SIMULA: HIRAM NA ANINO
MAY MATINIS NA tunog akong naririnig pero hindi ko alam kung saan ito nagmumula—o kung totoo ba 'to o gawa-gawa lamang ng isip ko. Bukod pa ito sa naririnig kong samu't saring ingay mula sa nagtitipa, naglalakad, nagtitimpla ng kape, at ilang beses na bumubuga ng hangin dahil sa paghihintay ng sagot mula sa akin.
"Miss, hindi namin magagawan ng matinong report ang kaso mo kung hindi ka makikipagtulungan sa amin. Bakit ba ayaw mong ikwento sa amin ang nangyari?" hindi na nakapagpigil pa at naiinis na tanong ng unipormadong lalaki sa harapan ko. May katangkaran siya at nakahawak sa magkabilang bewang niya habang diretso ang tingin sa akin, hinihintay pa rin ang pagsagot ko sa tanong nila.
"Kapag hindi 'yan nagsalita ngayon, mao-obliga tayong maghanap ng ibang witness sa sinasabi niyang patayan na nangyari sa Labo Street," dagdag na komento ng pulis na kaharap ko mismo, nasa lamesa at nakahanda na sa pagtitipa sa mga detalyeng inaabangan nilang manggaling mismo sa mga bibig ko bilang primary witness sa nangyari kanina bago nila ako dalhin dito sa presinto.
Nanginginig pa rin ang mga kamay ko. Hindi pa rin kumakalma ang isip ko at sariwa pa rin sa tainga ko ang mga ingay na narinig ko. Nananatili pa rin sa ilong ko ang amoy ng malapot at sariwang dugo—mga bagay na akala ko ay natakasan ko na.
Muling suminghap ng hangin ang matangkad na pulis sa bandang gilid ko na halatang naubusan na ng pasensya dahil hindi pa rin ako nagsasalita.
Tumalon ang puso ko at nagulat ako nang hampasin nang malakas ng pulis ang lamesa sa harapan ko. Tumitig siya sa akin at inilapit pa ang mukha niya, wari'y binibigyan pa ako ng huling pagkakataon para sabihin ang gusto nilang marinig mula sa akin.
"Bakit ka nasa Labo Street at sino ang sinasabi mong humahabol sa 'yo?" mariin na tanong ng pulis sa hindi ko na mabilang na pagkakataon.
Saglit munang nagkaro'n ng katahimikan sa pagitan naming lahat bago ako marahan na tumingin sa mga mata niya. Hindi yata siya handa para ro'n kaya kaunting napaurong ang mukha niya palayo. May bakas din sa mga mata niya ng pagtataka, pero mabilis din itong nawala.
"Maniniwala ba kayo kung sakaling ikwento ko ang buong detalye sa inyo?" mapanghamon kong tanong sa mga pulis. "Kung bakit ako nando'n, kung sinong mga kasama ko bago niyo ako natagpuan, at kung bakit ako tumatakbo para sa buhay ko?"
Umayos nang pagkakatayo ang matangkad na pulis. May yabang sa mga mata niya habang nakatingin sa akin. Sandali itong lumunok bago sumagot, "bakit hindi mo subukan?"
Pinutol ko ang mga titig ko sa kaniya at sa halip, natulala ako sa kawalan bago buksan muli ang bibig ko.
"Naniniwala ba kayo sa sabi-sabi na kapag nakuhaan o nakita kayo na walang ulo, may masamang mangyayari sa inyo?" Walang sumagot sa tanong ko, lahat sila nanatiling nakikinig at namasid lamang sa akin. "Dahil 'yon mismo ang tinatakasan ko bago niyo ako makita."
Ilang beses akong kumurap bago nagpatuloy.
"Kapag nakita niyong pugot ang ulo ko, isa lang ang dahilan kung bakit." Saglit akong huminto at lumingon sa mga pulis. "Dahil matagal na dapat akong patay at may utang akong buhay na hindi ko pa nababayaran."
HIRAM NA ANINO
Written by Ayel Greigh
BINABASA MO ANG
Hiram na Anino
HorrorUrban Legends Series | Ang kamatayang naiwasan ay utang na dapat pagbayaran. *** A novel. Maaring ang lahat sa atin ay nakasakay na sa pampasaherong jeep kahit man lang isang beses sa buong buhay natin. Pero hindi lahat makakaranas singilin nang mas...