Hindi mapakali si Leo sa kuwarto niya. Kanina pa siya nawawala sa sarili dahil ilang oras na niyang hinahanap ang kuwintas niya pero hindi niya pa rin ito mahanap. Sigurado siyang nasa bulsa niya ito noong naglalakad siya sa palengke. Hindi siya p'wedeng magkamali. Nasa bulsa niya lang ito.
"Nasaan na ba kasi 'yung kuwintas? Nandito lang dapat 'yon. Saan ka na ba napunta?" hindi mapakaling sabi ni Leo.
Hinalughog niya na ang buong kuwarto pero wala siyang makitang necklace. Importante ito sa kanya at hindi niya p'wedeng maiwala. Ito na lang ang kaisa-isahang alaala nila ng babaeng pinakamamahal niya. Ang larawan na lang nila ang natitirang pruweba na minsan siyang nagmahal at nakaramdam ng saya.
"Hindi p'wede. Nasaan na 'yung kuwintas ko? Ilabas niyo na!" hindi na niya napigilan ang sariling mapasigaw sa sobrang pagkainis.
Umagang-umaga pero ito kaagad ang eksena sa ospital. Kalmadong natutulog si Leo pero nang magising ito at hindi mahanap ang kuwintas sa bulsa niya ay do'n na siya nagsimulang magwala.
Kaagad na lumapit sa kaniya ang mga nurse para tanungin kung anong problema. Nag-aalala sila sa kalagayan nito lalo na't pinababantayan ito sa kanila ng direktor. Kailangan nila i-monitor si Leo bawat minutong lumilipas para siguraduhing wala itong gagawin na ikapapahamak niya.
"Sir Leo, ano po bang hinahanap niyo? Pakiusap, kumalma po kayo. Huminga muna kayo nang malalim. Tutulungan naming kayong maghanap," nag-aalalang sabi ng hindi katangkarang babaeng nurse.
Lima silang pumasok sa loob para tulungan si Leo na maghanap. Hindi pa rin ito tumitigil sa pagsigaw at lahat nang mahawakan niya at bigla niyang ibinabato. Masyado nang magulo ang kuwarto pero hindi niya ito napapansin.
"Ibigay niyo na kasi sa akin ang kuwintas. Sa akin 'yon. Ibalik niyo na. Nasaan na ba? Hindi, nandito lang 'yon. Ilabas niyo na kasi sabi!" naiinis na sigaw ni Leo at malakas na ibinato ang flower vase na nakalagay sa tabi ng kama niya.
Nagkakagulo na sila at hindi mapigilang mataranta dahil sa ipinapakita ni Leo. Tinawag na rin ng kasamahan nila ang direktor para tulungang mapakalma ang anak nito. Hindi na nila alam ang gagawin. Gusto nilang tulungan si Leo pero masyadong mainit ang ulo nito.
"Sir, kumalma po muna kayo," natatarantang sabi ng lalaking nurse.
Pakiramdam nila ay nawawala na rin sila sa sarili dahil kay Leo. Mabuti na lang ay dumating kaagad ang direktor matapos malamang nagwawala ang anak niya. Mabilis itong pumasok sa kuwarto at hinawakan sa balikat si Leo.
"Ano bang problema? Bakit ka nagkakaganiyan?" nag-aalalang tanong nito.
Hindi siya pinansin ng anak at patuloy pa rin ito sa paghalughog sa kama kaya na alam niya kahit wala rito ang kuwintas na hinahanap niya. Ilang beses na niya itong tiningnan pero bigo pa rin siya.
"Leo, ano ba? Sabihin mo sa akin ang problema para matulungan kita!" bulalas ng director nang hindi siya pinansin ni Leo.
Kinakabahang humilera sa gilid ng pintuan ang mga nurse. Tahimik nilang pinagmamasdan ang mag-ama. Sinubukan din nilang maghanap pero wala silang nakita.
"D-Dad..." umiiyak na sabi nito.
Mabilis siyang niyakap ng director. Alam niyang may matinding pinagdaraanan si Leo at handa siyang tulungan ito kahit na madalas niyang ipinapahamak ang sarili. Nasasaktan siya sa tuwing nawawala sa sarili ang anak. Pakiramdam niya ay wala siyang kuwentang ama.
"N-Nawawala 'yung kuwintas. H-Hindi ko makita. Nandito lang 'yon. Hindi 'yon dapat mawala. Ang tanga-tanga ko. Hindi ko mapapatawad ang sarili ko kapag nawala 'yon," mahinang sabi niya habang nakayakap sa braso ng ama.
BINABASA MO ANG
When Colour Dies (COMPLETE)
General FictionAng bawat tao ay nararapat na makatanggap ng halaga, pag-unawa at pagmamahal mula sa kaniyang kapuwa. Ano mang estado ng buhay ay dapat na pantay-pantay ang tingin sa lahat. Walang dapat na mas umangat. Pero paano kung hindi siya binibigyan ng pan...