CHAPTER 24

359 14 22
                                    

/Leni/

Ang papalubog na araw na tumatama sa aking mga mata ay nangangahulugang isang bagong simula ang paparating sa aming dalawa. Ang paglubog ng naunang karanasan ay ang paghikayat sa nalalapit na panibagong yugto.

Nakakasilaw man ang araw na siyang nagbigay liwanag sa buong paligid, hindi ko maialis ang aking paningin upang damhin ang kakaibang saya na namamahay sa kalooban ko kanina pang umaga simula nang marating namin ang Palawan.

Niyayakap ko ang aking sarili sa lamig ng simoy ng hangin na animo'y kumakalabit sa akin nang buong-buo. Ang pagsasayaw ng mga halaman na sinasabayan ng tunog ng alon na tumatama sa dalampasigan ang siya ring nagdagdag sa kapayapaang aking tinatamasa, malayong-malayo sa buhay namin sa Maynila.

Masasabi kong isa itong napakagandang desisyon. Isang desisyon na naghahatid ng walang katumbas na saya dahil sa pusong sinunod makamit lamang ang kaligayahang inaasam kasama ang lalaking nagsisilbing kalahati ng aking buong pagkatao.

Malaki ang pasasalamat ko sa aking mga kaibigan dahil sa suportang kanilang ibinigay para sa relasyon namin ni Bong. Masakit mang isipin pero kung hindi namin 'to ginawa, paniguradong pabagsak na nga ang dalawang taong pakikipaglaban para namin sa isa't-isa.

Napalingon ako kay Bong na payapang natutulog sa higaan, tila ba napagod sa matagal na byahe namin papunta rito. Dahil na rin siguro sa wala kaming tulog simula pa kahapon ay humihilik siya sa sobrang pagod. May ngiti sa labi ko siyang pinagmamasdan. Yakap-yakap pa nito ang dala kong paboritong unan.

Dahan-dahan akong lumapit sa kanya, kinuha ang kumot at itinaklob ito sa kanyang katawan. Malakas pa naman ang hangin baka lamigin siya. Hindi na niya suot ngayon ang button down polo kaya ang sandong pinailaliman nito ang nakikita ko ngayon.

Mahina akong napatawa dahil sa hilik niya. Hindi ako sanay na marinig si Bong na ganyan, ngayon ko lang din nalaman na malakas pala humilik ang isang 'to. Ayaw na ayaw ko talaga ang humihilik pero kapag si Bong ang gumagawa no'n kahit pakinggan ko pa buong magdamag, ayos lang. Nababaliw na nga yata siguro ako.

Nagligpit lang ako sa mga gamit namin saka nagwalis na rin. Hindi ako sigurado kung hanggang kailan kami mananatili rito kaya ang nais ko lamang isipin sa pagkakataong ito ay sabayan ang agos ng buhay at panindigan ang desisyong aking naisip. Saka ko na iisipin ang pag-aaral kong iniwan ko sa Manila kagaya ng kung paano iwan ni Bong ang kanyang trabaho. Kaya malaki talaga ang aking utang na loob kay Sela at Diego.

Sa ganda ng paligid, hindi maiwan-iwan ng mga mata ko ang ayos ni Bong na sa kabila ng lahat ng kagandahang taglay ng kalikasan ay maituturing ko na siya ang pinaka magandang gawa ng Diyos. Kanina pa ako nagpipigil sa kilig ko at baka mapasigaw ako ng wala sa oras at magising ko pa siya.

Nang muli kong tignan ang labas, medyo dumilim na nga ang paligid dahil mas lumubog na ang araw kung kaya't napag desisyunan kong bumaba na muna upang magtungo sa pagkainan sa gilid ng resort na ito para sa hapunan naming dalawa.

May dalawang dalagita ang nakangiting sumalubong sa akin na tila ay sayang-saya sila na makita ako. Mukhang gusto yata nila akong kausapin dahil nagtutulakan pa sila kung sino dapat ang mauunang magsalita. Baka gusto nila akong kaibiganin. Magka edad lang naman kami at mananatili ako rito ng matagal kaya mabuti na ring magkaroon ako ng bagong mga kaibigan.

"Hi! Pwede magtanong?" tinulak-tulak siya ng isa kaya siya mahinang humagikgik. Bakit sila kinikilig sa akin? Malaking ngiti na lang ang sinukli ko sa kanila para magmukha akong pala kaibigan.

"Kaano-ano mo 'yong lalaking kasama mo kanina? Kapatid mo ba? Pakilala mo naman kami oh, ang gwapo kasi!" naglaho ang ngiting namuo sa aking labi at ito ay napalitan ng simangot. Kiniliti pa siya ng kasama niya, kilig na kilig talaga.

Secluded  (BongLeni FF)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon