Pasado ala-sais na ng gabi nang matapos ang pag-uusap nila. Napagkasunduan na rin nila kung paano ang gagawin sa kasunduan na gustong mangyari ng doktor.
"Eunice, you don't have to do that again. Paano kung hindi maintindihin 'yung doktor? Iniisip niya lang naman ang kalagayan ko kaya iyon ang gusto niyang mangyari. Nahihiya pa rin ako," mahinang sabi ni Xiara.
Kasalukuyan silang naglalakad ngayon papunta sa parking lot para umalis sa ospital. Hindi na sila sinamahan ni Leo para ihatid dahil na rin sa sinabi ni Eunice. Ang kaibigan niya ang nakipag-usap at ngayon ay gusto niyang pagsisihan na isinama niya si Eunice.
"What? Did I do something wrong? Wala naman akong nakikitang mali sa mga sinabi ko kanina. I am your best friend. I can't allow anyone to decide about your life. Kahit na sabihin pa nating doktor mo siya," mariing sabi niya sa kaibigan.
Hindi siya pumayag sa plano ng doktor na patirahin si Xiara sa condo unit ni Leo. Sa halip ay nakipag-usap siya sa doktor na siya na lang ang titira sa bahay ni Xiara para bantayan ito kung sakaling may hindi inaasahang mangyari.
"Relax, Mayenna. Huwag mong sabihin sa akin na pumapayag ka sa gusto nilang mangyari? Your parents aren't here, so I will be the one to help you. Hindi ko hahayaan na mapagsamantalahan ka nila," muling dagdag niya pa.
Hindi alam ni Xiara ang eksaktong dahilan pero pakiramdam niya ngayon ay ligtas niya. Kahit na ang daming kamalasan ang nangyayari sa kaniya ay narito pa rin ang kaibigan niya para sumyporta. Sobrang suwerte niya.
"Baka may gusto kang kainin? Dumaan muna tayo sa grocery or restaurant kung gusto mo. Suit yourself. Wala namang problema sa akin kung ipagluluto ulit kita," tanong ni Eunice habang nagmamaneho at nakatingin sa kalsada.
Umiling na lamang ang dalaga at dahan-dahan niyang inihilig ang ulo sa salamin ng bintana. Pagod na ang buong katawan niya dahil sa daming rebelasyon na nangyari kanina. Wala na rin siyang gana na pumunta sa kahit anong lugar dahil gusto na niyang mahiga sa malambot niyang kama ngayon.
"Let's just go home. Saka na lang natin pag-usapan ang ibang bagay bukas. Pakiabot namanj ng blanket," mahinang sabi ni Xiara sa kaibigan.
Kaagad namang iniabot ni Eunice ang blanket sa dalaga at hindi niya maiwasang mag-alala nang mapansin na namumutla ito. Mabilis niyang hininaan ang aircon sa loob ng sasakyan dahil sa pag-aalala na nilalamig ang kasama.
"Malamig pa rin ba? Don't worry, ipag-iinit kita ng tubig mamaya. Malapit na rin tayo sa condo kaya magpahinga ka muna riyan," sabi ni Eunice.
Tumango si Xiara habang yakap ang makapal na blanket nang sa gayon ay hindi na siya gaanong lamigin. Samantala, mabilis na inihinto ni Eunice ang sasakyan nang makarating sila sa parking lot. Pagkatapos nito ay dahan-dahan niyang inalalayan ang kaibigan paakyat sa condo unit.
"What happened to you? Maayos naman ang pakiramdam mo kanina. Wait, umupo ka muna sa couch. I'll cook noodles for you. just a sec," nag-aalalang sabi ni Eunice at mabilis na binuksan ang food container para kumuha ng instant noodles.
Nang matapos ito ay mabilis niyang pinahigop kay Xiara na ngayon ay namumutla pa rin at nanghihina. Pagkatapos nito ay muli niyang inalalayan ang kaibigan pahiga sa kama. Hindi niya alam ang dahilan kung bakit bigla itong nagkaganito pero sobra siyang nag-aalala.
"L-Leo..." mahinang bulalas ni Xiara.
Mabilis na lumapit si Eunice at nag-aalalang tinapik ang kaibigan sa balikat at niyakap ito nang mahigpit. Nananaginip si Xiara at kasabay nito ang pagtaas ng init ng katawan niya.
Nang kumalma ito ay tumayo si Eunice para muling dampian ng bimpo sa noo at punasan ang buong katawan ng kaibigan. Hindi pa rin bumababa ang lagnat nito kaya hindi siya makatulog nang maayos dahil sa pag-aalala.
"Hi! Yes, si Eunice ito. I know it's past 2 a.m. in the morning, but I'm really worried about my friend. Ang taas pa rin ng lagnat niya. I don't really know what to do. Can you help me?" mahinang sabi ni Eunice sa kausap sa telepono.
Dahan-dahan siyang naglakad papunta sa veranda nang sa gayon ay hindi siya marinig ni Xiara. kanina pa siya nag-aalala at kung hindi lang madaling-araw ay kanina niya pa ibinalik sa ospital ang kaibigan.
"Is that so? Okay, I really understand po. Just text me if he's around as soon as possible. I really need to talk to him. Okay, thank you. We'll be there before lunchtime. Thank you so much and sorry again for bothering you," masayang sabi niya bago ibaba ang tawag.
Pagkatapos nito ay kaagad siyang nagpakawala ng malalim na buntong-hininga. Humawak siya sa metal railings at tahimik na pinagmasdan ang madilim na siyudad. Nasasaktan na siya nang sobra dahil sa kalagayan ng kaibigan at hindi alam kung paano ito matutulunga.
"Xiara, I'm sorry. I really don't know how I can help you. Being here with you isn't enough. Hindi nawawala 'yung sakit mo. Nasasaktan ka pa rin and I couldn't do anything about it. It's breaking my heart to see you like this. Kaya lumaban ka, please," mahinang hikbi niya at hindi na napigilan ang sarili na lumuha.
Sanay siya na makitang masaya at walang inaalalang problema si Xiara. Sanay siya na parati itong nakangiti. Sanay siya na makita itong nagagawa ang lahat ng gusto niya. Ito ang nakasanayan niyang makita kaya hindi niya matanggap ang sitwasyon ng kaibigan ngayon.
"What have you done to deserve such a cruel punishment from fate? Fuck! naging mabuti ka namang tao. Mabait ka naman at mapagmahal sa kapuwa mo. I don't understand why this is happening to you. You didn't desereve this. You should enjoy every second of your life to the fullest," muling dagdag niya sa pagitan ng mga hikbi.
Gusto niyang isigaw ang sakit na nararamdaman niya. Kung nakakausap niya lang ang tadhana ay kanina niya pa gustong isumbat dito na hindi patas ang ibinigay na kapalaran kay Xiara. Gusto niyang ibalik ang oras kung saan wala pang sakit ang kaibigan at masaya lang silang nabubuhay sa mundo.
"But don't worry, I will never leave you, nor forsake you. Nandito lang ako sa bawat laban na haharapin mo. Hindi kita hahayaan na lumaban na nag-iisa. Akong bahala sa iyo, ha? Kahit anong hamon pa 'yan ay siguradong makakya natin. Lalaban tayo," determinadong sambit niya.
Pagkatapos nito ay sandali niyang inayos ang sarili at pinunasan ang luha sa mga mata niya. Ayaw niyang makita ni Xiara na nasasaktan siya. Alam niyang hindi gugustuhin ng kaibigan niya na kinakaawaan siya.
Samantala, kaagad na bumalik sina Eunice at Xiara sa ospital matapos makapag-ayos. Hindi na rin gaanong mataas ang lagnat ni Xiara pero kapansin-pansin pa rin ang panghihina sa katawan niya. Subalit hindi naman ito naging hadlang para makapaglakad nang maayos ang dalaga.
"Ano bang ginagawa natin dito? Akala ko ba ikaw na ang bahalang magbantay sa akin sa bahay? Alas otso pa lang ng umaga, siguradong wala pa sila Leo rito," bulalas ni Xiara habang naglalakad sila papasok sa loob ng ospital.
Bahagya namang natigilan si Eunice dahil sa sinabi ng kasama. Kaagad siyang tumingin sa mga mata nito na siya namang nagpakunot sa noo ni Xiara.
"At bakit sigurado ka na wala pa rito si Leo? Nahahalata na kita Xiara. Sa ikinikilos mo, hindi ko maiwasang isipin na palagi kayong magkasama ng lalaking iyon? Patay na patay ka na ba talaga sa kaniya?" nagtatakang tanong ni Eunice.
Mabilis na lumayo si Xiara at umiling sa ipinaparatang ng kaibigan. Hindi niya ito inaasahang marinig mula kay Eunice kaya hindi niya napigilan ang sarili na magulat.
"Grabe ka naman. Alam mo Eunice, baka ikaw ang may gusto sa kaniya? Nakita ko 'yung bangayan niyo kahapon and as a vlogger, I can tell na may sparks kayo. Pero huwag kang mag-alala dahil irereto kita sa kaniya bago ako mamatay. Para naman magkaroon ka na ng love life," diretsong sabi ni Xiara.
Hindi nagustuhan ni Eunice ang sinabi ng kaibigan kaya mahina niya itong hinampas sa balikat. Bahagya ring nawala ang ngiti sa labi niya dahil dito.
"Aray naman! Masakit kaya. Ang bully mo pa rin kahit na may sakit ako," pagrereklamo ni Xiara.
Mabilis naman siyang sinamaan ng tingin ni Eunice. "Huwag mo na ulit sasabihin iyon. Hindi ka pa mamamatay kaya huwag kang mag-isip ng kung ano riyan. Halika na nga," bulalas ni Eunice bago kunin ang kamay ni Xiara.

BINABASA MO ANG
When Colour Dies (COMPLETE)
General FictionAng bawat tao ay nararapat na makatanggap ng halaga, pag-unawa at pagmamahal mula sa kaniyang kapuwa. Ano mang estado ng buhay ay dapat na pantay-pantay ang tingin sa lahat. Walang dapat na mas umangat. Pero paano kung hindi siya binibigyan ng pan...