"Sa huli, apat na libo't tatlong daan at walumpu't anim ang nasawi at dalawampu't lima lamang ang nakaligtas."
Isinarado ko na ang libro pagkatapos ko itong basahin. Nakakalungkot, maraming tao ang nasawi dahil sa pagbangga ng Doña Paz noong 1986 sa isang barko ng langis. Kung sa Titanic ay namatay sa lamig ng dagat, sa Doña Paz naman ay nasunog at naluto nang buhay hanggang sa mamatay.
Ipinilig ko ang ulo ko para alisin iyon sa utak ko. Sasakay ako ng barko ngayon at hindi maganda para sa 'kin ang mag-isip ng negatibo. Ilang taon na akong nagtatrabaho at ito na ang pagkakataon na makakasakay ako sa pinapangarap kong barko.
Napaawang ang labi ko nang makapasok ako sa barko. Inilibot ko ang paningin ko at hindi ko maiwasan hindi matuwa. Sa palabas lang ako nakakakita ng ganito. Sobrang laki at linis.
Habang papunta sa aking silid ay nadaanan ko ang isang silid-aklatan. Napukaw nito ng atensyon ko. Ano kaya ang klase ng mga libro sa barko?
Sa kuryosidad ay pumasok ako. Sa unang hanay ng mga libro ay history, unang-una ang nangyari sa barkong Doña Paz, litrato ng dalawampu't limang nakaligtas. Kinuha ko ito at binuklat. Sa bawat pagtingin ko sa mga nakaligtas ay nakakaramdam ako ng pagkamangha at awa. Sobrang nakakatakot siguro para sa kanila ang karanasan na iyon 'no?
Taimtim akong nagbabasa nang may narinig akong nabasag. Nabitawan ko ang libro at napahawak sa aking dibdib. Nanlaki rin ang aking mga mata nang maramdaman kong parang may yumapos sa akin.
"Iha, ayos ka lang ba?"
Napaayos ako ng tayo nang marinig ang boses ng nagbabantay.
"Oho, ayos lang po ako," ani ko at napababa ng tingin sa plorera ng bulaklak na nasa lapag. Basag na basag ito, animo'y hinagis o binagsak talaga.
Umiling ako para iwaksi iyon sa aking isipan.
"Mabuti naman. Ipapalinis ko lang ito. Sana'y maging maganda ang pananatili mo rito." sambit niya. Sinuklian ko ito ng ngiti.
Bago pa siya tuluyang makatalikod sa akin ay nakita ko pa ang pagngiti niya sabay ng paghangin.
Inilapag ko sa sahig ang aking mga gamit at pabagsak na humiga sa kama. Napakalambot. Mamaya na lang siguro ako mag-iikot sa buong barko. Sa ngayon ay magpapahinga muna ako. Naghintay lang naman ako at bumyahe sa hindi kalayuan pero nanghina agad ako.
"Bakit mo ako iniwan,"
Napabalikwas ako sa pagkakahiga nang marinig iyon. Inilibot ko ang pangingin sa buong silid. Walang tao ngunit ang pintuan ng aking silid ay nakabukas. Napaawang ang aking labi. Imposible, sinarado ko ito kanina!
Tuluyan na akong napatayo nang may humalakhak. Nagsitayuan ang mga balahibo ko sa katawan at nagsimula nang humangin ng malakas. Umaalingawngaw ang halakhak niya sa buong silid ko.
"Bakit mo 'ko iniwan. Bakit mo 'ko iniwan," paulit-ulit na bulong niya. Parehong nararamdaman ng tainga ko ang hininga niya.
Hindi ko na nakayanan kaya kumaripas ako ng takbo palabas. Napaluhod ako at tinakip ang aking magkabilang kamay sa sa aking tainga.
"Tigilan mo 'ko! Layuan mo 'ko parang awa mo na!" sigaw ko.
"Binibini! binibini!"
Natahimik ako at dahan-dahang nag-angat ng tingin sa taong nasa harapan ko.
"Ayos ka lang ba? Anong nangyayari at sumisigaw ka?" malumanay na tanong niya.
Ibinaba ko na ang kamay kong nasa tainga ko at tumingin sa paligid. Bigla akong nahiya nang makitang lahat ng dumadaan ay nakatitig sa akin, pati na ang mga nasa kani-kanilang silid na.
YOU ARE READING
The Wanderer's Anthology
RandomA compilation of the wanderer's imagination and feelings.