8

11 2 0
                                    

8

Habang tumatagal lalong gumugulo ang tahimik kong buhay. Halos oras-oras gusto kong paliguan ng mura si Ryom.

Lahat ng kilos nito ay kinaiirita ko kahit minsan wala naman itong ginawa. Nakikita ko lang siya, sinusubok na nito ang pasensya ko.

Kaya laking pasasalamat ko tuwing nasa site ito ng tinatayong pabrika. Hindi ko siya nakikita at nakakapagpahinga ang mabangis kong utak.

Kakalabas lang ng isang kliyente. Inaayos ko ang mga gamit at nilinis ang sahig ng salon. Malapit na akong matapos nang tumunog ang ang chimes sa ibabaw ng pinto. Tanda na may pumasok.

Sa pag-aakalang si Ryom iyon, hindi ko na nilingon. Pero nang wala akong narinig na boses nito. Tinigil ko muna saglit ang trabaho. Nag-angat ng tingin para tingnan kung customer ba ang pumasok o si Ryom at nantri-trip na naman.

Isang lalaki na naka gray ng polo at itim na slacks ang nasa bukana ng aking shop. Kumunot ang noo ko.

Sa pormahan nito, masasabi kong hindi ito magpapaayos ng buhok.

Maayos kasi ang pastada ng buhok na nakagel. Parang dinilaan nga iyon ng baka sa sobrang ayos.

"Ano pong atin?" Tanong ko dahil hindi naman ito nagsalita.

Pinasadahan niya ako ng tingin. Mula ulo hanggang paa. Mas lalong kumunot ang noo ko.

"May kilala ka bang Jetie?" Pormal ang boses. Halatang kalkulado nito iyon.

Duda akong may malinis itong intensyon. Para kasi itong loan shark na nakikita ko sa mga palabas sa tv.

Wala naman akong alam na may utang si Tatay. Kung meron man ay sa tindahan ni Ate Malou at limang daan lang naman iyon.

Kung iyon ang dahilan ng pagpunta ng lalaking ito rito, babayaran ko si Ate Malou mamaya. Grabe naman kung itong lalaking 'to ang inutusan niya para maningil. Isa pa, wala pang isang buwan pa lang ang utang namin ni tatay sa kanya.

Iyon ay kung tama ang hinala ko.

At para sagutin ang tanong ng lalaki, umiling ako.

"Sigurado ka?" Humakbang ito palapit sa akin.

Hinigpitan ko naman ang hawak ko sa dustpan at walis  na nasa aking kamay. Hinanda ang sarili sa kung ano mang masamang balak nito.

Subukan lang niya akong saktan o kahit hawakan man lang. Paplantsahin ko ang dila nito.

"Jetie Villasis," anito.

"Wala nga!"

Sino ba ito? Bakit nito hinahanap si Tatay? May kasalanan ba si Tatay?

Wala naman siyang sinabi sa akin.

Pero may napansin ako... madalang ang tawag ni Tatay sa akin. Sa text ay ganon din. Hindi ko na rin pinansin kasi busy din ako. Idagdag pang may bwisita sa bahay na nagpapainit ng ulo ko lagi.

Huminto ang lalaki sa paghakbang. Isang dipa lang ang layo naming dalawa.

"Magtanong ka sa iba baka kilala nila."

Pero duda akong meron dito sa amin na kilala si Tatay sa tunay nitong pangalan. Tawag kasi ng mga tao dito kay tatay ay 'Yeti' lang. Walang nakakaalam ng aming apelyido. Hindi naman iyon nakapagtataka kasi hindi ko rin naman kilala ang apelyido ng lahat ng mga tao dito sa amin. Iyong iba nga palayaw lang, hindi ko alam ang totoo at buong pangalan. Bale, iyon na kasi ang nakasanayan namin dito.

Kadalasan tinatawag si Tatay dito na 'Yeti-bakla', 'Yeti ganda', 'Yeting May Salon' o di kaya'y 'Bakla Na May Anak'.

Muling tumunog ang chime na nasa ibabaw ng pinto ng shop. Sa pagkakataong ito, si Ryom na ang pumasok.

beauty series: Not Beauty's TypeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon