Chapter 4

11 0 0
                                    


"IKAW ba ang kausap ko sa phone?"

Nakatulala pa rin siya sa nagsasalitang lalaki. Hindi niya mahagilap ang dila upang masagot ang itinatanong nito.

"Sorry, nagkamali yata ako—"

"A-Ako nga!" bigla niyang naisagot nang akmang tatalikod na ang lalaki. Marahil sa pagkabigla rin kaya napahawak siya sa braso nito. Agad niyang binawi iyon nang matuon doon ang pansin ng lalaki.

"Okay. So kung ikaw nga, where is she?" nakakunot ang noong tanong nito.

"Errr...nasaan nga ba? Narito lang siya kanina eh. Paanong...baka...baka ano—"

"Nasaan na?!"

"Nasaan nga?!" nagulat niyang sabi. "Ano ba? Huwag mo akong sigawan at ninenerbiyos ako sa'yo!" reklamo niya.

"I'm not shouting! Where's my grandmother?"

"Hindi ko nga alam! Kanina ay narito lang siya. Nakaupo siya riyan!" aniya na itinuro pa ang lugar na kinauupuan ng abuela nito kanina. May ibang tao nang naroon ngayon.

Naihilamos ng lalaki ang mga kamay sa mukha at napansin niyang namula ang kutis nito dahil sa ginawa. "Hindi mo dapat siya iniwan! Hinintay mo sanang sumagot ako sa text niya bago ka umalis!" iritado nitong wika.

Na-guilty siya sa narinig. Paano nga kung tuluyan nang nawala ang matanda? Mukhang bratinela pa naman ang sosyal na lola. Baka kung napaano na iyon.

"Sorry, hindi ko naman alam eh."

"What are we going to do now? Hindi pa naman iyon sanay dito. Baka kung mapaano na iyon!"

"Teka, bakit kasama ako? Hanapin mo, ipahanap mo sa mga kamag-anak mo—"

"Ikaw ang huling nakakita sa kanya kaya kailangang kasama ka 'pag inireport ito sa pulisya."

"Hindi ko siya kasama! Naki-text lang sa akin si Lola!" nabigla niyang sagot.

"Okay. Halika muna at sumama ka sa akin," wika nito sabay hawak sa kanyang braso.

"Sandali, saan mo ako dadalin?" Bigla siyang kinabahan. Baka inaakala nitong kinidnap niya ang lola nito. Ano naman ang mapapala niya kung gagawin niya iyon? Isa pa ay hindi siya..."Hindi ako kidnapper!"

Napakunot ang noo ng lalaki sa sinabi niya.

SA isip ni Phil ay kailangan niyang isama sa pulisya ang babaeng kaharap upang magbigay ng pahayag tungkol sa lola niya. Iyon lang ang pakay niya pero sa hitsura ng babaeng ito, parang ibig yata niyang mag-isip nang hindi maganda.

"Hindi ako kidnapper, mister! Nagkakamali kayo!" Nagpumiglas ito sa pagkakahawak niya kaya hinigpitan niya ang kapit sa palapulsuhan nito.

"Hindi ko sinabing kidnapper ka. Hihingi lang tayo ng tulong sa mga pulis," mahinahon niyang sabi bagaman kinakabahan na. Bakit ganitong makapagsalita ang babaeng ito? Hindi kaya guilty ito at ang totoo ay itinatago ang lola niya? Baka naman nakipagkuwentuhan dito ang abuela at natunugan ng babaeng ito na mapera ang kanyang lola?

"Hindi ako puwedeng sumama sa iyo. Hinihintay ako ng kapatid at hipag ko," nahihintakutang sagot ng babae.

"Nasaan ang kapatid mo?" tanong niya habang marahang naglalakad papunta sa parking area na hawak pa rin sa isang kamay ang kausap.

"Nasa ER. Ililipat na siya ng silid kaya—"

"What's his name?"

"Huh? His name?"

"Oo, ano ang pangalan ng kapatid mo?"

"Raphael Domingo. Teka, bakit?"

"Ako na ang bahala sa kapatid mo but for now, you need to come with me." Binilisan na niya ang paglalakad habang hawak pa rin ito sa isang braso.

Love PotionTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon