3:52 a.m., February 24, Manila
Step 4: Siguraduhing akma ang hitsura at suot-suot.
Naglakad na 'ko pabalik sa target kong pwesto. Sinigurado kong tanda 'ko ang bawat liko na ginagawa ko. Habang palapit nga lang ako nang palapit sa target ko, palamig din nang palamig ang mga kamay ko. Pati 'yong kalamnan ko, nanginginig na ata sa kaba. Kanina, chill pa 'ko; ngayon, may chance pa atang umurong ang mga paa ko. 'Wag ka ngang duwag, Kiestalyn.
Umiling-iling ako para gisingin ang sarili. Sakto naman, may napansin akong tambakan ng mga sirang gamit sa may kanang gilid ko. Lumiko ako r'on para tumambay at magtago muna. Dahil dead end 'to, malayo 'to sa atensyon ng mga tao. Masikip, amoy bulok, madilim. Tanging kakurimpot lang na sinag ng ilaw mula sa 'di kalayuang mga tindahan ang nagsisilbing liwanag.
Napahinto ako sa tapat ng malaking kulay puting TV— parang nakipaglabanan sa giyera, ligong-ligo sa kulay pulang likido. Ito ata 'yong mga tipo ng TV n'ong taong 2000? 'Di man lang 'to na-dispose nang maayos. Tsk. Naiiling akong umupo sa tuktok ng TV.
Bumaba ang tingin ko para pagmasdan ang suot ko. Maluwag na kulay tsokolateng T-shirt. Hapit na maong shorts. Lumang tsinelas. Exposed kung exposed ang makinis at kayumanggi kong balat. Kinapa ko naman 'yong ulo ko. Maayos pa rin naman ang pagkaka-bun ng mahaba't manipis kong buhok. Huli kong ginawa, sinuri 'yong magkabilang elastic cord ng face mask ko na nakasubit sa mga tainga ko. Maayos din.
Napahinga ako nang malalim. May lumabas muling usok mula sa pagitan ng face mask ko. Pero 'di tulad kanina, halos amoy tuyot na ang hininga ko. Napalunok tuloy ako ng laway nang wala sa oras. Kumalma ka, Kiestalyn. Sandali na lang 'to. Sana mahintay niya 'ko. Pauwi na 'ko.
BINABASA MO ANG
Sino ka sa Pandemya?
NouvellesBuhat ng pandemya at mas lumalalang kahirapan, isa si Kiestalyn sa milyon-milyong Pilipino na tinatakbuhan ng oportunidad; bilang kasagutan, tinahak niya ang isang landas na sigurado siyang pagsisisihan niya sa huli- sa sandaling iyon, iba't ibang t...