KABANATA 1: BYAHE NG MGA PUGOT
"AYAN NA NGA ba ang sinasabi ko kaya hindi dapat hinahayaang maka-inom 'yang si Marcus e. Tingnan niyo, sinong magbubuhat ngayon sa bakulaw na 'yan?" iritableng saad ni Renald habang masamang ipinupukol ang kaniyang mga tingin sa matabang lalaki na nakahiga sa sofa, humihilik pa ang huli habang mahigpit na nakahawak sa bote ng alak na kakatapos lang nitong ubusin sa isang lagukan. Aakalain mong tubig lang ang ininom niya dahil hindi siya huminto sa paglagok kanina hangga't hindi niya nauubos ang laman ng bote.
"Kasi kanina ko pa sinabi na awatin niyo na 'yan si Marcus. Hindi kayo nakinig," komento ni Tyrese habang nililigpit ang mga kalat sa lamesa, kabilang na ang mga bote ng alak at ilang mga plato at baso na ginamit naming magbabarkada sa kalaliman ng gabi. Pabalik-balik siya sa loob at labas ng silid dahil nasa labas ng kwarto ang tapunan kaya tumayo ako mula sa pagkakaupo at tinulungan na siya sa paglilinis.
Kinuha ko ang walis tambo at dustpan na nasa likod lamang ng pintuan at winalisan ang mga natapong balat ng mga chichirya at candy na nilantakan namin kanina habang naguusap-usap kung anong balak namin pagkatapos naming grumaduate sa senior high school. Ang iba naming kasamahan ay nagbibihis pa mula sa paliligo sa swimming pool sa ibaba. Marahil ito na rin ang huling beses naming magsama-sama bilang magkakaklase kaya inabot na kami ng gabi.
"Iwanan na lang kaya natin 'to si Marcus? Sa lagay niyang 'yan malabong magising pa siya," suhestyon ni Brian bago humalakhak at paghahampasin ang katabi niya na si Harold. Agad na umiwas ang huli dahil sa bigat ng kamay ni Brian, halatang wala nang kontrol ang lalaki dahil lasing na ito at maraming nainom na alkohol kumpara sa aming lahat. "Basta ako kaya ko pang maglakad, hindi pa ako inaantok, at kaya kong dalhin ang sarili ko mag-isa," aniya pa bago tumayo nang tuwid at naglakad palabas.
"Gago sundan mo 'yon 'tol! Baka malaglag sa hagdan 'yon," agad na saad ni Anthony, na ngayo'y mukhang nahimasmasan na matapos maghilamos, kay Harold. "Tapos pabalikin mo rito at paghilamusin para mabawasan ang pagkalasing. Lagot kamo siya sa ama niya kapag naamoy siya no'n pag-uwi," dagdag pa niya.
Tahimik na tumayo si Harold at sinundan sa labas ng kwarto si Brian.
Itinabi ko na ang walis at dustpan na hawak ko nang malinis ko na ang pwesto namin. "Hindi pa rin ba tapos magbihis sila Marga? Baka dumating na 'yong jeep na nirentahan natin," tanong ko.
"Negative birthday girl. Alam mo naman 'yan sila Marga and her company, mas makupad pa sa pagong kung kumilos," tugon ni Isabella na kasalukuyang sinusuklay ang buhok niya palabas sa mas maliit pang silid dito sa kwarto kung saan nagbibihis ang iba pa naming mga kaibigan. "Anong oras daw ba darating 'yong jeep? Dito ba tayo mismo susunduin?"
"Ang sabi sa akin 11:30 raw ng gabi tayo susunduin, e anong oras na," sagot ko sa tanong niya. Sakto naman na may narinig kaming lahat na paparating na sasakyan, kaya napatingin agad ako at si Tyrese na kakatapos lang magligpit, sa bintana. "Ito na yata 'yong jeep. Dalian niyo na!"
Agad na naglabasan sila Marga, Jhoanna, at Artemis sa maliit na silid, halatang kakatapos lang mag-blower ng buhok at magsi-ayos ng sarili. Pawang mga naka-shirt at pajama na ang mga ito, halatang handa na matulog pagdating nila sa mga kaniya-kaniya nilang bahay.
"So sinong magbubuhat ngayon diyan kay Marcus?" tanong ni Isabella.
Lahat kami ay nagtinginan kay Anthony na siya namang agad nitong iniling. "Bakit ako?" Lumingon siya sa likuran niya para sana hanapin si Renald na kanina ay naroon lang sa tabi pero wala na rin ito, mukhang nauna nang bumaba dahil natunugan na niya na ganito ang mangyayari.
BINABASA MO ANG
Hiram na Anino
HorrorUrban Legends Series | Ang kamatayang naiwasan ay utang na dapat pagbayaran. *** A novel. Maaring ang lahat sa atin ay nakasakay na sa pampasaherong jeep kahit man lang isang beses sa buong buhay natin. Pero hindi lahat makakaranas singilin nang mas...