Prologo: Pangalan

154K 4K 558
                                    

Nang makita ko si Ama ay agad akong umalisto. Nandito na siya at ang mga bataan niya, ibig sabihin, kailangan na naming mag-intrega. Labing - limang taong gulang na ako at pitong taon na akong nasa poder ni Ama. Hindi naman ako nagrereklamo dahil mula nang mapunta ako sa kanya ay hindi na ako nakaramdam ng gutom, hindi na ako nababasa ng ulan at hindi na rin ako nahihirapang tumakas sa boys town kung saan dinadala ang mga nahuhuling tulad ko sa lansangan.

Isa akong yagit.

Hindi ko na halos matandaan ang buhay ko noong may pamilya pa ako. Ang alam ko, namatay ang nanay ko sa sakit na tb. Mahirap na buhay lang kami. Nang mamatay si Nanay noong anim na taong gulang ako, kinukop ako ng tyuhin ko - umalis ako doon dahi ginagamit niya akong insturmento sa pagpapalimos upang kumita siya ng pera. Ayoko nang ganoon, pagod na nga ako, sinasaktan pa ako ng asawa niya kaya noong walong taon ako - nang isama ako ni Tiya sa Divisoria -ay tumakbo ako - tumakbo ako ng mabilis na mabilis - pakiramdam ko noon lang ako nakaramdam ng kalayaan.

Akala ko ay seswertihin na ako. Nakita ko ang kapitbahay naming si Aleng Choleng sa isang palengke noon. Kilala niya ako. Isinama niya ako. Sabi niya ay naaawa siya sa akin kaya daw dadalhin niya ako sa aking ama. Nagtaka ako nang dalhin niya ako sa isang simbahan at hinanap ang paring nagngangalang Hernan.

Akala ko ay ipapaampon niya ako pero sa murang isipan ko, naintindihan ko na si Padre Hernan - ang lalaking hinanap ni Aling Choleng ay ang aking tunay na ama. Napilitan si Aling Choleng noon na sabihin sa akin ang totoo.

Dating dancer ang nanay ko sa isang club, nakilala niya ang pari, binayaran siya at ang gabing iyon ay ako ang naging bunga. Ayaw akong tanggapin ng pari. Labag daw sa kanyang landas ang presensya ko. Masakit. Walang taong gulang ako nang maramdaman ko ang tunay na sampal ng reyalidad ng buhay sa aking mundo.

Muli, ay tumakbo ako. Sa kakatakbo ko ay nabangga ko si Ama - yagit - siya ang nagbansag sa akin. Kinuha niya ako.

"Anong pangalan mo?" Tanong niya habang nakasakay kami sa van niyang puti.

"Ernesto po." Wika ko. Binigyan niya ako ng kendi. Madalang akong makakain niyon. Nakangiting kinuha ko iyon.

"Nasaan ang mga magulang mo, Ernesto?"

"Patay na po ang nanay ko. Ang tatay ko pari."

"Ernesto kamo ang pangalan mo?" Tanong niyang muli. Tumango ako. Napangiti siya. "Papalitan natin ang pangalan mo, Ernesto. Sa pagdadalhan ko sa'yo, hindi mo kailangan ang nakaraan mo o ang anino ng dating ikaw. Sa araw na ito, ikaw si Axel John."

Hindi ko siya masyadong maintindihan. Basta ang alam ko, masarap sa tainga ang narinig kong pangalan,

"Axel John..." Inulit ko. "Anong apelyido ko?" Tanong ko pa. May kung anong ngiti sa mukha niya.

"Apelyido. Axel John Apelyido."

Mula nang araw na iyon. Nakilala ako bilang si Axel John. Pitong taon ko nang dinadala ang pangalang iyon. Axel John Apelyido. Tulad nang sinabi ni Ama noong araw na kinuha niya ako sa lansangan, hindi ko kailangan ng dating ako sa bago kong mundo.

Isa akong yagit. Namamalimos sa lansangan. Sa gabi, ibinibigay kong lahat ang kinita ko ay Ama, pasasalamat sa pagkupkop niya sa akin. Kapalit noon ay hindi ako nasasaktan, hindi ako nagugutom at may tinutulugan ako.

"Magkano sa'yo, Axel John?" Tanong niya sa akin nang tumapat siya. Binigay ko sa kanya ang limang daang pisong ipinapalit ko sa isang tindahan kanina. Hindi lang iyon. Ibinigay ko rin kay ama wallet na kinuha ko sa babae sa loob ng simbahan kanina, ibinigay ko rin ang kwintas na hinablot ko. Ngumiti siya nang makita ang lahat nang iyon.

"Magaling, Axel John! Sa'yo ang pinakamalaking parte ng manok ngayong gabi!" Wika ni Ama. Tuwang-tuwa naman ako sa sinabi niya. Tumabi agad ako upang bumalik sa pila. Masarap ang ulam namin ngayon kaya masaya ako at ako na naman ang pinakamaraming bigay kay Ama.

Nang matapos ang pag-iiintrega namin ay pumasok ang dala sa bataan ni Ama. May dala silang isang babaeng may suot na red baseball cap, naka-long sleeves na puti at mahaba ang buhok. Nagpupumiglas siya. Sa tantsya ko ay nasa labing - tatlo o labing apat ang edad niya.

"Siya nga pala ang bago ninyong kasama. Pinangalanan ko siyang Pamela Anne." Tumingin siya sa lahat.

"Bitiwan ninyo ako! My father will look for me and when he does this syndicate will go down!"

Sosyal ang bago naming kasama. Englisera. Hindi ko siya masyadong inintindi.

Nang sabihin ni Ama na kakain na ay nag-alisan na kami. Tulad nang sinabi niya kanina, sa akin ang pinakamalaking parte ng manok. Napalakas ang kain ko dahil binigyan ako ni Ate Sile ng maraming kanina, sayote, at sabaw sinamahan na niya iyon ng patis na may sile.

Busog na busog ako nang gabing iyon. Bago ako natulog ay pumuslit pa ako sa likod-bahay para mag-yosi. Pampawala ng umay.

Habang nakatayo ako sa gilid ay narinig ko ang isang hagulgol. Tumakbo ako at nakita ko ang bagong pasok na si Pamela Anne na hawak ng dalawang bataan ni Ama.

"Tatakas ka pa ha! Hindi ka makakatakas dito hangga't hindi pumapayag ang tatay mong General sa proteksyong hinihingi ni Ama!"

"Kung condom lang ang habol ninyo, maraming ganoon sa seven eleven!"

Tinulak siya ng dalawang lalaki. Tumakbo naman ako at dinaluhan siya.

"Mga boss, ako nang bahala dito." Itinapon ko ang yosi ko kung saan. Tumingin sila sa akin.

'O sige, Axel, ikaw na diyan. Baka masaktan pa namin iyan!" Umalis ang dalawa at naiwan sa akin ang babae. Tiningnan ko siya.

"Anong tunay mong pangalan?" Tanong ko. Nag-iwan siya ng tingin.

"Do you expect me to tell you? You're one of them!"

"Anong one op dem, one op dem ka diyan?! 'Wag ka nga maarte! Magtagalog ka! Nasa Pilipinas ka, Pamela Anne, oy!" Pinanlakihan niya ako ng mga mata. Nakadama naman ako ng awa sa kanya. Umiling ako at pinulot siya sa lupa.

"Kung gusto mong makatakas dito, matuto kang magpanggap." Inalalayan ko siya.

"Tutulungan mo ba ako? I can't do it alone." Tumingin ako.

"At magtagalog ka kung gusto mong tulungan kita nang magkaintindihan tayo. Pers year high school pa lang ang natatapos ko. Wala pa akong sekan year kaya di kita maintindihan masyado."

Ipinasok ko siya sa loob ng silid ko.

"Diyan ka sa kama. Matulog ka. Bukas lahat ng gagawin nila, gawin mo. Itatakas kita, Pamela Anne."

Tiningnan ko siya. Kung may gagawin man akong maganda sa buhay kong patapon na, iyon ang pagpapalaya kay Pamela Anne.

Axel John: The Studly Man ChallengeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon