NANGALUMBABA ako habang nakatingin kay Papa na abalang-abala sa mga dokumentong binabasa niya para sa sisimulang food cart business. Hindi mabura-bura ang matamis kong ngiti magmula nang sabay kaming umuwi kanina. Palaisipan pa rin para sa akin na narinig ko ang mga salitang 'yon mula sa kanya. Kusa ring sumasagi sa isip ko ang ngisi niyang ni minsan 'di ko inakalang makikita ko.
Lintek, hindi pwede 'to.
"Papa Erns, my labs!"
Napapitlag ako. Sinamaan ko ng tingin si Rozz na kakapasok lang dito sa bahay namin. Nakapambahay lang siya. Itim na taslan short at pulang muscle tee. Kitang-kita ang nagmamayabang niyang mga braso. "Anong ginagawa mo rito?!"
"Pinapunta ko siya, 'nak." Sagot ni Papa, nakatuon pa rin ang atensyon niya sa binabasa. "Nagpapatulong ako sa kanya kung anong magandang ipangalan sa food cart business natin. Ang naisip ko kasing negosyo eh kapehan. Magpapagawa rin ako sa kanya ng magandang logo."
Napanguso ako. Kaya naman pala may dalang plastic envelope at laptop ang lintek. Puro art materials ang laman ng envelope. Ngiting-ngiti siyang umupo sa tabi ni Papa. Ang dami niya talagang kayang gawin. 'Di na ako magtataka na baka isang araw siya ang kukuning barista.
Tumayo ako at naglakad papuntang kwarto. Ngunit, hindi pa man ako tuluyang nakakapasok ay tinawag na ako ni Rozz. "Ano?!"
"Sungit," bulong niya na narinig ko naman. "Halika, tulungan mo naman kami!"
Napakamot ako sa gilid ng noo ko. "Alam niyo namang 'di ako marunong sa mga ganyan."
"Asus, sige na't tulungan mo na kami. Mag-isip ka ng pwedeng isali sa menu. Hindi naman pwedeng kape lang ang nasa menu natin, 'nak. Dapat may mga pagkain din."
Umupo ako sa tabi ni Rozz at pinagkrus ang mga braso sa dibdib. Saglit akong napaisip bago nagsalita. "Tinapay. Tinapay ang naisip ko. Likas kasing mahilig ang mga pinoy sa tinapay lalo na 'pag may kape. Mainit na kape tapos mainit at masarap din na tinapay."
Tumango-tango silang dalawa. Sinulat ni Rozz ang mga sinabi ko. Sa laptop naman niya ay may iba't ibang disenyo siyang ginawa para sa logo at pangalan. Elvi's Brew. Bagay naman. Ayos pakinggan.
"Vida!"
Umarko ang kilay ko sa pagtataka. May impaktong kumakalampag sa gate namin! "Tignan mo nga 'yon at baka kaibigan mo, 'nak."
"Gusto mo samahan na kita?" alok ni Rozz habang nagsusulat pa rin sa tickler notebook niya.
"Huwag na." Tumayo ako at naglakad palabas. Tuloy pa rin sa pagkalampag ang hinayupak sa gate namin. Kandahaba ang mga leeg ng mga marites sa labas. "Oh, ba't mo hinahanap si Vida rito?" tanong ko kay Ryu nang mabuksan ang gate.
Pinasadahan ko siya ng tingin mula ulo hanggang paa. Magulo ang buhok niya. Nakasuot siya ng itim na leather jacket at kulay puting shirt ang panloob. Medyo marumi pa at gusot. Gray pants ang suot niya at Vans black and white na sapatos. Sa gilid ng gate namin ay nakaparada ang makintab na motor. Bago niya sigurong baby. Kulay pulang click na motor.
"'Tangina, 'di ko na alam sa'n siya hahanapin!" Napahilamos siya sa mukha niya gamit ang dalawang palad. Frustrated ang lintek. Ngayon ko lang napansin na may bahid ng dugo ang puting telang nakarolyo sa kaliwang kamao niya. "Hindi siya nagrereply sa akin! Nag-deactivate siya ng Facebook!"
Kinabahan naman ako sa narinig. Pero mukhang mas kinabahan yata ang mga marites na tutok na tutok ang mga mata sa aming dalawa. Akala siguro nila'y nag-aaway kaming dalawa rito. Kumakain pa sila ng chicha habang nanonood. "Magsasabi naman kasi si Vida kung pupunta siya rito." Bumuntong hininga ako. "Pinuntahan mo ba siya sa Tiyang Lolet niya?"
BINABASA MO ANG
LOVE MADE OF THORNS (Duma Boys Series #1)
RomanceElvira Mae Fable grew up having a strong personality. She was always outspoken. She grew up having thorns instead of wings, masked up herself as brave, and disguised her pain into nothing. Not until, she met her greatest opposite that will tame eve...