7DWB: Day Zero

30 1 1
                                    

1

"O, BES, KAMUSTA?"

Kahit nasa gitna ng kalsada ay patuloy pa rin si Buddy sa pakikipag-usap sa kanyang kaibigang si Rose Ravales. Kahit alam niyang mataas ang tsansa niyang makuhanan ng telepono ay patuloy pa rin siya sa pakikipag-usap sa kanyang kaibigan.

Siya lang kasi ang pag-asa ni Buddy para maging matagumpay ang kanyang pagbabakasyon.

"Ang hirap palang sumakay dito, bes!" reklamo ni Buddy habang nakikipagsiksikan. Dahil sa sobrang dami ng tao ay hirap na hirap siyang makasakay ng bus.

"Mag-taxi ka na lang kaya? Magpapadala na lang ako ng pera pagdating mo doon sa inuupahan mong bahay para may panggastos ka." suhestiyon ni Rose. Wala man siya sa tabi ng kaibigan ay naririnig pa rin niya sa telepono ang hirap nito.

"Naku, Rose, huwag na. Maliit lang ako pero kaya kong makipagsiksikan! Medyo... mabigat lang talaga 'yong mga gamit ko pero huwag ka nang mag-alala, kayang-kaya ko 'to! Malakas kaya ako- aray!" Hindi na natapos pa ni Buddy ang kanyang sinasabi. May nakabangaan kasi siya habang pinipilit ang sariling makapasok sa bus.

"Hello, Buddy? Ayos ka lang ba?" tanong ni Rose ngunit hindi ito narinig ng kausap. Nanatili lang ang tingin nito sa kanyang nakabangaan.

"Next time, watch where you're going." Ang nakabangaan ni Buddy ang unang nagsalita. "Bitawan mo muna 'yang cellphone mo para hindi ka nakakaabala ng ibang tao."

"S-sorry po, sir." ani Buddy matapos nitong bumalik sa katinuan. "Sorry po talaga."

Wala siyang natanggap na sagot mula sa lalaki. Dumiretso ito papasok nang bus nang walang kahirap-hirap.

"Hello, Buddy?" Napatingin siya sa kanyang telepono noong marinig niya ang boses ng kaibigan. Hindi pa pala napuputol ang linya. "Hello? Buddy, nandiyan ka pa ba?"

Muling inilapit ni Buddy ang telepono sa kanyang kaliwang tainga. "Teka lang, bes, tatawag na lang ulit ako mamaya." pagpapaalam niya sa kaibigan.

"O-okay. Mag-ingat ka, Buddy, a. Tawagan mo na lang ulit ako kapag nandoon ka na sa inupahan mong bahay. Excited na akong makilala kung sinong kasama mo!" Kahit hindi kasama ni Buddy ang kaibigan ay damang-dama pa rin nito ang kanyang sigla.

"Huwag kang mag-alala, Rose. Ikaw ang unang-una kong babalitaan. Mas excited ka pa kaysa sa akin, e." sagot niya sa dalaga. "O siya, mauuna na ako, a. Bye!"

Agad na ibinulsa ni Buddy ang telepono matapos niyang makapagpaalam kay Rose. Saglit din siyang huminto upang huminga.

"O, isa na lang! Isa na lang!" narinig niyang sigaw ng konduktor ng bus. Mas mabilis pa sa alas-kuwatro ang ginawa niyang pagtakbo, at dahil dito'y nakaabot siya. Siya ang pinakahuling pasaherong pinapasok bago nagsimulang umandar ang bus.

"Hay, bakit ko ba kasi napiling magbakasyon kung kailan holiday?" tanong ni Buddy sa sarili. "Hirap na hirap tuloy ako sa dami ng tao."

Hingal na naghanap si Buddy ng mauupuan. Dahil nga siya ang pinakahuling pumasok ay halos wala na siyang maupuan.

Hanggang sa makita niya ang isang pamilyar na mukha.

Saglit na nagkatitigan si Buddy at ang lalaking kanyang nabangga kanina bago siya makapasok ng bus. Wala siyang katabi ngunit ang kanyang bag ay nakapatong doon sa upuang malapit sa bintana.

"Excuse me po?" Gustong-gusto nang umupo ni Buddy kaya siya na ang unang nagsalita. "Puwede po ba akong tumabi sa inyo? Wala na po kasi akong maupuan."

Napataas ang kilay ng kanyang kausap. "'Di ba, ikaw 'yong bumangga sa akin kanina sa terminal?" Napakagat-labi si Buddy nang balikan ng lalaki ang naging tagpo nila sa sakayan ng bus.

Seven Days with BuddyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon