Nakangiti si Xiara habang nakahiga sa kama niya ngayon. Hindi niya ito inaasahang mangyari dahil ang buong akala niya ay hindi na magbabago si Leo kanina. Hindi sumagi sa isipan niya na bubuhatin siya nito at aakbayan. Hindi ito ang Leo na kausap niya sa ospital.
"I'm going crazy. Gosh, stop it, Xiara!" pagpapakalma niya sa sarili.
Inaamin niya na hanggang ngayon ay kinikilig pa rin siya sa ginawa ni Leo. Kahit isang sandali lang itong hindi naging misteryoso sa paningin niya, pakiramdam niya ay mas lalong nahuhulog ang loob niya rito.
"Nag-enjoy talaga ako sa first date natin. See you next time. Dalaw ka rito sa ospital," pagbabasa niya sa text message na ipinadala ni Leo.
Hindi na niya alam kung anong dapat gawin. 'Yung puso niya ay parang kakawala na sa sobrang saya. Ngayon lang siya nakaramdaman ng ganitong saya. Nakita niyang ngumiti si Leo kanina noong yakapin niya ito. Hindi niya maiwasang umasa na unti-unti na itong nagbabago.
"Sure. Sleep well. Nag-enjoy din ako sa company mo kanina. Let's meet tommorow," pagrereply ni Xiara kay Leo at nilagyan pa ito ng smiley face emoji.
Pagkatapos nito ay nagpagulong-gulong siya sa kama habang yakap ang cellphone. Hindi na niya alam kung nasa katinuan pa ba siya ngayon pero ang nasisigurado niya ay masaya siya. Masaya siya dahil nagpunta sa ospital kanina at niyayang makipag-date si Leo. Wala siyang ideya kung saan nanggaling ang lakas ng loob niya kanina pero hindi niya pinagsisisihan na nangyari ito.
"Matulog ka nang mahimbing. 'Yung necklace ko, ah? Ingatan mo sana dahil malapit ko na 'yan makuha," pagbabasa ni Xiara sa reply ng binata.
Kaagad na napawi ang ngiti sa labi niya nang mabasa ito. Tila doon na bumalik ang katinuan niya. Masyado siyang naging masaya at nakalimutan niyang dalawang date lang sila magsasama ni Leo at lalayuan na niya ito. Ang necklace lang na pagmamay-ari ng binata ang siyang nag-uugnay sa kanilang dalawa.
Hindi na siya sumagot pa sa text message nito at sa halip ay ipinikit na niya ang mga mata. Nagtatalo ang isip niya kung pupunta siya ng ospital bukas dahil kapag nag-date ulit sila ni Leo, tapos na ang kasunduan. Hindi na niya kailanman p'wedeng lapitan ang binata.
Nang magising si Leo kinabukasan ay kaagad siyang nagbihis at nagsuot ng formal na damit. Bumaba siya sa lobby ng ospital para hintayin si Xiara at isagawa ang pangalawa nilang date. Pagkatapos nito ay makukuha na niya muli ang pinakamamahal na kuwintas.
"Ang aga niyo naman po, Sir Leo. Ang ganda po ng coat na suot niyo. May lakad kayo ni Ma'am Xiara, ano? Nako sir, baka nahuhulog na ang loob niyo sa kaniya," pagbibiro ng janitor kay Leo nang mapansin ang binata.
Hindi naman ito pinansin pa ni Leo. Nanatili siyang nakaupo sa couch malapit sa front desk habang hinihintay ang babae. Bahagya niyang sinilip ang cellphone pero walang text messages na galing kay Xiara. Alas-otso na ng umaga kaya naisip niyang baka tulog pa ito dahil napagod sa lakad nila kahapon.
Lumipas ang isang oras pero hindi pa rin dumarating si Xiara. Nagsisimula nang mainip si Leo pero pinipigilan niya ang sarili. Maghihintay siya dahil siguradong darating ang babae. Maaaring ngayong araw na ang huli nilang pagkikita kaya hihintayin niya ito.
"Kumain na po ba kayo, sir? Sabi ng nurse na nagbabantay sa inyo, maaga raw kayong bumaba rito. May gusto po ba kayong kainin? Ibibili namin kayo," nagtatakang tanong ng nagkabantay sa front desk kay Leo.
Umiling lamang ang binata at nagpatuloy pa rin sa ginagawa. Nag-text na rin siya kay Xiara na nagsasabing hinihintay na niya ito pero wala pa rin siyang reply na natatanggap. Lumipas pa ang dalawang oras pero walang Xiara na dumating. Hindi na alam ni Leo kung may importante ba itong ginagawa o ayaw lang siyang puntahan.
BINABASA MO ANG
When Colour Dies (COMPLETE)
General FictionAng bawat tao ay nararapat na makatanggap ng halaga, pag-unawa at pagmamahal mula sa kaniyang kapuwa. Ano mang estado ng buhay ay dapat na pantay-pantay ang tingin sa lahat. Walang dapat na mas umangat. Pero paano kung hindi siya binibigyan ng pan...