CHAPTER 01

96 7 0
                                    


━━━━ ◦ ❖ ◦━━━━


"Prinsesa Persi! Huwag po kayong tumakbo baka madapa kayo." Habol ng mayordoma sa prinsesa na patuloy pa rin sa pagtakbo habang tumatawa pa.

"Prinsesa Persi!" tawag nitong muli.

Lumaking malusog at masayahin ang prinsesa. Tila hindi ito dinapuan ng sakit noong ito'y sanggol pa lamang kung kaya labis ang tuwang naramdaman ng buong palasyo nang malamang gumaling na ito at magpahanggang ngayon ay malusog pa rin ito.

Humagikgik naman ang bata at muling tumakbo ngunit nabunggo ito sa kung sino at nang tingalain niya ito ay napangiti siya.

"Ma! Pwede niyo po ba 'kong samahan maglaro?" ngiting tanong ng prinsesa.

Matagal naman siyang tinitigan ng reyna bago nginitian ang anak at pinantayan ito.

"Magpahinga ka muna anak, mukhang napagod ka na sa kakalaro mo." Marahang hinagod naman ng reyna ang buhok ni Persinette.

Napanguso naman na ikinatawa ng ina saka ito pinatalikod sa anak upang ayusin ang buhok nito.

"Tignan mo't nagulo na ang buhok mo dahil sa paglalaro, nakakahiya at baka pagtawanan ka ng iyong mga kalaro dahil ang gulo na ng buhok mo," natatawang sabi nito sa anak.

Humagikgik namang muli ang batang si Persinette at hinayaan ang ina sa ginagawa nito.

"Ang bilis palang humaba ng iyong buhok anak." Suklay nito sa buhok ng anak na umaabot na sa hita nito.

"Naiinitan na nga po ako eh," nakangusong reklamo ng paslit.

Muli namang natawa ang ina nito habang inaayusan ang anak.

"Bakit hindi na natin putulin ang kanyang buhok mahal? Tutal ay malaki na si Persi, hindi na ito parang sanggol na iiyak kung siya ay gugupitan."

Halos sabay na napatingin ang prinsesa at reyna sa hari na papalapit sa kanila ngayon.

"Gusto mo na bang magpagupit anak?" Sinilip ito ng reyna mula sa likod ng prinsesa.

Tiningala naman siya ni Persinette at tumango.

"Bueno ating ipatawag ang pinakamagaling na parlorista," anang hari.

Agad nitong tinawag ang mayordoma at sinabihan itong tumawag ng parlorista.

"Maghanda ka na anak at anumang oras ay darating na parlorista dahil ikaw ay..."

Inamoy naman muna nito ang ulo ng anak at nagkunwaring napangiwi sa amoy niyon.

"Mabaho na."

Sabay na tumawa ang mag-asawa habang napasimangot naman si Persinette at inamoy ang sarili buhok.

"Hindi naman po mabaho eh," nakasimangot na aniya.

"Binibiro ka lang ng iyong ama," nakangiting sabi naman ng reyna sa anak.

Nakasimangot pa ring umakyat sa kanyang kwarto ang prinsesa habang kasunod naman niya ang ilan sa kanilang tauhan.

Nang matapos sa kanyang pag-bibihis, ngayon naman ay sinusuklayan ang napakahabang buhok ng prinsesa.

"Prinsesa Persi, napakaganda at lambot ng inyong buhok sana'y magkaroon din ako ng ganito kagandang buhok," komento ng dalaga habang sinusuklayan pa rin ang prinsesa.

Ngumiti naman ito at tinignan ang babae mula sa salamin. "Huwag po kayong mag-alala bibigyan ko kayo ng ginagamit kong sabon, pero nais ko na talagang ipaputol ito dahil minsan ay nahihirapan na rin akong ayusin ito."

What Hides Beneath The TowerTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon