"Nia buti naman nandito ka na, pahingi naman ako ng pera natalo ako sa sugal kanina. Ang malas talaga!" Bungad sa 'kin ni mama pagkapasok na pagkapasok ko sa bahay.
Bumuntong hininga ako at patuloy na pumasok sa loob. Hindi ko na pinansin ang sinabi niya dahil hindi ko alam kung paano sasabihin na wala pa kaming sahod. Paniguradong bugbog na naman ang aabutin ko.
"Bingi ka ba?! Ang sabi ko pahingi ako ng pera!"
Napapikit at napapitlag ako sa bigla niyang pagsigaw. Nararamdaman ko ang presensya niya sa likod ko.
"Wala pa po akong sahod, ma."
"Sinungaling! ayaw mo lang ako bigyan. Napakadamot mo talagang bata ka, wala kang utang na loob!" Kinuha niya ang bag ko at hinalughog ito. Basta lang niya binabagsak sa sahig ang nakukuha niya sa loob n'on.
Nang wala siyang nakita ay lumapit siya sa 'kin at marahas na kinapkapan ako. Pilit kong sinasalag ang mga kamay niyang dumadapo sa iba't ibang parte ng katawan ko dahilan para masira ang damit ko.
"Ma, ano ba?! Nahuhubaran na 'ko!" Iyak ko habang patuloy pa rin sa pagpigil sa kanya.
"Wala akong pakialam!" asik niya at pinagpatuloy ang ginagawa. Wala siyang pakialam kung masaktan o mahubaran man ako.
Sa sobrang hina at pagod dahil sa trabaho at pag-iyak ay hinayaan ko na lang siyang sirain ang damit ko at kung ano pang gusto niyang gawin sa katawan ko.
Saka lang siya tumigil nang wala siyang nakapkap. Marahas siyang bumuntong hininga at napasabunot sa buhok niya dahil sa pagkainis habang ako ay niyakap ang aking halos hubad na katawan. Gumapang ako nang kaunti upang kunin ang kumot na nasa upuan at ibinalot ito sa aking sarili.
"Napaka-malas mo talagang bata ka. Hayop ka, hayop!"
"Ako ba talaga ang hayop ko ikaw?" bulong ko sapat na marinig niya.
Agad na dumapo ang kamay niya sa magkabilang pisngi ko. Pakiramdaman ko ay namanhid ang buong mukha ko dahil sa sampal na 'yon pero wala akong maramdaman na sakit.
Napatawa ako ng mahina. Namamanhid na ako at hindi na kataka-taka 'yon.
"Sa edad na pitong taong gulang, nagtatrabaho na 'ko para mabuhay tayong dalawa na dapat ikaw ang gumagawa. Hindi ako nakapagtapos kahit elementarya dahil wala tayong pera na dapat ikaw ang naghahanap. Pumayag . . ."
Kahit na nanghihina ang mga tuhod ko ay pinilit ko pa ring tumayo at inayos ang pagsasalita sa kabila nang matinding pagluha. Gusto kong makita niya ang itsura ko, ang sakit sa mga mata ko habang nagsasalita ako.
Walang emosyon ang kanyang mga matang nakatitig sa akin at pinapakinggan ang mga sinasabi ko.
"P-Pumayag akong ibenta mo ang katawan ko dahil umaasa akong mamahalin mo 'ko, Ma. Pumayag akong maging bayaran kapalit ng pagmamahal mo! Sinira ko ang sarili ko para sa 'yo pero bakit hindi mo pa rin ako kayang mahalin?" Pumiyok ako sa huli kong sinabi.
Sa unang pagkakataon ay nasabi ko ang mga gusto kong sabihin. Sa unang pagkakataon ay nakita ko siyang umiiyak.
"Anak mo 'ko, Ma! Anak mo 'ko!" Hagulgol ako at unti-unti nang napaluhod.
Umiiyak siyang lumapit sa 'kin at niyakap ako.
"Mahalin mo naman ako," bulong ko.
"Patawad pero hindi ko kayang mahalin ang bunga ng panggagahasa sa 'kin."
Narinig kong sabi niya bago ako tuluyang lamunin ng dilim.
YOU ARE READING
The Wanderer's Anthology
RandomA compilation of the wanderer's imagination and feelings.