"Ilang taon ka na pala?"
Ngumiti ako sa ginang na nasa aking tabi. Maikli ang buhok niya at may iilang puting hibla na rin ito. Simpleng damit at mahabang puting saya ang suot niya. Siya si Manang Rita, ang kasambahay nila at siya rin ang sumalubong sa amin nang makarating kami rito sa malaking bahay nila Thor. Nasa kwarto niya ang lalaking 'yon ngayon dahil maliligo raw muna siya.
"Eighteen po," magalang kong sagot.
Tumango-tango siya. Binalot kami ng ilang minutong katahimikan hanggang sa bigla siyang nagsalita. Napapitlag tuloy ako.
"Alam mo, noong bakasyon pa kami lumipat dito. Ang totoo niyan, tubong Quezon City kami. Matagal na akong naninilbihan sa pamilyang ito at sa iba pang kamag-anakan ng Sylviaje."
Ako naman ngayon ang tumango-tango. "Eh, bakit po kayo napadpad dito?"
Bumuntong hininga siya na tila mabigat para sa kanya ang magsalita. "May nangyari noon na hindi mo na dapat itanong pa."
Bagamat naging malamig ang kanyang boses ay may bahid iyon ng tila nagpapayo sa akin. Hindi nalang ako nagsalita dahil mukhang sensitibo nga ang tungkol sa sinabi niya.
Hindi matigil ang paglibot ng aking paningin sa kabuuan ng kanilang bahay. Simple pero talagang malaki. Kitang-kita ko ang aking repleksyon sa makintab na puting marble floor. Walang kahit isang kalat o kahit alikabok man lang. Masasabi kong pulido maglinis si Manang Rita kahit siya lang mag-isa ang kasambahay dito.
May mga malalaking antique na pigurin at tatlong malalaking wall frame. Natutop ko ang aking bibig nang makita ang pamilyar na mukhang nasa unang wall frame. Nakangiti siya na abot hanggang mata. Nakaupo siya sa bench ng isang park na mukhang hindi rito sa Dumaguete. Mukhang masayahin siya noong siya'y bata pa. Kabaliktaran sa kung ano siya ngayon, ngunit hindi ko naman siya lubusang kilala para magsalita ako nang ganito.
Mukhang nabasa naman ni Manang Rita ang aking reaksyon kaya nagsalita siya. "Si Thor ang nasa unang frame. Ang pangalawa ay ang magulang nila. Si Ma'am Faye at Sir Elias."
Parang kastila ang mga magulang ni Thor. Maputi at parehong matangkad. Ang mama ni Thor ay parang modelo dahil sa taglay nitong ganda. Natural na mapula ang magkabilang pisngi nito. Ang tatay naman niya ay parang may halong ibang lahi dahil sa sobrang tangos ng ilong. Makakapal ang dalawang kilay at natural na mapula ang labi.
Ngunit may isa pa. May isang frame ng bata. Kinse anyos ang tantiya kong edad niya. Magkamukha sila ni Thor. Kagaya niya ay nakangiti rin ito. Nakahiga siya sa damuhan. Habang matagal akong nakatitig ay hindi ko alam kung bakit nakaramdam ako ng kakaiba.
O baka naman ganito ako dahil hindi pa ako nakakapag-meryenda? Lintek, ang tagal kasing maligo ng turnilyong 'yon. Hindi tuloy ako maiwan-iwan ni Manang dito dahil ayaw niyang mabagot ako.
"Sino po ang batang 'yan?" Tinuro ko ang batang nasa frame.
"Ah, si Storm 'yan. Kuya ni Thor."
Nawala ang kakaibang naramdaman ko dahil sa narinig. May Kuya pala si Thor Neil Yo? Akala ko only child lang siya. Hindi kasi halata e. But in fairness, ang ganda ng pangalan. Thor at Storm.
"Nasaan po si Storm?" Tanong ko, nakapaskil na ang ngiti sa aking labi dahil aaminin kong nakaka-excite na makilala ang Kuya niya.
Mabait kaya 'yon? Nag-aaral pa ba o may trabaho na? Pareho kaya sila ni Thor na sobrang tino?
Napaiwas ng tingin si Manang Rita na tila ba ayaw akong sagutin. Ngunit sa huli ay bumuntong hininga at akmang magsasalita na sana nang may bumaba mula sa carpeted na hagdan. Gray shirt ang suot niya na may print ng 'I Don't Care'. Itim na taslan short naman ang suot niya pang-ibaba. Nang dumapo ang tingin ko sa mapuputi niyang binti na medyo balbon ay napatikhim siya. Nag-init ang pisngi ko nang umiwas ng tingin.

BINABASA MO ANG
LOVE MADE OF THORNS (Duma Boys Series #1)
RomanceElvira Mae Fable grew up having a strong personality. She was always outspoken. She grew up having thorns instead of wings, masked up herself as brave, and disguised her pain into nothing. Not until, she met her greatest opposite that will tame eve...