Kabanata 3: Huling Paalam ng Namayapa

42 3 0
                                    

KABANATA 3: HULING PAALAM NG NAMAYAPA





HINDI PA SUMISIKAT ang araw nang magising ako sa isang tawag. Nakapikit kong inabot ang cellphone ko bago ko ito sinagot. Narinig ko ang pagtawag ni Isabella sa pangalan ko kaya sinilip ko ang screen ng cellphone ko para kumpirmahin kung si Isabella nga ba ang tumawag.

"Bakit ka napatawag? Anong oras pa lang," antok na antok kong sabi bago muling ipikit ang mga mata ko. Ipinatong ko lang sa tainga ko ang cellphone para marinig ang boses niya.

Dakong alas tres na ng madaling araw. Sobrang tahimik at tulog na tulog pa ang diwa ko.

Pero hindi rin nagtagal 'yon nang marinig ko ang sinambit ni Isabella sa kabilang linya.

"Nahanap na nila ang katawan ni Maureen," nanginginig at garalral na sabi ni Isabella. Noong una ay hindi ko pa naintindihan ang tinuran niya, hanggang sa ulitin niya ang mga katagang 'yon kasabay ng paghikbi at pag-iyak. "Nahanap na nila ang katawan ni Maureen."

Bigla akong napaupo mula sa pagkakahiga. Agad na nanlaki ang mga mata ko at hindi ko alam kung anong una kong hahawakan o gagawin—pero agad akong bumaba sa kama at agad na dumiretso sa closet para magsuot ng jacket nang sabihin ni Isabella kung nasaan ang iba pa naming mga kaibigan ngayon. Kung saan daw natagpuan si Maureen.

Nasa kabilang baranggay raw ang mga kaibigan namin ngayon. Nang makalabas ako sa bahay, nakasalubong ka na rin agad si Isabella sa labas. Sabay kaming pumunta sa kanto para sumakay ng tricycle at sa buong byahe namin, walang tigil sa pangingig at pagluha si Isabella.

Sobrang lakas ng kabog sa dibdib ko, parang hindi ako makahinga dahil tila may mabigat na kung ano sa dibdib ko. Pinagpapawisan din ako ng malamig kahit hindi naman kami naglakad papunta sa kabilang baranggay. Hindi pa man nakukumpirma ng mga mata ko ang tunay na nangyari, tila tinakasan na ng lakas ang buong sistema ko.

Lalo pa nang makababa kami ng tricycle.

Ingay na nagmumula sa sirena ng ambulansya at pulisya ang sumalubong sa amin. Hala-halong ingay tao rin ang bumungad sa amin bago namin marating si Renald at ang iba pa naming mga kaibigan. Lahat sila umiiyak. Yakap-yakap ni Marga si Jhoanna at Artemis na parehong nakaupo na sa sahig, pawang mga humahagulgol sa harapan ng isang makipot na sapa kung nasaan ang mga pulis at medical rescuers.

May kulay dilaw na tape ring hinarang ang mga kapulisan para hindi pumasok sa loob ang mga sibilyan. Kabi-kabila rin ang mga pulis na kumukuha ng litrato sa bawat sulok ng lugar.

"A-anong nangyari? Na-nasaan si Maureen?" kinakabahan kong tanong kay Renald pero nanatiling tulala ang huli sa katawan na inaakyat ng mga paramedic mula sa sapa. Doon ko nakuha ang sagot sa tanong ko kaya napahawak na lamang ang dalawang kamay ko sa bibig bago ko namalayan ang pagtulo ng luha ko. "Ma-Maureen . . ."

Nangingibabaw ang sigaw na nagmumula sa mga magulang ni Maureen sa lugar, hindi sila kalayuan mula sa amin. Nakita ko rin ang pagpigil nila Brian at Anthony kay Felipe na umaakmang susugurin ang inaakyat na katawan papunta sa amin. Bakas sa itsura ni Felipe na wala pa siyang tulog at pahinga sa paghahanap sa nobya simula pa kagabi.

Nakatakip ng puting kumot ang katawan pero alam na naming lahat kung sino 'yon—bagay na hinihiling pa rin namin na sana nagkakamali lang kami.

Nang maiakyat na ng paramedic sa kinatatayuan namin ang labi na nakuha nila mula sa sapa, agad na tumakbo papalapit ang mga magulang ni Maureen dito, maging si Felipe ay hindi na rin napigilan ni Brian at Anthony.

Hiram na AninoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon