkad, may kalakihan ang katawan, semi-kalbo, kulay abo ang hapit na hapit na V-neck shirt, at naka-cargo pants. Pero wala akong pakialam.

Kahit naiirita, malambing kong saad, "Excuse me." Ambang dadaan ako nang harangan niya 'ko. "I saw you..." aniya sa seryosong tono na nagpataas sa mga balahibo ko.

Sino ka sa Pandemya?Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon